Inday TrendingInday Trending
Lihim na Nagtatrabaho sa Perya ang Babaeng Mukhang Sea Horse, Hindi Niya Akalain na Mismong Anak Niya ang Makakakita Sa Kanya

Lihim na Nagtatrabaho sa Perya ang Babaeng Mukhang Sea Horse, Hindi Niya Akalain na Mismong Anak Niya ang Makakakita Sa Kanya

Ipinanganak si Stella na maiksi ang dalawang braso at isa lang ang binti, dahil doon ay naging tampulan siya ng tukso sa kanyang paglaki. Babaeng trumpo, hipon, pinaglihi sa pako, seahorse; lahat iyan ay narinig na niya.

Akala niya nga ay wala na siyang pag asa pang lumigaya, dahil sino naman ang iibig sa tulad niya diba? Pero pinatunayan ng Diyos na mali siya, dahil nakilala niya si Mateo.

Anak ng jeepney driver ang lalaki at masugid siyang niligawan nito, ayaw sana niya dahil natatakot siyang maipagpalit at maiwan sa huli pero ma-tyaga ito. Di nagtagal, nahulog rin siya at napasagot nito.

“Huy, mahal, tulala ka na naman,” nakangiting sabi ng lalaki na pumalakpak pa sa harap ni Stella para matawag ang atensyon niya. Kasalukuyan silang kumakain ng almusal, labinlimang taon na ang nakalipas mula nang sila’y ikasal.

“H-ha? Ano..mahuhuli na kasi ako sa trabaho kaya medyo worried ako,” sagot naman niya.

“Sus ngayon lang ako nakakita ng male-late na sa trabaho pero nakatulala pa,” biro ng lalaki.

Pareho naman silang napalingon nang marinig na lumabas sa kwarto ang kanilang anak, nakabihis na ito pampasok sa eskwela.

“Alis na ako,” sabi nito sa kanilang dalawa bago tuluyan nang lumabas sa bahay nila.

“Ingat nak!” pahabol na sigaw ni Stella, napangiti siya nang malungkot dahil ni hindi man lang lumingon ito. Nang magbinata si Marvin ay lumayo na ang loob nito sa kanya, marahil ay ikinakahiya na siya sa mga kaibigan. Di niya naman masisisi ito.

Ilang minuto pa ang nakalipas ay itinawag na siya ng tricycle ng kanyang mister habang ito naman ay namasada na rin ng jeep. Ang alam ng mag ama niya, nagtatrabaho siya bilang singer sa isang restaurant kaya ginagabi siya ng uwi. Walang ideya ang mga ito na umalis na siya roon, maliit kasi ang sahod at bibihira ang mga nagti-tip. Hindi naman kasi siya tulad ng ibang singer na maganda.

Nagtatrabaho siya ngayon bilang singer pa rin-sa isang perya. Ang kaibahan nga lang, bukod sa pagkanta ay ginagawa rin siyang katatawanan ng mga tao. Nagbabayad ang mga ito para lang makita siya, ang babaeng sea horse. Buti na nga lang at hindi pa fiesta sa kanila, malayo ang bayang ito, hindi na malalaman pa ng kanyang mag ama. Kung sakaling sa lugar na nila ang ruta ng perya ay baka di na muna sya rumaket.

Kaya siya maagang pumasok ay dahil ikalawang araw niya pa lamang sa trabaho, kailangan niya pang mag-ensayo lalo at dinumog ang unang gabi niya. May mga naghahagis ng piso, pero kadalasan ay binabato siya at tinitignan kung nangangagat ba sya kahit pa nasa ibaba siya at may harang ang sinisilipan ng mga ito.

Sumapit ang gabi, kahit na hindi ito ang unang beses ay kinakabahan pa rin si Stella.

“Lapit na! Mamangha sa babaeng bunga ng pagsasamantala, isang laman dagat ang nanggahasa sa kanyang ina at siya ang naging produkto! Sa halagang bente pesos, mamangha kayo sa kakaibang nilikha ng Diyos!

Hindi lang sirena ang magaling kumanta, tunghayan ang babaeng sea horse!” sabi ng announcer sa perya.

Unti-unting dumarami ang mga tao, kailangang nasa labinlima pataas ang nakadungaw bago tumugtog ang awiting kakantahin niya. Nasa sampu pa lamang ang naroon, narinig pa ni Stella mula sa ilalim ang isang grupo ng kabataan na nagtatalo kung papasok ba o hindi.

“Tara na kasi, bente lang o parang tanga to,wala na naman tayong klase eh. Tsaka top 1 ka naman kaya treat mo na rin sarili mo,” yaya ng isa.

