Dinaraya ng Ale ang Mga Tindang Isda Para Magmukhang Sariwa ang Mga Ito, Anak Niya ang Nagdusa sa Kalokohan Niya
Nasa abroad ang asawa ni Aling Nimfa, may isa siyang anak na nag-aaral sa isang unibersidad sa Maynila habang siya naman ay nagne-negosyo rito sa probinsya. Kahit na nakakaangat na sa buhay ay may pagka-gahaman pa rin ang ale sa pera, imbes kasi na mga fresh na isda ang bilhin ay may mga kausap na siyang tindera sa palengke.
Ang mga hindi nabentang isda at mga bilasa na ang binibili niya para mas mura, tapos ay papahiran iyon ng formalin ng kanyang mga tauhan para magmukhang fresh. Iyon ang idedeliver nila sa mga ka-sosyo sa Maynila, syempre ay mabili. Lalo pa at kinabukasan ay iluluwas na kaagad.
“Kumusta ka dyan Nerissa? Nagtitipid ka ba? Di ako nagtatae ng pera ha, pag nawala ako, kawawa ka!” sabi ni Aling Nimfa, kausap niya ngayon sa telepono ang anak. Sa Maynila kasi ito nagdo-dorm para hindi na sayang ang pamasahe.
“Oho Nay, tipid na tipid naman po. Kasya pa ho yung perang binigay mo sa akin nung isang Linggo,” sabi naman ng dalaga.
“Edi ayos,wag ka nang kain nang kain ng kung anu-ano,maski ano na lang ang nandyan para di agad na maubos ang pera mo,” dagdag ng ale. Mahal niya naman ang anak pero pera pa rin ang iniisip niya, wala siyang ibang ginawa kundi ipitin ang pinapadala ng asawa.
Ilang sandali pa ay tinapos na nila ang tawag, kailangan pa kasing bisitahin ni Aling Nimfa ang mga taga-kulay niya ng isda. Baka kasi pag walang bantay ay tutulog-tulog ang mga ito.
“O dalian mo Chochi, ba, bukas ang deliver ng mga yan! Ayusin mo ang pahid, kailangan kumikintab para pres tignan. Bangus yan g*go, mahal yan,” sabi niya na may kasama pang pagtulak.
Tahimik namang sumunod ang mga tauhan, ilang minuto lang ang lumipas ay inilalagay na nila sa cooler ang mga isda. Pagsapit ng alas dos ng madaling araw ay nagdrive na ang mga tauhan para i-deliver ang mga ito sa palengke. Syempre, limpak limpak na pera nanaman ang bumalik kay Aling Nimfa sa maliit na puhunan lang.
“Pag nga naman sinuswerte ka oo,” sabi niya habang nagbibilang ng pera.
“Te hindi ba delikado yan sa makakakain?” sabi ni Gina, isa sa mga kapitbahay niyang inuutusang maglako sakaling konti lang ang delivery nya sa Maynila.
“Maano naman? Pakialam ko sa makakakain, di na naman ako matutunton dahil sa palengke ang bagsak ko nyan. Dami kong pera o, di magkasakit sila. Keber. Tsaka hoy gaga, bakit andito kapa? Lumakad ka na at tatanghaliin ka! Kokonti nalang yang pinabebenta ko sayo baka di mo pa maubos ha,” mataray na sabi niya.
Abala pa siya sa pagsasalansan ng pera nang mag-ring ang telepono, “Hello?”
“Hello is this Mrs.Nimfa Gatdula? Si Jean po ito, nurse ako sa Makati Medical Center. Na-confine po kasi si Nerissa Gatdula, kayo po ang contact person sa ID niya,” bungad ng babae.
“H-ha?!Bakit? Ano ang nangyari? naaksidente ba ang anak ko? Na-hit and run?! P*tang ina! ” gulat na gulat na sabi ng ale, nagsimula siyang kabahan.
“Punta nalang po siguro kayo dito Misis, may sasabihin rin po si Doc sa inyo,” sabi ng nurse.
Halos liparin ni Aling Nimfa ang papunta sa Maynila, ni hindi na nga siya nakapagbihis.
Tulala siya sa sinasabi ng doctor, pasulyap sulyap sa anak na walang malay. Namumutla ang dalaga at nangayayat talaga.
“May cancer po ang anak ninyo, kailangan pa naming magsagawa ng maraming test para matukoy kung saan nanggaling,” sabi ng doctor bago umalis sa harap niya. Napaupo si Aling Nimfa sa emergency room.
Napakabata pa ng anak niya! Kolehiyo pa lang ito! Iyak siya nang iyak habang hawak hawak ang kamay nito.
“Nanay..” nanghihinang sabi ng dalaga, pinilit nitong ngumiti.
“Anak, ano ba ang nangyayari sa iyo?”
“Sobrang pagod sa school. Marami pa akong pera Nay,” proud na sabi nito.
“Diyos ko nak hindi mahalaga ang pera ngayon, ikaw ang iniisip ko,” ngayon niya lang napagtanto iyon.
“Nagtipid ako Nay, pero healthy naman ang kinakain ko kaya hindi ko alam kung saan ko nakuha ang cancer. Hindi ako nagba-baboy, panay isda ang kinakain ko mula sa palengke..hindi ba, healthy iyon Nay?”
Natulala si Aling Nimfa. Halos pumutok ang ulo niya sa realisasyon.
Ang isdang nakain ng anak niya ay ang mga isdang kinulayan niya ng formalin, sigurado siya roon. Ito ang umani sa mga katarantaduhang ginawa niya para kumita lang ng pera.
Ilang buwan lamang ang itinagal ni Nerissa at binawian rin ito ng buhay. Halos mabaliw si Aling Nimfa, alam niyang kasalanan niya ang lahat.
Araw-araw siyang pinapatay ng kanyang kunsensya, kung naging matapat nalang sana siya sa negosyo. Kung inisip niya sana ang kapakanan ng iba. Kung hindi niya sana sinamba ang pera, buhay pa sana ang nag iisa niyang anak ngayon.