Ginamit ng Matabang Babae ang Picture ng Pinsan Niya Para Ipakita sa Boyfriend Niyang Kano, Taranta Siya nang Umuwi Dito sa Pinas ang Gwapong Binata
“Insan, sige na. Ililibre kita ng meryenda, hapunan.. kahit ano pa yan! Sige na isang picture lang naman,” nagsusumamong sabi ni Patty sa pinsan niyang si Jelly.
“Ano ba kasi? Maganda ka naman eh, bakit gagamitin mo pa ang mukha ko?” tanong ng babae sa kanya.
Nais niyang kasing gamitin ang litrato nito, iyon ang ipapadala niya sa boyfriend niyang Amerikano, si Dane. Anim na buwan na rin silang nag-uusap pero palagi lang sa telepono. Ayaw niya ng videocall dahil ikinahihiya niya ang sarili.
Oo, tama ang pinsan niyang si Jelly. Maganda siya, kaya lang..ang taba niya. Baka mawalan ng gana ang lalaki. Bale ba ay hulog na hulog na siya rito, mabait kasi si Dane, may respeto, may magandang trabaho. Bonus pa, ang gwapo.
Isa itong system engineer sa Amerika, na nakilala niya lang nang minsan siyang mag-apply bilang online writer. Ito ang naging amo niya. Nagsimula sa pagpapagawa ng mga simpleng article tungkol sa kumpanya nito hanggang nagkapalagayan na sila ng loob.
Alam niya naman, nag-iilusyon lang siya. Pero pinababayaan niya nalang ang sarili para sa panandaliang ligaya. Ni minsan kasi ay di niya pa naranasang maligawan sa edad niyang 32.
“Diyos ko tingnan mo nga mukha akong aparador! Baka i-block ako agad niyan. Sige na insan..ano kasi. M-monthsary kasi namin. Regalo ko na rin sa kanya na ipapakita ko ang mukha ko kuno.”
“Eh diba sabi mo, sabi niya kamo maski na ano ka pa mahal ka niya diba?Bakit di ka magtiwala sa tao?”
Saglit na natahimik si Patty, di alam ang sasabihin.”Eh! Sige na, minsan lang ako humiling sayo.”
Ilang pilit pa ay napapayag niya rin ang pinsan. Nag-send siya ng picture sa lalaki at ni-replyan naman siya nito ng ‘okay, thanks’ Aba, mukhang hindi natuwa. Ang ganda at ang sexy na ng pinsan niya ha, paano pa pag nakita na nito ang totoong siya? Baka masuka pa ito.
“Babe, I badly wanna see you. I am so exhausted.” pagod na sabi ng binata sa kabilang linya.
“Don’t worry. Time will come and we’ll be together. How’s your day?”
“Bad. Things didn’t go as planned. Documents piled up. But hearing your voice makes it all better,I love you Patty,”
Kinilig naman si Patty, pero kasunod noon ay ang malungkot na ngiti. Paano kaya kung malaman nito na sa totoong buhay ay FATty siya?
“I-I love you too Dane,”
“I just want to..run away with you.” halatang nakangiti ang binata sa kabilang linya. Umapaw naman ng pagmamahal ang puso ni Patty, kung pwede lang eh.
Matapos ang dalawang oras, natapos ring mag-usap ang magkasintahan. Nagpaalam si Dane na tatlong araw raw itong hindi makakatawag dahil may tinatapos na project, ayon dito, iyon daw ang pinaka-importanteng proyekto sa buhay nito.
Mabilis lumipas ang mga araw, nasa tricycle si Patty noon dahil sinamahan niya ang mama niyang mag-grocery. Sulyap siya nang sulyap sa orasan, tatawag na kasi si Dane. Bale ba ay miss na miss niya na ang binata.
Lakad takbo ang ginawa niya pag-uwi sa bahay, agad niyang binuksan ang laptop. Nanlumo siya dahil tinapik siya ng kanyang kapatid.
