Inday TrendingInday Trending
Sa Iba Naghanap ng Anak

Sa Iba Naghanap ng Anak

Pitong taon nang nagsasama si Marita at ang mister niyang si Gardo. May sarili na silang bahay at kahit paano ay nakakaraos naman sa buhay, ang kulang na nga lang ay anak. Tiyak ni Marita na nasa kanya ang problema dahil nasa lahi na nila ang hirap magbuntis.

Bago sila ikasal noon, binanggit niya naman iyon sa lalaki at tanggap naman raw siya nito. Walang problema-kahit na silang dalawa lang ay magiging masaya.

Kaya lang minsan, syempre malungkot pa rin. Di niya maiwasang mainggit sa iba. Lalo na kapag nasa mall sila at nakakakita siya ng mga nanay na may bitbit na baby. Ito kasing sinapupunan niya eh, bakit ang hina?

“Mahal!” humahangos na sabi ni Gardo isang gabi, nagmamadali namang lumapit sa pinto si Marita. Ugali na kasi niyang mag-lock ng bahay tuwing siya lamang mag isa, tutal ay may susi naman ang mister.

Kaya nga nagtataka siya ngayon kung bakit nagtatawag ito, “Umuulan! Bakit kasi sumugod ka, dapat ay nagpatila kana muna-”

Natigil sa pagsasalita ang babae nang makita kung ano ang bitbit ni Gardo. Kaya pala hindi nito magawang buksan ang pinto, bukod sa may hawak itong payong sa kaliwang kamay..ay may karga naman itong baby sa kanan.

“G-Gardo..kaninong baby yan?” gulat na wika niya.

“Mamaya na ako magpapaliwanag, n-napulot ko siya sa daan. Basang-basa kami,”

“Tena sa loob.” pinapasok niya ang asawa at kinuha rito ang sanggol na tumahimik lang sa pag iyak nang mapunta na sa bisig niya.

Buti nalang ay may naitago siyang mga damit ng baby, noong bagong kasal palang kasi siya ay nangarap silang magkaanak kaya namili sila ng mga gamit ng sanggol.

Binihisan niya ito, hindi pa man naririnig ang sasabihin ng mister ay may ngiti na sa kanyang mga labi. Ang sarap sa pakiramdam na may inaalagaan, nang madamitan ito ay niyakap niya at inihele.

Nasa ganoong akto sila nang pumasok si Gardo, nakabihis na. Titig na titig ito sa kanya.

“Saan mo siya napulot?” tanong niya habang tuloy-tuloy sa paghele sa bata.

“P-Pauwi na ako nang marinig ko siyang umiiyak sa bakanteng lote kanina. Lumingon ako pero wala namang tao kaya ayan.. iniuwi ko na muna.” sabi nito, umiwas ng tingin sa kanya at nilapitan ang sanggol na ngayon ay himbing nang natutulog.

“Kung wala ang mga magulang niya, atin na muna siya.”

“Sigurado ka?” gulat na wika ng lalaki. Ano ba ang iniisip nito? May kung ano sa mata ni Gardo na hindi niya matukoy. Bakit parang gulat na gulat itong aalagaan niya ang baby, gayong wala naman itong magulang, tapos sila ay walang anak- wala naman sigurong masama roon diba?

“Oo. Kaya kung pwede sana, baka may bukas pang grocery ay pumunta kana muna. Wala siyang gatas.” wika niya lang at hinalikan pa sa noo ang sanggol. Tumalima naman ang kanyang mister.

Mabilis lumipas ang isang buwan, ang buhay ni Marita ay lalong sumigla nang dumating ang baby na pinangalanan niyang Nicole.

Akala niya, perpekto na. Kaya lang ay naaksidente si Gardo. Halos mabitiwan niya ang telepono nang marinig ang sinabi ng nurse na nag aagaw buhay na raw ang kanyang mister at hinahanap siya.

