Napahawak sa ulo niya habang nakapikit pa si Charmie dahil sa sobrang tindi ng sakit na kanyang naramdaman. Kagigising lamang niya at sinusubukang alalahanin ang nangyari noong nakaraang gabi. Napangiti naman siya ng mahagip ng kanyang mga mata ang lalaking mahimbing na natutulog sa kanyang tabi.
Kagabi ang unang beses na isinuko niya ang kanyang sarili sa isang lalaki, sa kanyang nobyong si Philip. Limang taon na silang magkarelasyon ng kasintahan, ngunit kagabi niya lamang niya naibigay ang sarili sa kadahilanang hindi pa siya handa noon, at dahil na rin sa pangako niya sa sarili na hindi siya makikipaglaro ng apoy hanggang hindi pa sila kasal ng lalaking pag-aalayan ng sarili.
Binali niya ang kanyang pangako sa sarili. Madalas na silang mag-away ng kanyang nobyo sa mga magdaang buwan, dahil pakiramdam niya ay isang malaking rason doon ay ang dahil nawawalan na siya ng panahon para sa kasintahan. Madalas kasing nauubos ang kanyang oras sa trabaho at hindi niya na masyadong napaglalaanan ng sapat oras ang nobyo.
Halos hindi na sila nagkikita at tanging nagkakausap na lamang sa pamamagitan ng text at tawag. Alam niyang pakiramdam ni Philip na hindi siya mahalaga sa kanya dahil mas inuuna niya ang kanyang trabaho kaysa sa binata. Kahit ano naman ang sabihin niya sa lalaki ay hindi pa rin naman ito naniniwala sa kanya. Mahal na mahal niya ang kanyang nobyo at nararamdaman niya na ang panlalamig ni Philip sa nakaraang dalawang buwang lumipas.
Alam niyang ano mang oras ay maari na siyang hiwalayan ng nobyo. Kaya kahit na labag man sa kanyang loob ay napagdesisyonan niya na lamang na ibigay ang matagal nang hinihingi ng kasintahan sa kanya, na hindi niya magawang ibigay dati, ang kanyang sarili. Para na rin matahimik na ito at makampante na siya lamang ang kanyang iibigin habangbuhay.
Ngunit parang biglang bumaliktad ang kanyang mundo ng mapagtanto niya na hindi ang kanyang nobyo ang lalaking nasa tabi niya! Bigla na lamang siyang napasigaw sa gulat. Napamulat naman ng mga mata ang lalaking nasa tabi niya dahil sa lakas ng kanyang sigaw.
“S-sino ka?!” Gulat na gulat na tanong ni Charmie sa estrangherog walang saplot na nasa kanyang tabi.
Sa kabilang banda, napabalikwas din naman si Alvin nang mapagtantong hindi ang nobyang si Anna ang nasa kanyang tabi.
“Sino ka rin?! Anong ginagawa mo rito sa kwarto namin?! Nasaan si Anna?” Gulat at nalilito ding tanong ni Alvin kay Charmie.
“A-ano?” Naguguluhang tanong ni Charmie sa binata.
“Bakit narito ka sa kwarto namin?! Sino ka ba miss ha?!” Naguguluhang tanong din ni Alvin sa dalaga.
“Wait, anong room number ka ba? Room 119 ‘to diba?” Sagot ni Charmie sa lalaki.
“Ano? Room 116 ito!”
Agad naman silang tumayo habang nakabalot ang mga katawan sa puting kumot at tiningnan ang room number 116. Teka, sigurado siyang room 119 ito kagabi bago siya pumasok eh. Hinawakan niya ang number 6 at inayos ang numero. Room 119 nga! Nagkatinginan na lamang silang dalawa at napahilamos ng kamay sa kanilang mga mukha.
Napag-usapan nilang dalawa na walang makakaalam ng namagitan sa kanila. Lalo na at pareho naman silang walang kasalanan sa nangyari. Pareho silang may tama ng alak sa katawan at inakalang sarili nilang kasintahan ang nakalaro ng apoy.
Hindi naman pala kasi sumipot ang nobya ni Alvin dahil naipit ito sa trabaho, samantalang hindi naman mahanap ni Charmie kung nasaan ang nobyo niya. Hindi rin kasi ito bumalik sa kwarto nila kung saan nangyari ang pagkakamaling nagawa nila ni Alvin.
“Pasensya na talaga ha? Mabuti na lamang at madali kang kausap, hindi na lalaki pa ang gulong ‘to. Sakit talaga sa ulo ito kung sakali. Siguradong hihiwalayan ako ng girlfriend ko,” saad ni Alvin kay Charmie.
“Naku, okay lang iyon. Wala namang may kasalanan eh. Secret nalang natin yun,” malugod na tugon ni Charmie sa binata.
