Inday TrendingInday Trending
Pagkain Ko, Pantasya Nila

Pagkain Ko, Pantasya Nila

“Mommy! Adobong manok na naman ang ulam natin? Kagabi yan rin ang ulam! Ano ba yan ayoko nang kumain!” wika ni Lolit, padabog na ibinaba ang takip ng ulam.

“Pasensya kana anak, naglaba kasi ako e kaya hindi na ako nakapuntang palengke. Buti nga may makakain pa tayo e.” mahinahong ika ni Aling Nimfa, sabay abot ng plato sa anak.

Halos araw-araw reklamo palagi tungkol sa ulam ang maririnig sa bahay nila. Kahit na mapa-manok man o isda, palaging may nasasabi ang pihikang dalaga ni Aling Nimfa kaya ginagawa niya ang lahat upang mapakain lang ito, may kapayatan kasi dahil sa sobrang pamimili.

Ngunit isang araw pagkauwi niya galing palengke, nakita niya ang kanyang anak na namimilipit sa sakit ng tiyan. Agad niya itong nilapitan at dinala sa ospital. Doon napag-alaman niyang may sakit na ulcer si Lolit.

Labis na pagkadismaya sa sarili ang kanyang naramdaman.

“Panginoon ko, hindi naman ako nagkulang sa pag-aalaga sa anak ko. Pero bakit siya pa? Sana ako na lang.” ika ni Aling Nimfa habang pisil-pisil ang kamay ng anak dahilan para magising ito.

“M-mommy bakit po tayo nasa ospital?” tanong nito.

“Inatake ka ng sakit ng tiyan anak eh.” ika ni Aling Nimfa, tinulungang umupo ang anak.

“May sakit po ako?” mahina nitong sambit sa nanay.

“Huwag ka mabibigla anak ha? Napag-alaman ng doktor mo na may ulcer ka.” sambit ni Aling Nimfa, dahilan para mapatulala ang anak at unti-unting lumuha, “Pero gagaling ka pa naman! Huwag kang umiyak dyan. Ang kailangan mo lang gawin ay tulungan mo ang sarili mong kumain ng tama at syempre tama sa oras.

Ikaw kasi kapag nasa school, palagi kang nalilipasan ng gutom dahilan para ayan, magkasakit ka. Kaya tulungan mo ang sarili mo ha, ikaw lang makakapagpagaling sa sarili mo.” ika niya habang hinihimas himas ang ulo ng dalaga.

Dahil sa sinabi ng ina, tinulungan nga ni Lolit ang sarili para gumaling. Kumain siya ng sapat at tama sa oras, uminom ng gamot at higit sa lahat, iniiwasan niya ang mga bawal na pagkain dahilan para makalabas siya ng ospital pagkalipas ng tatlong araw.

Habang pauwi na galing ospital, napadaan sila sa palengke upang bumili ng mga prutas. Pagbaba nila ng sasakyan, agad silang nilapitan ng mga batang kalye at nangmamalimos. Noong una ay todo iwas ang pihikang dalaga, pero nagbago ang reaksyon niya nang marinig ang pinakabata na nagsalita.

“Ate, alam ko masasarap yung mga kinakain mo sa bahay ninyo, baka pwede bigyan mo naman kami.” ika nito, dahilan para mapatigil sa paglalakad at mapalingon ang dalaga.

Sinabi niya ito sa kanyang nanay na abala sa pamimili ng mga prutas. Ika niya, “Mommy, bigyan natin sila nang makakain.” Natuwa naman ito sa kagustuhang tumulong ng anak kaya naman pumunta sila sa pinakamalapit na grocery at bumili ng mga biscuit saka ibinigay sa mga batang kanina pa sunod nang sunod sa kanila. Labis na kasiyahan ang naidulot nila sa mga musmos.

Walang kapalit na saya ang naramdaman ng dalaga nang makita ang mga ngiti ng mga batang kalye. Saka niyang napagtantong sobrang swerte niya sa buhay na mayroon siya.

“Mommy, sarap pala sa pakiramdam nang makapagpasaya ng tao, ano? Kahit na biscuit lang yung naibigay natin sa kanila, ang saya-saya na nila. Samantalang ako, mayroon nang nakahaing kanin at manok sa harapan, nagrereklamo pa.” ika ng dalaga habang nakatingin sa bintana ng sasakyan, nakangiti lamang ang kanyang ina habang nagmamaneho.

“Siguro Mommy karamihan sa kanila nalilipasan ng gutom dahil sa wala silang makain no, tapos ako nagpapalipas ng gutom dahil ayoko lang ng ulam. Sobra akong nakokonsensya sa mga nagawa kong kaartehan sa pagkain, nagkasakit pa tuloy ako.

Pangako Mommy, hindi na ako mag-iinarte sa pagkain ngayon, tapos yung sobrang pera sa baon ko, ibibili ko ng mga biscuit at ibibigay sa mga batang iyon.” dagdag pa ng dalaga, halatang sabik na sabik na siyang magbagong buhay, sobrang kagalakan naman ang naramdaman ni Aling Nimfa, dahil sa bukod kakain na ang anak niya ng nasa tama, makakatulong pa ito sa mga batang kalye.

Ginawa nga ng dalaga ang ipinangako niya sa kanyang ina at lumipas ang isang buwan, unti-unti na rin siyang gumagaling sa kanyang sakit dahil sa tulong ng kanyang mga gamut at syempre dahil sa tulong niyang kumain ng sapat at masustansiya.

Maging aral sana ito sa ating lahat. Kahit na hindi masarap ang ulam, magpasalamat dahil maraming tao ang nagugutom at naghihirap malamnan lang ang kumakalam nilang sikmura.

Advertisement