Maraming taon na ang nakalipas nang pumanaw ang ama ni Martin. Mula noon ay mag isa na lamang siyang binubuhay ng kanyang inang si Aling Cecile. Para sa labing siyam na taong gulang na binatilyo, hindi naman ganoon ka-hirap ang buhay. Ni hindi niya nga iniisip na sayang ang perang ipinangpapa-aral sa kanya dahil sige siya kung mag-cut ng klase.
Sumasama siya sa kanyang barkada na maglaro ng bilyar, doon niya rin kinikita ang kanyang nobyang si Charry. Mahal niya ang babae, swerte siya kasi crush ito sa buong campus pero siya ang napansin at nabigyan pa ng pagkakataong maging nobyo nito. Kaya nga lahat ng hilingin ng babae, ibinibigay niya.
“Baby, gusto kong bumili ng lipstick na kagaya kay Rose Ann. Tingnan mo nga itong akin, avon lang. Dali na kasi, punta na tayo sa mall,” nakangusong wika nito.
Dinampian naman ito ni Martin ng halik, “Oo ba, gagawan ko ng paraan.” wika niya, kakaubos lang kasi ng baon niya nang ilibre niya ito sa Starbucks noong isang araw.
“Puro gagawan ng paraan nakakainis naman! Mangingitim na ang lips ko kakagamit ng mumurahing make up, sige ka.. hindi mo na ako maki-kiss,” maktol ng dalaga.
Tinitigan niya ito, “Pag sinabi kong gagawan ko ng paraan, gagawan ko ng paraan okay? Wag kang mag alala,” wika niya pa.
“Dapat lang kasi monthsary na natin. Gift mo dapat iyon,” nakaismid na sabi ng babae.
Pag uwi sa kanila ay hindi mapakali si Martin sa kakaisip kung paano siya magkaka-pera. Siya namang pasok ng kanyang ina na may bitbit pang mga malalaking plastic galing sa Divisoria, nagba-buy and sell ito ng mga damit.
“Nay! K-Kailangan ko pala ng pera,” bungad niya.
Hinihingal sa pagod ang ale, “Magkano nak? Para saan?”
“Ano, may film showing kami. Yung..yung manonood kaming buong klase ng isang palabas tapos magsusulat ng reaction paper tungkol doon. Kailangan na magbayad bukas,1500.”
“1500?! Diyos ko po, kay mahal namang film showing iyan ano. Mas mahal pa sa sine, ang gastos talaga ngayon makapagtapos lang,” umiiling iling pang wika nito, tapos ay binuklat ang pitaka, “Nak 350 nalang ang natirang pera rito eh. Gawa ng ginawa kong puhunan sa damit iyong iba,”
Nakaramdam ng inis ang binata, ang daming kuda hindi naman pala magbibigay! “Akin na, pwede na yan,” wika niya tapos ay biglang hinaltak ang pera ng ina.
Hindi niya ito kinibo noong gabing iyon kahit na tinatawag siyang kumain ng hapunan. Nakakaasar naman kasi.
Kinabukasan ay maaga siyang nagising, susubukan niya kasing mangutang sa ibang kaibigan para may maibigay siya kay Charry. Palabas na siya ng bahay nang mapansin ang isang kahon, may kung anong nagbulong sa kanya na buksan iyon kaya ginawa niya naman.
Napangisi siya ng malaki nang makitang pera ang laman. Ilang lilibuhin, dumampot siya ng dalawa.
Hah! Solved na ang problema niya.
Nadala niya sa mall ang galak na galak na dalaga, mayabang niya pa itong ikinain sa may kamahalang restaurant. Bahala na ang nanay niyang maloka sa kakahanap ng pera.
Sus, maramot lang siguro ang ginang. Sariling anak ay tinitipid. May salapi naman pala, patanggi-tanggi pa.
Inihatid niya muna ang nobya sa kanto kung saan malapit ang bahay ng mga ito bago siya naglakad pauwi. Huli na nang mapansin niyang hawak niya pa pala ang bag ni Charry, pag magkasama kasi sila ay siya ang nagbibitbit noon dahil ayaw niyang nabibigatan ang nobya.
Naglakad siya pabalik, ilang beses tumunog ang cellphone sa loob noon tanda na mayroong nagtetext pero hindi niya pinapansin. Hanggang sa ringtone na ang tumunog, ibig sabihin ay may tumatawag. Mukhang hindi hihinto kaya sinagot niya na.
