Inday TrendingInday Trending
Pinipilit ng Kakambal Niya ang Lalaki na Umuwi na Rito sa Pilipinas, May Malagim na Lihim Pala ang Binata

Pinipilit ng Kakambal Niya ang Lalaki na Umuwi na Rito sa Pilipinas, May Malagim na Lihim Pala ang Binata

Pitong taon nang nasa Amerika si Ben.Dito niya na rin nais na tumira at tumanda. Bagamat wala pa naman siyang asawa, kuntento na siya sa buhay rito. Bukod sa maganda ang sahod ay ayaw niya na talagang bumalik sa Pilipinas.

Malalim ang galit sa puso niya, kinamumuhian niya ang sarili niyang ama. Paano niya ba makakalimutan? Iniwan sila nito dati para sa ibang babae. Siya lamang at ang kakambal niyang si Bads ang naging kaagapay ng kanilang ina, sampung taong gulang pa lamang sila noon.

Tapos, ngayong matanda na ito at may mga trabaho na sila, babalik balik sa kanila ang lalaki at hihingi ng tawad? Bakit hindi ito magsumiksik sa kabit nito, bakit sila ang peperwisyuhin ngayon? Buti nga ay saktong sakto noon na tinawagan na siya ng inapplyan niya rito sa Amerika kaya hindi na nagkaroon ng chance na makasama niya ang matanda.

Ewan niya ba sa kakambal niyang si Bads, kung bakit nagawa nitong magpatawad ng ganoon kadali. Mahal na mahal niya ang kapatid pero minsan ay di niya maintindihan ang mga desisyon nito. Nalimutan na yata nito ang mga hirap na dinanas nila.

Alas tres palang ng madaling araw nang magring ang cellphone ni Ben, nang tingnan niya kung sino ang tumatawag ay si Bads iyon. Inaantok pa talaga siya dahil batak siya sa overtime nitong nakaraan, pero isang Linggo rin kasing hindi tumatawag ang kapatid.

“Hello?” malat pang sabi niya.

“Kailan ka uuwi?” bungad agad nito.

Napakunot naman ang noo niya, “Ha?”

“Sabi ko bro, kailan ka uuwi,”

“Bads paulit-ulit na tayo rito. Hindi nga ako uuwi dyan, kung gusto mo. Ikaw ang pumunta rito, bibigyan kitang pamasahe. Ayoko dyan. Teka.. nakainom ka ba?” tanong niya.

Natawa naman ang kapatid niya sa kabilang linya, “Hindi,nami-miss lang kita bro. Umuwi ka naman dito. Alam mo namang hindi ko tatagalan ang Amerika, batang Pinas ako eh. Uwi ka na rito.Sige na.. matanda na rin si Tatay. Di na makatayo.” sabi nito.

Tumigas ang ekspresyon niya nang mabanggit nito ang ama, “Ano naman ang pakialam ko sa matandang yan.”

“Siya pa rin ang ama natin. Kung wala siya, wala tayo. Sa tingin mo ba.. hindi pa oras para magpatawad? Kung si nanay nga bago pumanaw, paulit-ulit ang bilin na wag na tayong magtanim ng galit. Matanda na siya, kailangan ka niya.” paliwanag nito.

Umiling iling si Ben, “Hindi, hindi ko makakalimutan. Paano yung mga oras na naglako tayo para may makain, nalimutan mo na ba iyon? Eh dahil nga sa hirap ng buhay, isa lang sa atin ang nakapag-aral. Ako lang, kinailangan kang magsakripisyo. Kung di niya tayo iniwan, hindi siguro magiging ganoon kahirap ang lahat.”

“Iyon na nga eh, ako ang nagsakripisyo. Diba dapat ako ang mas magalit sa kanya dahil di ako nakapag-aral? Sige na Ben. Gawin mo na ito.Kahit..para sa akin nalang,”

Doon napatigil si Ben, palagi nalang siyang pinagbibigyan ng kapatid niya. Palagi itong nagpaparaya. Ngayon lang ito hihiling, kahit na labag sa loob niya ay bumuntong hininga siya.

“Oo na, pero sandali lang ha?”

Narinig niya itong tumawa sa kabilang linya.”Sabi ko na nga ba, hindi mo ako matitiis. Mahal kita Ben, kapatid ko. Alagaan mo si tatay.”

Sasagot pa sana siya pero ibinaba na nito ang telepono. Natulog na ulit si Ben.

Kinabukasan ay agad siyang nag-file ng leave sa trabaho, pinayagan naman siya dahil isa siya sa pinakamasisipag na empleyado.

Halos isang buong araw ang naging byahe niya, madaling araw na siya nakalapag sa Pinas. Ewan ba ni Ben, iba ang kaba niya.

Siguro ay dahil matagal niyang hindi nakita ang ama. Kung hindi lang dahil kay Bads, wala na siyang pakialam rito.

Sumakay siya ng taxi at nagpahatid sa kanilang lugar. Ang lakas ng tibok ng puso niya nang muling makita ang kinalakihan nilang bahay, lumang luma na ito. Ang laki ng nagbago sa loob ng pitong taon.

