Kambal na Himala

Image result for asian giving birth

Isang madaling araw ay nagkukumahog si Jay na dalhin ang kanyang asawang buntis na si Millet sa ospital. Reklamo kasi ni Millet na tila humihilab na ang kanyang tiyan.

Buntis si Millet sa kanilang unang anak at kambal ang mga ito. Ang nakakapangamba kasi ay kakapitong buwan pa lamang ng mga bata sa kanyang sinapupunan kaya hindi pa siya maaaring manganak.

“Tibayan mo ang loob mo, Mahal! Malapit na tayong makarating sa ospital!” natatarantang wika ni Jay. Pinipilit mang kumalma ni Millet, hindi niya magawa sapagkat sobrang sakit ang kanyang nararamdaman. Ilang kilometro pa ay mararating na nila ang ospital nang pumutok na ang panubigan ng babae. Talagang manganganak na ito.

“Mahal! Hindi ito maaari! Ang mga bata! Wala pa sila sa tamang buwan! Ano na lang ang mangyayari!” umiiyak na sigaw ni Millet. Binilisan lalo ni Jay ang pagmamaneho hanggang sa wakas ay nakarating na sila sa ospital.

Agad-agad siyang dinala ng asawa sa emergency room. Mabilis naman silang inasikaso ng mga nars. Dahil na din siguro sa pagod at pagkabalisa, nawalan ng malay si Millet. Nahirapan ang mga doktor kaya nagdesisyon sila na operahan na si Millet para mailabas at mailigtas ang kambal.

“Naging maayos naman ang operasyon, Mister Mariano. Pero nais lamang po naming sabihin sa inyo na hindi po ayos ang lagay ng isa sa mga kambal. Maliit po ito at nahihirapang huminga. Kailangan po namin siyang kuhaan ng mga pagsusuri upang malaman namin ang buong kalagayan niya. Sa ngayon po, ayos naman din ang inyong asawa. Pakihintay na lamang po siya na ilipat sa kanyang silid,” pahayag ng doktor kay Jay.

Related image

Nanlulumo si Jay sa kanyang narinig. Sa hinagap ay hindi niya inaasahan na maaari siyang mawalan ng isang anak. Hindi nila alam kung saan sila nagkamali sapagkat kumpleto naman si Millet sa check-up kada buwan at pati na rin sa mga iniinom na bitamina.

Umakyat na si Jay sa silid at hinintay magising ang asawa. “Mahal, kumusta? Ano raw ang lagay ng mga bata? Nasaan sila? Gusto ko silang makita!” agad na wika ni Millet pagkagising niya. “Mahal, ang isa sa kambal…” sambit ni Jay. Hindi man niya alam kung paano sasabihin sa asawa ay naisip niya na karapatan ni Millet na malaman ito.

Advertisement

“Ang isa sa mga kambal, mahal, ang sabi ng mga doktor baka hindi na siya magtagal. Malakas ang isang sanggol, lumalaban siya at bumubuti na ang lagay, pero ang isa, lalo siyang nanghihina. Maya-maya ay makikita ko na ang mga anak natin,” pahayag ni Jay.

Hindi mapigilan ni Millet ang kanyang luha ng marinig niya ito. Sa isang banda ay sinisisi niya rin ang kanyang sarili na tila wala siyang kakayahan na magdala ng sanggol. Kahit na nanghihina pa siya ay pilit siyang sumama kay Jay upang tignan ang mga anak.

“Nars, bakit po magkahiwalay ang mga anak ko sa incubator?” pagtataka ni Millet.

“Ma’am, iyan po talaga ang patakaran sa ospital na ito. Hindi po sila maaring magtabi sapagkat ang isa po ay nasa malubhang kalagayan. Marami pong nakakabit sa kanyang aparato. Kailangan niya po ng masusing pagbabantay,” tugon ng nurse.

“Tingin ko ay kailangan ninyo silang pagtabihin. Magkapatid sila at sabay silang nabuo at lumaki sa aking sinapupunan. Tingin ko ay mas hindi makakabuti sa kanila kung sila ay maghihiwalay,” nangangambang wika ni Millet.

“Pero ma’am, alam po ng mga doktor ang kanilang ginagawa at ginagawa po nila ang lahat upang maisalba ang buhay ng mga batang ito. Huwag na po kayong mag-alala. Ang kailangan ninyo po ay magpahinga sapagkat kailangan po ninyong magpalakas agad dahil anumang oras ay kakailanganin ng kambal ang kanilang ina,” tugon naman ng nurse kay Millet.