Hindi muna siya nagsalita, baka kasi magulang ng dalaga ay mabuking pa sila. Ayon sa babae, bawal pa raw itong magnobyo.
“Hello?” napakunot ang noo ni Martin dahil boses lalaki iyon at hindi tunog matanda, tiyak niyang hindi ama ni Charry.
Muling nagsalita ang nasa kabilang linya, “Baby nasaan kana? Nandito ako sa inyo, nagdi-dinner with your parents. Dont tell me, kasama mo na naman yang pipitsugin mong nobyo? Akala ko ba, makikipagbreak kana dyan?”
Naibaba ni Martin ang tawag. Doon niya napansin ang humahangos na si Charry sa likod niya, halatang nataranta ang dalaga dahil nasa kanya ang bag nito. Walang imik na ibinalik niya iyon rito maging ang cellphone, tapos ay naglakad na pauwi.
Walanghiya, niloko niya pa ang nanay niya para sa babaeng lolokohin rin lang pala siya.
Hihingi siya ng tawad sa ina at aaminin rito ang lahat. Pero pagkatok niya sa kanilang bahay ay walang nagbubukas ng pinto.
“Nay, nandito na ho ako!” wika niya.
“Nay! Bakit naka-lock ho? Nandito na ako!” halos kalampagin niya ang pinto.
“Martin? Hay Diyos ko!” napapitlag ang binata sa aleng nagsalita sa kanyang tabi.
“Umalis ho ba nanay ko?” tanong niya rito.
“N-Nasa ospital si Cecile hijo-“
“Ho?!”
“Kanina ay bigla na lamang natumba, kasi naman ang nanay mo ay patung patong ang trabaho. Bukod sa buy and sell, naglalabada rin iyan. Pag may oras ay namamasukang tindera sa grocery, nagbebenta ng tocino.. extra sa pabrika,”
Hindi niya alam lahat iyon kaya gulat na gulat ang binata, akala niya kasi, madali lang ang hanapbuhay ng nanay niya para kumita ng pera. Hindi naman kasi ito dumadaing sa kanya.
Nang hindi pa rin siya sumagot ay nagpatuloy sa pagsasalita ang ale, “Kanina pang hapon nanghihina sabi ko nga ay magpacheck up na. Eh ayaw, gawa ng iyong naitatabi niyang pera ay para raw sa pag aaral mo. Parang nakunsumi nga kasi nawalan raw ng dalawang libo, ayun bigla nalang tumumba.”
Halos kainin ng konsensya si Martin. Tinanong niya sa ale kung nasaan ang ina tapos ay nagmamadaling pumunta roon.
Naabutan niya ang ginang na nakahiga sa emergency room. Namasdan niya ito, may edad na rin pala talaga ang nanay niya.
Kulubot na ang mukha nito, bakas rin ang pagod dahil sa paghahanapbuhay, mapag aral lang siya. Nagsusugat ang mga kamay marahil ay sa labada. Ang paa nitong inuugat na kakalakad para mag aluk alok ng mga damit nitong itinitinda.
Ang nanay niya..
Dahan-dahan siyang lumapit, wala siyang mukhang maiharap sa ginang, “Nanay,”
Dumilat naman ito at napangiti nang makita siya.
“Nanay sorry po.” umiiyak nang wika niya.
Sa halip na sumagot ay hinaplos nito ang kanyang pisngi, “Kung makaiyak ka naman anak. Buhay pa ang nanay, na-overfatigue lang raw sabi ng doktor.”
Nang marinig iyon ay tuluyan nang napahagulgol si Martin. Akala niya, mawawala na ang nanay niya. Salamat sa Diyos at sanhi lang pala ng matinding pagod ang pagkatumba nito. Nangako siya na mula noon, hindi niya na hahayaang akuin ng nanay niya ang lahat.
Pangakong tinupad niya naman, nag aral siya ng mabuti. Ngayon ay masayang-masaya ang nanay niya sa kanyang piling, may sariling bahay na sila, kotse, at may negosyo pa. Amo na ito ngayon, hindi na kailangang maglako ng buy and sell na damit.
Hindi mali ang umibig, nagiging masama lang kapag napipilitan na tayong manlamang sa kapwa at manakit mapaligaya lang ang ating tinatangi. Ang ganoong klase kasi ng pagmamahal ay makasarili.
Lagi ring tandaan na mahalin ang ating magulang, kailanman ay hindi sila mapapalitan.