Masayang lumapit si Catarina sa desk ng officemate niyang si Kyla, bagong pasok lang ang dalaga pero nais niya nang kaibiganin ito. Paano kasi, napansin niyang mamahalin ang bag ng babae.
“Hi, ako yung nagbigay sayo ng coffee kanina. Remember?” nakangiting wika niya, minasdan ang cellphone nito na latest ang modelo. Grabe, big time talaga.
“Hello, of course naalala kita. Catarina diba?” magalang rin namang tanong nito.
“Yep! Alam mo maniwala ka man o hindi, wala talaga akong masyadong friends dito. Iilan lang, mahiyain kasi ako at hindi pala-bati pero ewan ko ba, sayo ay parang ang gaan ng loob ko,” bola niya pa. Totoo naman ang sinabi niyang wala siyang masyadong friends.
Pero ang dahilang mahiyain siya? Kasinungalingan. Kaya siya walang masyadong kaibigan ay dahil namimili siya ng mga may kaya. Ayaw niyang sumama sa mga pipitsugin, tipong nagtitipid at hindi pumupunta sa Starbucks. Hilig kasi niya na kumain sa mamahaling restaurant kapag lunch time. Kaya lang ay buraot naman siya, wala siyang gastos. Puro pa-libre.
Mula noon ay dinikit-dikitan niya na si Kyla. Kahit na sa canteen lang ito kumakain, hindi niya pa rin ito nilulubayan dahil halata naman sa mga gamit nitong may sinasabi ito sa buhay. Kutis mayaman rin. Baka sadyang kuripot lang.
“Girl, sama ka naman mamaya, night out tayo. Friday naman eh, tsaka sweldo,” yaya niya sa dalaga isang oras bago ang uwian nila sa opisina.
“May gagawin pa kasi ako eh, hindi ako pwedeng magpagabi-“
“Minsan lang naman ako magyaya,” ngumuso pang wika niya.
Sandali siya nitong tinitigan bago pumayag, “Okay.”
Lumabas nga sila kasama ang dalawa niya pang officemate na plastic rin, ipinagyabang ni Catarina ang kotse niyang secondhand.
“Hatid ko na kayo isa isa okay? Unahin kana namin Kyla,” nakangising wika niya.
Ang totoo kasi, paraan niya lang ito para masilip ang bahay ng kaibigan. Aba, matagal niya na ring inuuto-uto ang babae pero ni isang detalye tungkol sa buhay nito ay wala siyang alam.
Pumayag naman ito kaya sinimulan niya nang magmaneho. Medyo napakunot pa ang noo niya nang ituro nito ang daan patungo sa iskwater.
“Dito ang house nyo?” maang na tanong niya.
“Hindi pa, doon pa..makalagpas ang dalawang barung-barong.” sabi ni Kyla.
Nang matapat na sa sinasabi nitong bahay ay akmang bababa na ang babae nang tawagin niya ito. Napalingon naman sa kanya si Kyla.
“Alam mo, last na ito.” mataray na sabi ni Catarina, biglang nag iba ang timpla ng mukha.
“Huh?” naguluhang tanong nito.
“Sabi ko, last na itong makakasakay ka sa kotse ko. Last na rin itong kakausapin kita. My God! Please kalimutan mo na sinabi kong magkaibigan tayo, nakakadiri ka.” dire-diretsong wika niya.
Maging ang dalawa niya pang officemate sa likod ay parang maduduling na kakairap kay Kyla.
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Look at yourself. Social climber ka, ang mamahal ng mga gamit mo tapos sa ganito ka lang pala nakatira! Peke! Ayoko sa mga kaibigang mahirap, naiintindihan mo?” pagkasabi noon ay siya na ang nagbukas ng pinto ng kotse, “Labas!”
Tumalima naman si Kyla, mabilis na nagmaneho palayo sa lugar si Catarina. Muntik pa siyang mabangga ng isang magarang kotse, pahamak kasi ang lintik na babae.
Lumipas ang weekend at Lunes nanaman, maagang pumasok si Catarina dahil ayon sa manager nila ay may mahalagang bisita raw na darating.
Dinabugan niya pa si Kyla nang makasalubong kaninang umaga, iniismiran rin ito ng dalawa pa niyang kaibigan. Natigil lang sila nang tawagin ng manager ang kanilang atensyon.
“Everyone! Please listen,” wika nito. “Our company is celebrating its 15th year, sobrang daming blessing at isa na roon ay ang bago nating boss.” napuno ng bulung-bulungan ang building na iyon.
“Yes, tama kayo ng narinig. Si Mr. Chua ay magre-retire na. Pero hindi niya naman tayo pinabayaan dahil ang magma-manage na ng negosyo ay ang kanyang unica hija, Ms. Kyla Chua!”
Lalong nagulantang ang mga tao, kasunod noon ay tumayo si Kyla at nagsalita sa unahan.
“Sorry if I lied, everyone. Nagtrabaho ako ng isang buwan bilang empleyado para makita ko ang normal na proseso rito, kung ano ba ang ginagawa ninyo kapag wala ang boss at kung gaano kahirap ang inyong trabaho. At marami akong natutunan,” wika nito. Dumako ang paningin kay Catarina na ngayon ay halos lumubog na sa kinatatayuan.
Ito pala ang nag iisang anak ng kanilang amo. Nagkataon lang na hindi mapagmataas ang babae kaya alam pa rin ang pasikut-sikot sa Maynila,na siya namang itinuro nito kay Catarina noong ihatid niya ito.
Driver rin ni Kyla ang nagmamaneho ng magarang kotseng nasalubong ni Catarina noong gabing iyon, susunduin na nito ang amo.
Sa sobrang pagkapahiya sa sarili ay tahimik na umalis si Catarina sa lugar. Hindi naman siya tinanggal sa trabaho ni Kyla pero siya na mismo ang kusang nag-resign.
Ingat sa pangmamaliit ng kapwa, minsan ang akala nating kuting, tigre pala.