Hindi makayanan ng mag-asawa na makita ang kanilang anak na ganoon ang kalagayan. Dumaraan ang araw at unti-unting umaayos ang kalagayan ng isang sangol, ngunit ang mahinang sanggol ay lalo pang humihina.

“Pagtabihin ninyo sila. Parang awa ninyo na! Kailangan nila ang isat-isa. Nararamdaman ko bilang kanilang ina na hinahanap nila ang isat-isa. Hayaan ninyo na sila magtabi,” walang tigil sa pagmamakaawa si Millet.

Advertisement

Ngunit walang nakikinig sa kanya. Ang pangamba kasi ng mga doktor ay baka lalong malagay sa alanganin ang mga ito kung pagtatabihin ang kambal.

“Mahal, hayaan mo na lamang ang mga doktor. Tama naman sila, alam nila ang kanilang ginagawa,” pag-alo ni Jay sa umiiyak na asawa.

“Hayaan? Hayaan ko na mawala ang isa sa ating anak? Hindi ko makakayanan, mahal! Nararamdaman ko dito sa puso ko na kailangan nila ang isat isa!” walang tigil pa rin sa paghagulgol ang ina.

Patuloy pa rin sa panghihina ang isang sanggol. Sa pagkakataon na ito ay tila wala nang magagawa pa ang mga doktor sa kanyang kalagayan. Kaya minabuti nilang sabihin sa mag-asawa na ihanda ang kanilang mga sarili sa anumang mangyayari.

“Mirakulo na lamang po ang makakapagsalba sa buhay ng isa ninyong anak, Mrs. Mariano. Patawad po, ngunit ginawa na po namin ang lahat,” pahayag ng doktor.

Halos mapaluhod ang mag-asawa sa tinuran ng doktor. “Diyos ko! Tulungan ninyo po kami!” pighati ng mag-asawa. Nang makita ng nurse ang itsura ng mag-asawa, nakaramdam siya ng habag. Kaya hiniling nito sa mga doktor na sundin ang kahilingan ni Millet na pagtabihin ang mga ito upang sa huling pagkakataon ay maramdaman ng kambal ang bawat isa. Napagbigyan naman ang kahilingan na ito ni Millet at pinagtabi na ang kambal.

Sa hindi inaasahang pagkakataon nang pagtabihin ang mga ito, nagawa ng malakas na sanggol na mapalapit sa mahinang sanggol. At sa kanyang paglapit ay tila nabigyan niya ng lakas ang mahinang sanggol.

“Dok! Dok! Tumaas na po ang oxygen level ng isang sanggol. Hindi ko po maipaliwanag pero maaari ninyo po bang tignan?” nagkukumahog na wika ng nurse sa doktor.

Advertisement

Nagmamadaling sinuri ng mga doktor ang nanghihinang sanggol. Maging sila ay hindi nila maipaliwanag ang nangyari sapagkat kitang-kita na lumalaban ito. Dahil nga nakikita nila ang unti-unting pag-ayos ng sistema ng mga sanggol, nagdesisyon na ang mga doktor na hindi na paghiwalayin pa ng incubator ang kambal at tuluyang pagalingin ng magkasama.

Tila isang mirakulo ngang matatawag ang nangyari sapagkat araw-araw ay bumubuti parehas ang kanilang kalagayan hanggang sa tuluyan na ngang hindi na kailanganin ng kambal ang mga aparato na nakakabit sa kanila.

Hindi nagtagal ay mailalabas na ng mag-asawa ang kanilang kambal sa ospital. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makapaniwala na ang pagtatabi ng dalawa ang naging susi sa kanilang tuluyang paggaling. Muntik ng mawalan ng anak sila Millet at Jay ngunit hindi sila sumuko. Nanalig sila sa Panginoon at nagtiwala na magkakaroon ng isang himala. Maging ang isang kambal ay hindi rin sinukuan ang nanghihinang kapatid.

“Dininig ng Diyos ang ating panalangin, Mahal!” nagagalak na wika ni Millet. Tuluyan nang umuwi ang mag-asawa dala-dala ang kanilang kambal na anak at namuhay sila ng sama-sama. Ngayon ay malulusog na ang kambal at hindi aakalain na dumaan sila sa isang matinding pagsubok.