Napatigil naman sa paglalakad ang dalaga nang makita ang nobyo na may kasamang babaeng parang bang has kung makalingkis sa nobyo niya. Naglalandian pa ang mga ito habang naglalakad. Yung tipong halatang may nangyari sa dalawa nong nakaraang gabi.
Nanigas siya sa kanyang kinatatayuan at naiiyak na sa sobrang sakit na nararamdaman. Nagulat din naman ang nobyo niya nang makita siyang nakatayo sa harapan nila ng babaeng haliparot.
“Cha-Charmie…” tawag sa pangalan niya ng lalaki.
“Ah siya ba yung babaeng ginagamit mo nalang para bigyan ka ng pera para sa allowance mo? Yung mukhang trabaho at walang oras sayo?
Sabi mo sakin kagabi hihiwalayan mo na siya sa oras na magkita kayo diba? Bilis na hiwalayan mo na babe,” maarte at malanding sabi ng babaeng haliparot sa nobyo ni Charmie
Ano mang oras ay papatak na ang mga luha ni Charmie dahil sa sitwasyon. Nasasaktan siya pero mas nangingibabaw ang hiya dahil sa parang sinampal siya ng dalawang nasa harap niya at kung gaano siya nagpakatanga sa nobyo. Magsasalita na sana si Philip nang bigla na lamang siyang akbayan ni Alvin at hinalikan.
“I had fun last night. Sana naman this time ikonsidera mo na ako. Mukhang walang kwenta naman pala yang boyfriend mo,” malambing na saad ni Alvin. Naguluhan man sa ginawa ng binata, nagpaakay na lamang siya kay Alvin para makaalis sa lugar na iyon.
Gwapo si Alvin. Sobrang gwapo at halatang may kaya. Kaya naman literal na napanganga ang dalawa nang bigla na lamang pumasok sa eksena ang binata.
“Kunwari ka pang ayaw mong gawin iyon hanggang hindi kasal, yun pala gusto mo lang ng gwapo at mayamang lalaking gagalaw sayo! Malandi kang babae Charmie!” pang-aakusa pa kay Charmie ng nobyo niya. Magsasalita na sana siya para ipagtanggol ang sarili niya subalit pinigilan siya ni Alvin.
“Marangal na babae si Charmie. Hindi kagaya mo. Wag mo siyang akusahan sa mga gawaing ikaw naman talaga ang gumagawa. Mabuti na nga lang at nangyari ito, at least ngayon makikita ka na niya kung ano ka talaga, isang basura,” pagkatapos sabihin iyon ay iniwan na nila ang dalawang haliparot na nakatulala lang sa sinabi ni Alvin.
“Maraming salamat ha?” pasasalamat ni Charmie sa binata.
“Alvin,” inilahad ng binata ang kanyang kamay bilang pagpapakilala sa sarili.
“Charmie,” pagpapakilala rin ni Charmie sa kanyang sarili sabay abot sa kamay ng lalaki.
Pagkatapos ng araw na iyon ay ilang beses pang pinagtagpo ang kanilang mga landas. Naghiwalay din si Alvin at ang kanyang nobyang si Anna dahil mas pinili ng babae ang pangarap niyang mangibang bansa kaysa kay Alvin. Labis na nasaktan si Alvin, at sa mga panahong bigo siya ay nasa tabi niya naman si Charmie.
Mas nagkalapit pa silang dalawa hanggang sa tuluyan nang nahulog ang damdamin nila sa isa’t isa. Para bang itinadhana talaga silang dalawa. Lahat ng kulang sa kanilang mga naunang relasyon ay parang pinunan ng bawat isa.
Sinigurado naman ni Charmie at Alvin na hindi na nila gagawin ang mga pagkakamaling nagawa sa nakaraang relasyon nila. Ano man ang mangyari ay sinisigurado nilang may sapat silang oras para sa isa’t isa.
Tumagal ng tatlong taon ang kanilang relasyon bago nila naisipang magpakasal at bumuo ng isang masayang pamilya. Nagkaroon sila ng tatlong anak at namuhay ng tahimik at masaya.
Minsan sa buhay natin ay may mga nakikilala tayo sa mga di inaasahang sitwasyon at hindi natin akalain na ang mga taong iyon pala ang siyang nakatadhana para sa atin at hindi ang taong kay tagal nating hinawakan at ipinaglaban.
Dahil minsan, sa sobrang pagmamahal natin sa isang tao, nabubulag tayo at hindi natin makita na hindi na naman pala talaga tayo mahal ng taong iyon. Minsan, mas mahal nalang natin ang mga alaala kasama ang taong iyon at hindi na ang taong kasama doon mismo.
Kaya maniwala lamang at huwag mawalan ng pag-asa, pasasaan pa at pagtatagpuin din kayo ng taong nakalaan talaga para sayo. Nawa’y pag mahanap mo siya, huwag mo nang pakawalan pa.