Iniiwasan ng Babae ang Kapitbahay Dahil Mukha Itong Kawatan, Di Niya Inaasahan ang Matutuklasan sa Pagkatao Nito
“Neng! Bakit ka nakikipag-usap doon sa kapitbahay nating mukhang manggagantso? Sinasabi ko sa’yo kapag ikaw inano niyan!” sigaw ni Girly sa nakababatang kapatid na si Joy.
“Bakit, ate? Nagtatanong lang naman ako sa kanya kung nakita niyang dumaan yung nagbebenta ng taho. Mabait naman ‘yon e.” paliwanag ni Joy sa mapanghusgang kapatid.
“Basta! ‘Pag nakita pa kitang nakikipag-usap dun lagot ka sa’kin,” banta ni Girly sa kapatid.
Laging ganoon ang pag-uugali ng dalaga. Kapag nakakita siya ng lalaking may tattoo, may balbas, at hindi naka-pang mayamang damit ay agad niyang iniisipan ng masama. Isa pa iyon sa dahilan kung bakit hanggang ngayong bente singko anyos na siya ay hindi pa rin siya nagkakaroon ng nobyo.
Isang araw na naglalakad si Girly pauwi sa kanila, naramdaman niyang may lalaking naglalakad sa kanya. Agad niyang inisip na sinusundan siya nito kahit wala namang ginagawa. Nilingon niya ang lalaki, at laking gulat nang makita ang kapit-bahay. Nagsisigaw ito at nag-eskandalo.
“Hoy, g*go! Bakit ka nakasunod? May plano kang masama? ‘Wag ako! Pulis ang tatay ko. Yari ka!” pagmamayabang na sigaw ng dalaga. Pagkatapang-tapang nito at matalas ang bunganga.
“Ha? Alam mo namang magkapit-bahay lang tayo, ‘di ba? Malamang iisa lang tayo ng dadaanan,” malumanay na paliwanag ng binata kahit pahiyang-pahiya na ito sa lakas ng bunganga ng babae.
“Nako! E ba’t ang lapit-lapit mo? Layuan mo ako ah! G*go ka. Mukha kang adik!” patuloy pa rin sa pagsigaw ang dalaga. Mabuti na lamang at dumating ang ina nito at umawat.
“Girly! Umayos ka nga!”
“Nako, pasensiya ka na Brando. Ganiyan lang talaga ang anak ko,” paghingi ng tawad ng hiyang-hiyang ina.
Tanggap naman ito ni Brando. Alam niyang dahil sa kanyang hitsura ay madalas siyang napagkakamalang masamang loob.
Isang gabi, na-late ng pag-uwi si Girly dahil kaarawan ng kanyang boss at may ginanap na maliit na salo-salo sa kanilang office. Agad itong sumakay ng bus pauwi sa kanila. Dalawang bakanteng upuan na lamang ang natitira. At siyempre ay tiningnan ni Girly kung sino muna ang makakatabi bago umupo.
Nagulat siya nang makita ang kapitbahay na si Brando. Bakante ang upuan sa tabi nito. Nakangiti pa ito nang makita siya. Siyempre ay agad niya itong sinungitan. Nang makita ang katabi ng isa pang bakanteng upuan, agad na naupo ang dalaga. Napangiti pa ito dahil mukhang mayaman ang lalaking tinabihan niya. Naka-polo, slacks, at makintab na itim na sapatos. Gwapo pa at mukhang malinis. Mukha pa ngang may ibang lahi. Nakahinga ng maluwag ang babae.
Dahil mahaba ang biyahe, naisipan ni Girly na umidlip muna. Sa kalagitnaan ng kanilang biyahe, biglang tumayo ang lalaki sa kanyang tabi. Gulat na gulat si Girly nang makitang may hawak itong baril.
“Holdap ito! Ibigay ninyo sa akin ang lahat ng pera at cell phone ninyo. Kung hindi, makakatikim kayo!” sigaw ng binata. Nanikip ang dibdib ni Girly dahil katabi pa niya ito. Naisip din niyang bagong sweldo pa naman siya at saktong kabibigay lamang sa kanila ng kanilang 13th month pay.
Nangolekta na ng mga kagamitan ang binata. Lumong-lumo si Girly. Hindi niya inaasahang ang ganoong lalaki na may maayos na pisikal na anyo pa ang gagawa noon. Nang lumapit na sa kanya ito upang kunin ang kanyang bag, nagdalawang isip pa siyang iabot ito. Inilabas pa niya ang tapang niya kahit na alam niyang may hawak itong baril.
“Hoy! Ang kapal ng mukha mo! Kung gusto mong magkapera, magtrabaho ka!”
Bibigwasan na sana siya gamit ang baril ng lalaki, nang may isang pasahero ang naglakas loob na manlaban. Gulat na gulat si Girly nang makitang tumayo ang kapitbahay na si Brando at pilit na inaagaw ang baril sa magnanakaw.
Nanigas at napatulala ang dalaga sa aksyon na nangyayari sa harap niya. Itinigil na rin ng bus ang pag-andar. Sa kabutihang palad ay may nadaanan silang isang kotse ng pulis. Agad pumasok ang dalawang pulis sa kakahinto pa lamang na bus nang makita ang dalawang lalaki na nag-aagawan sa baril.
Nakita ni Girly na tutulong na ang mga pulis, nang biglang sapakin ng isa sa mga ito si Brando.
“Hindi ho iyan! ‘Yong isa ho ang holdaper!!!” sigaw ng umiiyak na si Girly.
Inakala kasi ng mga pulis na si Brando ang masamang loob nang dahil sa itsura nito. Ngunit agad naman nilang naintindihan ang sinabi ng dalaga at kaagad nakuha ang pinag-aagawang baril.
Agad nilang pinosasan ang holdaper. Ang lahat ng pasahero ay nagpapasalamat sa katapangang ipinakita ni Brando. Naisauli naman lahat ng nakuha sa kanilang lahat.
Nang matapos na ang komosyon, naramdaman ni Brando na may malaki siyang pasa sa mata. Nasapak kasi ito ng holdaper kanina habang nag-aagawan sila ng baril. Hawak hawak niya ang mata nang biglang lumapit si Girly sa kanya.
“Brando? Sorry. Pasensiya ka na at hinusgahan kita. Kung sino pa pala ‘yong mukhang matino e siya pang masamang tao. Hayaan mo akong tulungan ka,” sabay abot ng dalaga sa isang bimpo na may kaunting yelo galing sa inumin niya.
“Wala ‘yon. Sa susunod, ingat ka na lang.” nakangiting sabi nito sa dalaga.
Sabay nang sumakay ng taxi at umuwi ang dalawa. Magmula noon ay hindi na nanghusga ng kapwa ang dalaga. Natutunan niyang hindi dapat hinuhusgahan ang isang tao nang dahil lang sa itsura nito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!