Inday TrendingInday Trending
Natalsikan ng Humaharurot na Magarang Sasakyan ang mga Paninda ng Dalaga, Hindi niya Akalaing Ito Pala ang Hinihintay Niyang Soulmate

Natalsikan ng Humaharurot na Magarang Sasakyan ang mga Paninda ng Dalaga, Hindi niya Akalaing Ito Pala ang Hinihintay Niyang Soulmate

“Ale! Ale! Bili na kayo ng kandila tamang tamang pantirik sa patay niyong puso, este kuko… ay mali sa mga patay niyong kamag anak sa nalalapit na undas!”

Pinagtitinginan ng madla si Bea dahil sa kakaibang paraan niya ng pagbebenta ng kandila. Ang karamihan ay natutuwa sa kanya, ngunit meron rin namang naiinis sa mga biro niya.

Ngunit hindi naman iniinda ni Bea ang mga iyon. Ang mahalaga sa kanya ay mabenta ang kanyang mga paninda upang may pambayad siya sa renta ng bahay na matagal niya nang hindi nababayaran. Konting konti na lang kasi ay sa labas na siya patutulugin ni Aling Lerma, ang landlady niya.

Ngunit sa kanyang pagtitinda sa gilid ng kalsada ay bigla siyang napasigaw, “Ay kabayong mabilis ang takbo!”

Gulat na gulat siya sa kotseng humaharurot na dumaan sa harapan niya. Umulan pa naman kanina kung kaya naman para siyang pinaliguan ng putik dahil sa walang hiyang driver.

Napalingon siya dito at napangisi nang makitang huminto ang sasakyan. Mukhang pababa ang driver, “May konsensya naman pala ang bubuyog.”

Hindi na siya tumayo pa at hinintay na lamang ang lalaking lumapit sa kanya at humingi ng sorry. Ngunit laking gulat niya nang lampasan siya ng bwisit na lalaki at sa katabing tindahan niya pa na walang katalsik talsik ng putik ito lumapit.

“Sorry po, Manang… hindi ko po kasi alam na may putik dito. At late na po kasi ako kanina. Pero anyway, dahil di kaya ng konsensya ko na humarurot nalang palayo nang hindi nagso-sorry sa inyo, kaya hinayaan ko na lang na ma-late ako.”

Napaangat ang kanyang kilay, tila anghel pa kung lumitanya ito.

“Ay hindi, hijo. Hindi ako…” ika ng matanda ngunit naputol naman sa sinabi muli ng lalaki.

“Ito po ,Nay” anito sabay abot ng 500 bills sa matanda, “Kabayaran ko po sa pagtalsik ng putik sa mga paninda niyo.”

Agad na nagliwanag ang mukha ng matanda at inabot na rin ang pera, “Ganoon ba hijo. Wala iyon, maraming salamat din dito.”

“Putik na lalaki ito!” inis niya nang sabi.

Hindi niya naman namalayan na napalakas pala iyon at naging sanhi kung bakit napalingon sa kanya ang matanda at ang lalaki. Kaya naman kinareer niya na ang pag-iinarte at humalukipkip habang nakataas ang isang kilay. Talagang pinakita niya dito ang nabasang mukha at kalahati ng katawan sa ginawa nitong pagmamaneho nang walang pakundangan.

Gusto niyang isigaw dito ang mga katagang, “Hoy! Ako ang natalsikan mo ng putik. Ako itong naperwisyo mo, kaya akin na ‘yang limandaan!”

Napalingon din siya kay Manang na matandang kausap ng lalaki. Tila bigla itong nahiya sa kanya. Alam naman kasi nito ang katotohanan. Nakakita lang ng pera ay kinareer na din ang pagiging paawa.

“Sige po, Manang. Aalis na po ako, sorry po ulit.”

Lalong napakunot noo si Bea sa narinig mula sa lalaki. Talagang hindi lang ito bulag kundi napakamanhid pa!”

Kaya naman hindi niya na inisip pa ang limandaan at sinigawan ang lalaki, “Hoy! Lalaking walang hiya!”

Gusto niya na lang na pormal itong humingi ng tawad sa kanya. Inis na inis na siya kanina pa. At sa buong buhay niya, sa haba ng pasensya niya ay ngayon lang siya nainis nang ganito.

“Yes, miss?” nagawa pang magtanong ng mokong.

“Hindi mo ba alam na ako yung nabasa mo at hindi siya,” turo niya sa matandang babae na noon ay palinga linga na sa paligid.

“Ha? What do you mean?” sagot pa ng lalaki.

“Huwag mo akong maingles ingles d’yan! Naiintindihan kita kahit papaano!” inis niya na talagang sigaw dito. “Kahit hindi mo na ibigay ‘yang lima,” napaisip saglit si Bea. “Kung hindi mo ibibigay sa akin yung limandaaan, mag…magsorry ka na lang!”

Natawa ang lalaki at hindi niya malaman kung bakit, “Anong tinatawa tawa mo d’yan?”

Hanggang sa hindi na mapigilan ng lalaki at nilakasan na ang pagtawa. Nagtataka na rin ang matandang kapwa niya vendor, “Hoy! May saltik ka ba sa ulo?”

Lumingon siya sa matandang katabing tindahan niya, “Naku manang ibalik niyo ang limandaan niya at baka galing sa masama ang pera nito. Mukhang may eng-eng eh.”

Hindi pa rin matigil ang lalaki sa pagtawa. At naluluha luha pang nagsalita, “Oh God, Bee, hindi ka pa rin nagbabago. You’re still as wacky as ever.”

Napangunot-noo siya sa sinabi ng lalaki. Hindi dahil sa anumang sinabi nitong ingles, kundi sa tinawag nito sa kanya, “Anong tinawag mo sa akin, mister?”

“Bee?” ika nito at nakangiti na sa kanya.

Minukhaan niya ito at ganoon nalang ang panlalaki ng mata niya nang makilala ito, “Yat-yat?!”

“Ikaw yung payatot na kalaro ko dati?” gulat na tanong niya dito.

Muli na namang natawa ang lalaki, “Yes, ako nga ito, Bee. Though may muscle na nga lang ako ngayon.”

Nalaman niyang sinadya pala ng lalaki ang set up na yun kanina. Mahilig talaga kasi ito sa mga kakaibang engkwentro. Hindi na siya nagulat doon. Ang mas kinagulat niya ay nang sabihin nitong matagal na daw siyang hinahanap nito.

“Bakit mo naman ako hinahanap?” tanong niya.

Ngumiti nang sinsero ang lalaki, “Because I missed you… and I like you, Bee.”

Advertisement