“Oo nga, o ambagan kami para makapasok ka. Timang, laughtrip yan. Sigurado akong putol lang kamay at paa nyan, pakulo lang nila yung sea horse sea horse, gago pag yan hindi kulay green ha. Papaltukan ko yan,” natatawa namang sabi pa ng isa.

Napapailing nalang si Stella, maya maya pa ay nagkasundo ang mga ito at pumasok na. Alam ni Stella, kahit anong oras ay maari nang magsimula ang palabas dahil lagpas sa lima ang barkada. Isa isang dumungaw ang mga ito at nakita niya ang mga mukha. Tumugtog na rin ang awit, naghahanda na si Stella na ibuka ang bibig nang makita ang huling miyembro sa grupo ng kabataan.

Si Marvin.

Gulat na gulat ang babae at hindi makapagsalita.

“Huy kanta na!” sigaw ng mga tao. Nagsimula nang mainis ang mga ito at binabato na siya ng kung anu-ano.

“Sayang pera namin sayo!Pwe!” sabi ng iba, may dumura pa nga.

Nakatitig lang sa kanya ang anak at di niya mabasa kung ano ang ekspresyon sa mukha nito. Dahil sa pagkapahiya sa binatilyo, kahit hirap na hirap ay gumapang si Stella upang makapagtago sa isang gilid.

Nagsimula namang magtawanan ang mga nanonood.

“Tang*na, akala ko ba sea horse yan bakit naging uod?” sabi ng isa, hagalpakan ang mga tao.

Iyak siya ng iyak habang nakakubli, dahil sa kanya ay mapapahiya pa si Marvin sa barkada nito. Mabuti na lamang at di alam ng mga kabataan na siya ang ina ng binatilyo.

Tumigil ang tugtog pero maingay pa rin ang bulungan ng mga tao, narinig niyang umugong ang mikropono, tiyak niyang iyon ang namamahala sa perya at hihingi ng paumanhin sa mga tao.

Pero hindi ang boses ng matanda ang narinig niya, ang laki ng mata niya dahil si Marvin ang nagsalita!

“Ang pinagtatawanan nyo ngayon ay ang babaeng nagluwal sa akin. Kita nyo itong suot kong uniporme? Kung hindi dahil sa kanya di ako makakapag-aral. Yang sinasabi nyong putol na kamay, yan ang kumalinga sa akin. Yang sinasabi nyong uod, yan ang gumagapang sa kahirapan para mabigyan ako ng maginhawang buhay. Sila ng tatay ko ang dahilan kung bakit ho nandito ako.

Kaya nya tinitiis ang pagtawa nyo sa pagkatao niya ay para sa akin. Sa likod ng kaanyuang iyan ay ang nanay kong mapagmahal at matiisin. Kaya ‘Nay, lumabas ka na dyan. Wala kang dapat na ikahiya, ikaw ang the best Nanay sa mundo. Sorry kung akala mo ikinakahiya kita..nabigla lang po ako, mahal na mahal kita Nay,” sabi ng binatilyo.

Di makapaniwala si Stella, lalo pa ng bumaba ang anak at buhatin siya pauwi.

Habang nasa tricycle sila ay napatitig rito si Stella, binata na ang anak niya. At katulad ng ama nito ay napaka-gentleman at mabuti ang puso, itinext ng binatilyo si Mateo para sunduin sila sa kanto.

Nang makauwi sila ay niyakap niya ang mag-ama, ang mga ito ang kayamanan niya.

“Anak sorry kung naipahiya kita sa barkada mo, gusto ko lang namang kumita dahil naaawa na rin ako sa tatay mo na mag isang kumakayod. Marami na ring sumasakit kasi sa kanya-“

“Nanay, ako ang dapat na mag-sorry dahil may isang point sa buhay ko na ikinahiya nga kita. Pero nang makita po kita kanina, doon ko naisip lahat ng sakripisyo mo para sa akin. Salamat sa lahat nanay at wag mong iisipin na nagkulang ka, dahil maski na putol ang mga kamay mo ay higit ka pa sa ibang taong kumpleto pero di magawang maging magulang. Mahal kita, kayo ni Tatay,” madamdaming sabi ni Marvin.

Tigib ng luha si Stella, mahal na mahal siya ng Diyos at binigyan siya ng ganitong pamilya. Ilang taon pa ang nakalipas ay nakapagtapos sa pag aaral si Marvin, pinagawaan sila nito ng malaking bahay.

Ngayon ay kasalukuyang ginagawa ang negosyo nilang bigasan at computer shop, nang sa gayon ay di na kailangan pa ng mag asawang kumayod.

Advertisement