“Bads..” tawag niya sa gate. Inikot niya ang paningin, marahil ay di magkandaugaga ang kakambal niya kakaalaga sa paralitikong matanda kaya di na ito nakakawalis sa bakuran.

“Bads,” sabi niya ulit pero walang nasagot. Bagamat may narinig siyang kalabog sa itaas ng kahoy na bahay.

Ilang sandali pa ang hinintay niya, maliwanag na ay nakatayo pa rin siya sa gate. Antok na antok na siya, buti nalang ay nakita siya ng isang kapitbahay nilang nagwawalis sa bakuran nito.

“Ben? Ikaw na yan?” tanong nito.

“Ate Ising?” pilit niyang kinilala ang ale.

“Ako nga! Ikaw talagang bata ka, walang sasagot sa iyo dyan. Tena, sasamahan kita sa itaas.” sabi nito. Tinanggal nito ang kalawit sa gate.Anak ng teteng, di naman pala naka-lock.

Baka tulog pa si Bads. Maso-sorpresa ito!

“Gising na siguro ang matanda, dahan-dahan ka.” sabi ni Aling Ising.

Puno ng agiw ang ibaba ng bahay nila. Natatandaan niya, tulong pa silang magkapatid na maglinis sa salas. Masinop sa bahay si Bads kaya medyo nagtataka siya dahil mukhang napabayaan na itong bahay.

Dahan-dahang ibinukas ni Aling Ising ang isang pinto sa itaas, tumambad sa kanila ang kanyang ama na nakaratay. Payat na payat ang matandang lalaki at tabingi ang mukha.

May pagkaing nilalangaw sa gilid nito at gatas na kalahati lang ang nainom. Nakatanaw ito sa bintana, kung saan makikita ang papasikat na araw. Kitang-kita na may luha sa mga mata nito.

Kinapa ni Ben ang puso niya, bakit ganoon? Bakit wala siyang maramdamang galit? Ang nangingibabaw ngayon ay awa, pag-aalala at..pagmamahal? Aminin niya man o hindi, nais niyang umiyak at sugurin ng yakap ang ama.

Kaya pala siya nagagalit, hindi lang dahil sa hirap. Kundi dahil sa katotohanang inabandona sila. Ang ama niya na inidolo niya noon pa man, binigo siya.

Hindi pa siya makahakbang nang muling magsalita si Aling Ising, “Kawawa nga ang ama mo eh. Tanging si Bads lang ang nag-alaga diyan. Pero ngayong wala na ang kapatid mo, kami kami nalang magkakapitbahay ang nagtutulungan na magbigay sa kanya ng pagkain. A-ako ang naglilinis ng dumi niya at ang mister ko naman ang tagabuhat pag papaliguan siya.”

Doon napalingon si Ben,”B-bakit ho? Nasaan ba si Bads?”

Rumehistro ang pagkagulat sa mukha ng ale. “Anong nasaan? Diyos ko po, hindi mo alam?!”

Umiling siya, hindi alam ang ano?

“Naaksidente si Bads! Nailibing na noong isang Linggo! Kami kami lang ang nagtulungan.. Panginoon ko, patawad hindi namin nasabi sa iyo! Wala naman kasing nakakaalam kung papaano ka cocontactin sa Amerika.. ang cellphone ni Bads ay ninakaw pa ng mga taong nakakita sa kanya sa kalsada nang ma-hit and run siya.”

Nanlumo si Ben, hindi niya malaman kung iiyak siya o sisigaw. Halu-halo ang emosyon na nararamdaman niya. Nakaalis na si Aling Ising ay umiiyak pa rin siya.

Makalipas ang ilang sandali, nang mahimasmasan siya ng kaunti ay napansin niyang nakatingin pala sa kanya ang matandang nakaratay.

“A-Anak..” malungkot na tawag nito.

Unti-unti siyang lumapit.

“B-Ben..patawarin m-mo ang t-tatay..n-nagsisi na a-ako..” nakangiwing sabi nito, umiiyak.

“Tay,” sabi niya lang at niyakap ang matanda.

Biglang gaan ang dibdib niya.

Hindi pala matahimik ang kaluluwa ng kapatid niya hangga’t hindi sila nagkakaayos ng ama kaya ito nagparamdam at nakipag-usap sa kanya.

Simula noon ay siya na ang nag-alaga sa ama. Sapat na rin ang naipon niya sa Amerika kaya nagpatayo nalang siya ng negosyo rito sa Pilipinas.

Kinalimutan niya na lahat ng masakit sa nakaraan. Lahat ng tao ay nagsisisi at nagbabago. Kung ang Diyos nga ay nagpapatawad, tayo pa kayang tao?

Malungkot ang ngiti niya habang nagtitirik ng kandila sa ibabaw ng lapida ng kakambal, naka-wheelchair ang kanyang ama at dinalaw nila ang puntod ni Bads.

“Bads, bro. Mahal kita..sana masaya ka dyan, susundin ko ang bilin mo. Ako na ang bahala kay Tatay..”

Advertisement