Palaging Nakakatanggap ng Sulat Mula sa Secret Admirer ang Babae, Halos Himatayin Siya sa Kilig Nang Makilala Ito
Nakatulala si Mabel, nakapangalumbaba pa at nangangarap ng gising. Nasa ikatlong taon na siya ng kolehiyo at kumukuha ng kursong Business Management. Siya ang pinakamatalino sa klase, pero hanggang ganoon lang siya. Di siya pansinin sa school dahil normal lang naman ang itsura niya.
May suot na makapal na salamin at katamtaman lang ang height. Sabi ng nanay niya maganda raw siya, pero syempre ay nanay niya iyon kaya natural lang na magandahan sa kanya. Ordinaryo lang siyang estudyante, hinding hindi mapapansin ng crush niyang si Harvey na sobrang sikat sa university nila.
“Huy! Nangangarap ka na naman,” bati ng bestfriend niya, si Michelle. Ito lang ang nakakasakay sa mga trip niya dahil ang iba nilang kamag-aral ay di siya masyadong kinakausap.
“H-ha?”
“Sabi ko, tara na sa locker. Magpalit na tayo ng outfit. Presentation na natin mamaya naka-jogging pants ka pa,” tatawa-tawang sabi nito.
Pagdating nila roon ay napakunot ang noo niya, may note na naman kasing nakalagay sa pinto ng locker niya.
Have a great day, wag mong kakalimutang ngumiti dahil ikaw ang nagpapangiti sa akin.
“Uy, may secret admirer siya. Taray ang ganda,” biro ni Michelle. Inirapan niya naman ito, sus. Baka ito nga lang ang naglagay noon, pinagtitripan siya.
O baka ibang classmate nila na walang magawa sa buhay, imposible namang may humahanga sa kanya na may ganitong paandar. Kasi sa palabas lang iyon at kung mangyayari man sa totoong buhay, hindi sa kanya. Hindi naman kasi siya maganda.
Naglakad na sila patungo sa conference room sa school nila, doon sila magpe-present ng kanilang proyekto. Pero bumagal ang andar ng mundo niya nang makasalubong niya si Harvey.
“Hi,” nakangiting bati nito.
“H-hello,” parang lumulutang sa alapaap naman na sagot niya.
Baka himatayin pa siya sa kilig kaya minadali niya na ang maglakad. Ganoon siya palagi kapag nakakasalubong si Harvey, buti nalang ay mabait ang binata.
Nakasama niya ito sa isang school organization, kung saan ito ang Presidente at siya naman ang Vice. May ginawa silang project noon para mas mapaganda pa ang school nila kaya napalapit siya rito maski na magkaiba ang course nila. Information Technology kasi ang kinukuha ng lalaki.
Mabilis lumipas ang mga araw, sumapit na ang prom ng dalaga. Isang simpleng bestidang puti lamang ang isinuot niya.
Lahat naman ng kababaihan sa school nila ay napa-wow nang umakyat si Harvey sa unahan at kinuha ang mic.
“Hi everyone. Oh my God, why am I so nervous?” sabi ng binata. Nagtawanan ang lahat, ang cute cute nito! Maging si Mabel ay nakangiti sa gilid, pero nawala iyon nang ituloy ng binata ang pagsasalita.
“So..I like this girl. Palagi ko siyang nakikita pero wala akong lakas ng loob na manligaw sa kanya. Ang galing galing niya kasi, nai-intimidate ako,” kwento nito.
Halatang na-dismaya ang lahat pero ang classmate niyang si Casey, isa sa mga pinaka-maganda sa campus ay biglang ngumiti ng pagkalaki-laki. Feeling nito ay ito ang tinutukoy ni Harvey, tutal ilang beses na rin silang nagka-pareha sa mga muse and escort contest.
Nagsimula na si Mabel na maglakad patalikod. Ewan niya ba, ayaw niya itong makita kung paano manligaw sa iba. Ang sakit sa dibdib eh.
Pero bago pa man siya makalayo ay napatigil siya sa paghakbang nang marinig ang sunod na sinabi ng binata.
“Mabel Del Rio, pwede ba kitang ligawan?”
Gulat na gulat ang lahat, maging si Mabel. Teka nga ulit, ano nga ulit ang sabi nito?
Liligawan raw siya?
Unti unti siyang lumingon ulit, and this time, papalapit na ang binata sa kanya.
“Napapagod na ako kakaiwan ng note sa locker mo. Alam kong hindi tayo bagay, dahil kakaiba ka. Magaling ka sa lahat ng bagay, sobra mo akong napahanga talaga,” namumula ang pisnging sabi ng binata.
Ibig sabihin, ito pala ang secret admirer niya!
Ilang sandaling hindi makakibo si Mabel, hindi pa rin siya kasi makapaniwala. Pero hindi niya na pinigilan ang sarili, tumango siya sa binata at pinayagan itong manligaw.
Ito rin ang naging escort niya ng gabing iyon.
Makalipas ang ilang buwan ay sinagot niya rin ito. Di man naging madali ang lahat dahil marami pa ring mga babaeng lumalapit kay Harvey ay siniguro naman ng binata na siya lang ang mamahalin nito.
Maging ngayong mag-asawa na sila at may dalawang anak ay patuloy pa ring naging tapat ang kanyang mister.
Ang kanilang pagmamahalan ay isang magandang patunay na walang pinipiling katayuan o itsura ang pag-ibig. Kapag kasi tumibok ang puso, lahat hahamakin maski na anong pagsubok.