Bitbit niya pa si baby Nicole sa ospital, nangangatog ang mga bisig niya at hindi malaman ang gagawin.

“Gardo, Diyos ko ano ba naman ito? Bakit naman g-ganito,” gusto niyang mahimatay nang makita ang ayos ng mister. Napakaraming benda sa katawan, may semento rin ang leeg. Wala nang kulay ang mukha nito, ubod ng putla.

“M-Marita..” bulong ni Gardo.

Gusto niyang hawakan ang kamay ng lalaki kaya lang ay may benda iyon, hinaplos niya nalang ang mukha nito. “Nandito lang kami ni baby Nicole..” umiiyak na sabi niya.

“Marita p-patawarin mo ako.” lumuluhang sabi nito.

Inisip niyang humihingi ito ng tawad dahil sa aksidente kaya umiling iling siya, “Hindi mo naman kasalanan iyan eh, basta magpagaling ka Papa. Kailangan ka namin,”

Napatigil siya nang magtuloy sa pagsasalita ang lalaki, “N-Nagkamali ako Marita. Nagsinungaling ako sayo. Si..N-Nicole, hindi ko siya napulot. A-Anak ko siya sa iba, natukso ako. Patawarin mo ako. Maniwala kang isang beses lang iyon at h-hindi ko na naituloy dahil mahal kita. Iniwan siya ng n-nanay niya kaya iniuwi ko sa atin..”

Ilang segundo na ang lumipas ay tulala pa rin ang babae, kung ganoon ang sanggol palang inalagaan niya ay bunga ng panloloko sa kanya.

“Marita, mahal kita. S-salamat sa lahat..” huling salitang sabi ng kanyang mister bago ito malagutan ng hininga.

Isang linggo ang mabilis lumipas at nailibing na si Gardo, nilapitan si Marita ng kanyang ate, “Ano? Ibigay nalang natin sa DSWD ang batang yan.” wika nito.

Napatingin naman siya kay baby Nicole na ang sarap ng tulog sa crib nito. Humagikgik pa ito nang kaunti dahil tila nananaginip.

“Marita? Wag mong sabihin sa aking gusto mo pang alagaan ang batang yan, aba prutas ng kataksilan.” asik pa ng kanyang kapatid.

Umiling siya rito, “Hindi ko ipamimigay si baby Nicole. Hindi ko ipamimigay ang anak ko.”

Nagising si Marita sa pagkakatulala nang makarinig ng masigabong palakpakan. Ah, sino ang mag aakalang 26 years na ang nakalipas mula nang pangyayaring iyon?

Binasbasan ng pari ang paligid ng bagong restaurant, ngayon kasi ang ribbon cutting at opening ng malaking negosyo.

Tumayo sa gitna ang may ari, “Maraming salamat sa lahat ng taong sumuporta at tumulong para maisakatuparan ang dream business kong ito.

Higit sa lahat, sayo mommy,” wika nito at sinulyapan si Marita, “Ito na po ang pangarap nating dalawa. Nagsimula sa bonding natin na magluto sa bahay, naging restaurant na. Salamat sa pagpapaaral sa akin, sa pag aalaga, sa pagmamahal.. salamat sa pagtanggap Mommy. Wala ako ngayon kundi dahil sayo,” lumuluhang sabi nito at naglakad papalapit sa ginang.

“Mahal kita Mommy ko,” sabi nito kay Marita.

“Mahal na mahal rin kita anak ko..Nicole,” umiiyak na wika ng ginang.

Mabuti ang puso ni Marita. Nasa isip niya na nagkamali man ang kanyang asawa, wala namang kasalanan ang bata. Si Nicole ay blessing na bigay ng Panginoon upang magkaroon ng halaga ang kanyang buhay, ito ang anak niya na hindi niya man isinilang ay iniingatan niya naman sa kanyang puso.

Ngayon ay masaya silang namumuhay magkasama, mayroon nang sariling bahay, kotse, at ang pangarap nilang restaurant.

Advertisement