“Te, walang net. Kababayad nyo lang ni mama diba? delayed kayo, natanggal tuloy. I-follow up nyo dapat sa PLDT,” sabi nito.
“Ha?! naku naman..” malungkot na sabi niya. Napaupo nalang sa sofa. Katabi ang pinsan niyang si Jelly.
Nag-iisip pa siya ng gagawin nang biglang sumigaw ang nanay niya sa labas.
“Patricia Maria Redondo! Patty!” agad silang napatakbo, siya, ang kapatid niya, at ang pinsan niya.
“Napapano ka nay?!” sigaw ng kapatid niya.
Magsasalita rin sana si Patty pero natulala siya nang makita kung sino ang nasa harapan ng nanay niyang parang nananaginip ng gising.
Si Dane.
Mas gwapo ito sa personal, matangkad, asul ang mga mata.. itim ang buhok at may papatubong bigote at balbas. Pakiramdam ni Patty ay sumabog ang matris niya.
“Buntis na ata ako..” bulong ng kapatid niya, kinurot niya ang hitad.
Tatakbo na sana siya at yayakapin ito nang bigla siyang napatigil. Malungkot na ngiti ang kasunod noon, dahil eto na. Eto na ang oras para magpaalam siya sa binatang iniibig. Malalaman na nito ang totoo na niloko niya lang ito.
“Hi,” nakangiting bati nito kay Jelly. Lalong nalungkot si Patty, pinsan niya nga pala ang mukhang ginamit niya. Sabagay, bagay naman ang dalawa. Mas bagay kumpara sa kanila ni Dane..aray.
Nilapitan ito ni Jelly, niyakap at binulungan. Nagbulungan ang dalawa at nagtawanan pa. Hindi yata kakayanin ni Patty ang sakit kaya tumalikod na siya. Papasok na siya sa kwarto nang mapatigil dahil narinig niya si Dane.
“Thanks Jelly. And where are you going, my queen?”
Dahan-dahan siyang lumingon. ANAK NG BULALO. Ano raw ang sabi?
“Ha?”
“Not so fast..” nakangisi ang binata, inilang hakbang lang ang hagdan nila at hinila siya palapit dito.
Susmaryosep, amoy palengke pa siya!
Nang lingunin niya ang pinsan ay ginigigis ito sa kilig, maging ang nanay at kapatid niya ay nagkukurutan.
“Ano..doon lang sa..in da..” bakit ngayon pa naubos ang ingles niya?!
“I know everything Pat. You don’t have to hide, I actually felt bad that you didn’t trust me enough. The moment that you sent me your cousin’s photo, Jelly also messaged me telling me how you feel.So I knew it, even before I came here. Patricia, you are so beautiful. I love you for all that you are.” sabi nito at hinalikan pa siya sa noo.
Ano kayang mabuti ang nagawa niya para i-bless siya ng ganito? Hindi mawala-wala ang kanyang ngiti, ibig sabihin noong nagtatawagan palang sila ay alam na nito ang itsura niya. Pero mahal pa rin siya nito!
“H-hey..you..you told me you have a project?” takang tanong niya.
“Yes! This is the most important project in my life.You. Please marry me Patty?” sabi nito at lumuhod pa. Inilabas ang pagkaganda-gandang singsing na parang isinukat sa matabang daliri niya.
Naluluha siyang tumango, nabuhat siya ni Dane sa sobrang tuwa.
Ngayon ay masaya na silang namumuhay kasama ang tatlo nilang anak. Sa Pilipinas pa rin nanirahan ang mag-asawa dahil sa kahilingan ni Patty. Si Dane na lamang ang pumupunta sa Amerika kung may kailangan itong asikasuhin sa trabaho.
Ang pag-ibig ay walang nakikitang edad, itsura, o laki. Dahil ang lahat ng iyan ay kukupas rin naman pagdating ng panahon. Ang mahalaga ay ang panloob na anyo, basta may respeto, pagmamahal,at kabutihan ay iyon ang mangingibabaw.