Inday TrendingInday Trending
Ang Swerteng Dala ng Anak na May Karamdaman

Ang Swerteng Dala ng Anak na May Karamdaman

Pag-ibig sa unang pagkikita kung maituturing ang pagmamahalan nila Rissa at Dom. Sapagkat sa una pa lamang na nagtama ang kanilang mga mata, alam na nila na sila ang nakatadhana. Nauwi ito sa isang matagal na relasyon hanggang sa tuluyan na ngang nag desisyon ang dalawa na magpakasal.

Tinupad ni Dom ang pinapangarap na kasal ni Rissa. Sa isang talampas habang palubog ang araw, tanaw ang dagat ginanap ang kanilang pag-iisang dibdib. Tila ba perpekto ang lahat.

Hindi galing sa mayamang pamilya ang dalawa ngunit parehas silang masikap. Nang mabuntis si Rissa, tumigil na siya sa pagtatrabaho dahil nahihirapan siya sa kanyang maselang kalagayan. Maya’t maya kasi ang pagdurugo at paghilab ng kanyang tiyan.

Upang mapangalagaan ang sanggol pati na rin si Rissa, nag desisyon si Dom na siya na lamang muna ang maghahanapbuhay. “Kakayanin natin ito, mahal, tayo pa ba? Hindi ba tag team tayo?” pagpapalakas ng loob ni Dom sa asawa.

Nakakakuha man ng lakas ng loob sa isat-isa, ang totoo ay nangangamba sila na baka hindi nila mabigay ang maayos na buhay sa pamilya lalo na pag nanganak na si Rissa. Pilit na kinaya ito ng mag-asawa. Naiwan sa bahay si Rissa upang magpahinga at si Dom naman ang naghahanapbuhay.

Dumating na ang araw na kanilang pinakahihintay. Iniluwal na ni Rissa ang kanilang unang anak. Kahit na delikado ang naging pagbubuntis ni Rissa ay walang naging aberya sa panganganak nito.

Isang malusog na sanggol na lalaki ang bumungad sa kanila. Hindi magkamayaw ang kaligayahan ng mag-asawa dahil sa wakas ay kumpleto na sila bilang pamilya. Kada buwan ay ipinaghahanda pa nila ang kanilang anak bilang pasasalamat sa kanyang buhay at kalusugan. Dahil sa hinagap ay hindi nila inaasahan na magiging ganito kaayos ang kanilang anak.

Masayang namuhay ang mag-anak. Nang ika-limang buwan ng bata ay bigla na lamang itong nilagnat ng matindi. Halos tumirik na ang mga mata ng sanggol sa sobrang taas ng lagnat kaya dali-daling dinala ng mag-asawa ang kanilang anak sa ospital.

“Hindi po bumababa ang lagnat niya, dok. Dalawang araw na po. Ang akala po namin ay lagnat laki lamang o nagngingipin,” paliwanag ni Rissa. Nanatili sa ospital ang bata hanggang makuha nila ang resulta ng mga pagsusuri. Hindi nila inaasahan na sa pangyayaring ito ay babaligtad ang kanilang masaya at simpleng mundo.

Ang kanilang nag-iisang anak pala ay tinamaan ng sakit na cerebral palsy. Ito ay isang uri ng karamdaman kung saan ang utak ang pinaka naapektuhan. Naaapektuhan rin nito ang mga kalamnan ng may sakit at maging ang kanilang pagkilos. Ni sa panaginip ay hindi nila naisip na maaari itong manyari sa kanila. Alam nila na maliit ang tiyansa na mabuhay pa ng normal tulad ng isang bata ang kanilang anak.

Mayat-maya kung atakihin ng kumbulsyon ang bata, kaya madalas rin silang laman ng ospital. Dahil sa kondisyon ng anak, unti unti na ring naubos ang kanilang ipon. Bukod pa roon ay pinapangambahan din na matanggal si Dom sa kanyang trabaho sapagkat madalas ang kanyang pagliban upang masamahan ang kanyang mag-ina. Kung kani-kanino na rin sila nanghihingi ng tulong upang masuporthan ang gamutan ng kanilang anak.

“Napakabata pa ng ating anak, mahal, bakit kailangan itong mangyari sa kanya? Bakit hindi na lang ito mangyari sa masasamang tao?!” umiiyak na wika ni Rissa habang pinagmamasdan ang hirap na hirap na anak.

“Mahal, patawarin mo ako. Hindi siguro ito ang tamang pagkakataon pero kailangan ko nang sabihin ito sa’yo,” marahang wika ng mister.

“Mahal, natanggal na kasi ako sa trabaho. Hindi na raw ako nakakatugon sa aking mga tungkulin kaya tinanggal na nila ako. Tamang-tama pa na dumaraan din sa resesyon ang aming kumpanya,” pagpapatuloy ni Dom. Lalong naiyak si Rissa sa kanyang narinig. Dahil parehas nilang alam na higit kailanman ay mas ngayon nila kailangan ng pangtustos. Mabigat man sa ang dibdib, hindi nila maaring sukuan ang lahat ng ito lalo na ang buhay ng anak nila ang nakasalalay.

Isang araw ay nakakita si Rissa ng mga nakakatuwang aso. “Mahal, bakit kaya hindi tayo magsimulang magtahi ng damit ng mga alagang aso. Hindi ba, marami ngayon nababalitaan na nahuhumaling sa mga may lahing aso at tinuturing nila itong parang anak.

Pag-aralan natin kung paano. Maganda pa rito ay konti lamang ang may ganitong negosyo,” suwestiyon ni Rissa.

“Tama! May punto ka riyan!” tugon ni Dom.

“Tutal naman kahit paano may alam ako sa pagtabas ng tela at pagdidisenyo sapagkat natuto ako sa aking tiyahin na mananahi. Kailangan na lamang natin maghanap ng magtatahi nung mismong mga damit,” tila nabuhayan ng pag-asa ang mag-asawa.

Ginawa ng mag-asawa ang kanilang naisip. Nanghiram sila sa bumbay ng puhunan. Ngunit ang negosyo pala ay talagang parang sugal, hindi pala ganoon kadali ang lahat. Bukod sa kulang ang kanilang kaalaman sa pagtatahi ay konti lamang ang kanilang puhunan. Pinapaikot lamang nila ito. Halinhinan ang mag-asawa sa pagbebenta sapagkat kailangan pa rin nilang hustong matutukan at maalagaan ang kanilang anak.

Hirap man ay kinaya ni Dom ang mag-alok ng kanilang paninda. Nawawalan na siya ng pag-asa sapagkat madalang na makabenta siya ng dalawa sa loob ng isang araw. Dumagdag pa sa kanyang sama ng loob ang nasasabi ng ilang tao tungkol sa kanilang anak kesyo ito raw ay abn*rmal at malas sa kanilang buhay.

Isang umaga ay naisipan nila na isama ang anak sa labas upang mamalengke. Isang babae naman ang kanilang nakasabay na mimili. Hindi naiwasan ng babae na maging interesado sa kalagayan ng bata.

“Kung hindi po ninyo mamasamain, ano ho ang nangyari sa inyong, anak?” pagtatanong ng babae.

“Limang buwan pa lamang nga siya noon ng tamaan ng isang malubhang karamdaman. Mahirap man, pero kinakaya naming mag-asawa. Naku, ang dami na naming pinagdaanan. Nariyan pa ngang matanggal sa trabaho itong asawa ko.

Kaya ngayon, kahit paano sinusubukan namin bumangon muli. Nagbebenta kami ng mga damit ng aso kahit na matumal,” kwento ni Rissa sa babae.

“Sandali, nagbebenta kayo ng damit ng aso? Nakakatuwa naman! Kita mo nga naman ang pagkakataon! Mayroon akong tindahan na ang lahat ng binebenta ko ay para sa mga alagang hayop. Tingin ko matutulungan ko kayo! Pwede kayong maglagay ng paninda doon kung inyong naisin,” natutuwang wika ng babae.

Ikinatuwa ng mag-asawa ang kanilang narinig na alok ng babae. Hindi nila inaasahan na sa isang simpleng usapan ay makakakuha sila ng pag-asa. Wala nang inaksayang oras pa ang dalawa at inilagay ng nila ang kanilang mga produkto sa tindahan ng babae.

Hindi inaasahan na marami ang bumili kaagad ng mga ito. “Marunong na ba kayong gumawa ng higaan ng mga alagang aso at pusa? Marami rin kasing naghahanap ng ganoon dito. Wala naman akong makuhaan na mura at maganda,” tanong ng babae.

Sa ideyang ito nagsimula na gumawa sila ng hindi lamang damit kundi na rin higaan ng mga alaga. Puno man ng pangamba dahil mas malaki ang puhunan dito ay itinuloy pa rin ito ng mag-asawa. Hindi sila nagkamali, marami ang tumangkilik sa bago nilang produkto.

Dahil sa hindi magkamayaw sa tagumpay ng mag-asawa sa mga produkto sa tindahan ng babaeng nakilala nila, tinangka naman nila na ialok ang mga produkto sa ibang mga tindahan sa ibat-ibang lugar. At tulad ng inaasahan, pumatok naman ito.

Hindi naglaon ay lumago ang kanilang munting negosyo at unti-unti na ring nagkaroon ng mga sarili nilang mananahi. Marami na rin ang mga tindahan na kumukuha sa kanila ng mga damit at higaan ng alaga. Nakabili na rin sila kahit paano ng sasakyan na naghahatid ng kanilang mga paninda.

Sa wakas ay hindi na kinailangan pa ng dalawa na mamasukang muli. Pareho na nilang natutukan ng maigi ang kanilang nag-iisang anak. Hindi na rin sila nagigipit. Naibibigay na nila ang wastong pangangailangan ng anak lalo na ang gamutang kinakailangan nito.

Sobrang pasasalamat nila sa babaeng unang nag-alok sa kanila ng tulong. Hindi nila akalain na sa isang sandali na iyon ay magbabago muli ang takbo ng kanilang buhay. Buti na lamang at hindi sila bumitiw at nanatiling buhay ang pag-asa sa kanilang mga puso.

Advertisement