Inday TrendingInday Trending
Ang Ganda ng Asawa Ko, Pwede nang Ibenta

Ang Ganda ng Asawa Ko, Pwede nang Ibenta

Bunga ng isang arranged marriage ang pagsasama ni Crisan at Monique. Bata pa lamang sila nang napagdesisyunan ng kanilang mga tatay na ikasal sila sa isa’t-isa. Kaya naman walang nagawa ang dalawa kundi sumunod sa mga magulang.

Galing sa isang mahirap na pamilya si Monique kaya naman para masigurado ang kanyang kinabukasan, ginawa ng tatay niya ang lahat upang mapapayag ang ama ni Crisan na matalik niyang kaibigan. Pumayag naman ang ama ng binata. tiwala naman kasi siyang hindi kailanman malulugi ang kanilang business. Kahit na hirap sa buhay ay matalino naman kasi ang kanyang kumpare at maaasahan pa sa pagdedesisyon sa negosyo.

Dumating nga sa tamang edad ang dalawa at kinasal tulad ng napagplanuhan ng kanilang mga ama. Lumipas ang mga taon at sa isang bubong nang naninirahan ang dalawa. Ngunit, kapag talaga ayaw ng puso, madalas nagsasalpukan ang mga bagay-bagay.

Madalas ay kawawa ang sunud-sunurang babae sa mainiting ulo at palamurang lalaki ngunit isang araw, tila nag-iba ang ihip ng hangin.

“O, gamitin mo yan nang pumuti naman yang kili-kili’t singit mo.” ika ni Crisan sabay abot ng isang supot ng pampaputi sa asawa.

“Nang-iinsulto ka ba? Hindi naman kaitiman ang kili-kili’t singit ko!” pikon na sigaw ni Monique saka binato sa asawa ang supot na binigay nito.

“Ito naman! Inaalagaan ka na nga ayaw mo pa. Parang gusto mo laging may giyera sa pagitan natin e.” inis na ika ng lalaki habang pinupulot ang nagkalat na pampaputi.

“Mahalaga na ako sayo, ano?” sambit ng babae habang pinapanuod ang asawa.

“Akala mo lang.” matipid nitong wika, saka ipinatong sa lamesa ang mga pampaputi, at umalis na ito ng bahay.

Ngunit ang akala ni Monique na simula na nang maganda nilang pagsasama ng lalaki ay naging kabaliktaran dahil simula umalis ito sa bahay nila noong araw na iyon na isang buwan na ang nakakalipas ay hindi na ito umuwi.

Lagi niya itong tinatawagan o tinetext kung nasaan pero ang laging reply lamang nito, Gamitin mo lahat ng nasa loob ng supot para wala tayong problema.

Kahit pa hindi niya alam ang dahilan kung bakit siya pinipilit ng asawang gamitin ang mga pampaputi ay sinunod niya ito, ika pa niya, “Wala naman sigurong mawawala sakin.”

Sa loob ng dalawang paggamit ng mga pampaputing ito, tila kakaibang kinis at ganda ang nangyari kay Monique. Ni hindi niya na nga makilala ang sarili sa tuwing titingin sa salamin. Masaya ang babae sa pagganda ng kanyang kutis at mukha ngunit hindi pa rin nauwi ang kanyang asawa, nasasabik pa naman siyang ipakita ang kinalabasan ng mga pampaputi.

Isang araw, habang nanunuod siya ng telebisyon, biglang may tumawag sa kanya. Nang makita niyang ang asawa niya ang tumatawag, sinagot niya ito agad.

“Hello Crisan! Hindi ka pa rin ba uuwi? Grabe yung-” biglang pinutol ng lalaki ang kanyang pagsasalita.

“Mag-ayos ka, aalis tayo. Mga sampung minuto andyan na ako. Bilisan mo.” ika nito, sabay baba ng tawag, agad namang nagbihis ang babae.

Dinala siya ng asawa sa isang lugar na maraming ilaw, may entablado at maraming kalalakihan. Manghang-mangha siya sa mga nakikita ngunit nabigla siya noong pinagpalit siya ng bikini ng lalaki.

“Sumunod kana lang.” tipid nitong ika, wala namang nagawa ang dalaga kundi sumunod, naisip niya na baka isinali siya ng asawa sa isang patimpalak dahil naggagandahang babae rin ang kasama niya sa loob ng silid at lahat sila, halos wala nang saplot.

“Handa kana ba? Sana malaki-laki ang benta sayo.” ika ng isang babae sabay hila sa kanya papuntang stage, wala siyang magawa kundi isigaw ang pangalan ng asawa niya ngunit wala na ito.

Naghiyawan ang mga kalalakihan paglabas ni Monique, hinahanap niya ang asawa, nakita niya ito sa isang gilid, may kausap na matandang lalaki, iniangat ng matanda ang kanang kamay sabay sabing, “Five hundred thousand!”

At doon na nagpataasan ng alok ang mga lalaking nais bumili sa kanya. Saka niya napagtantong kaya pala siya pinaganda masyado ng asawa ay para ibenta. Wala siyang ibang nagawa kundi umiyak sa entabladong iyon habang pinagpapantasyahan ng mga kalalakihan.

Nabenta nga si Monique sa matandang kausap ng asawa sa halagang limang milyon. Ngunit biglang nagkagulo at may humablot sa kanyang kamay, paglingon niya, ang tatay niya kaya agad siyang sumama dito. Doon nahuli ng mga pulis sa akto ang bawal na gawain ng mga kalalakihang ito. Halos lahat ng andon, kasama ang asawa niya ay nakulong.

“Tay, a-akala ko talaga mapupunta na ako sa matandang iyon.” hikbi ng babae sa kanyang tatay.

“Hahayaan ko ba iyon? Nagmakaawa nga ako sa kanila para mabigyan ka ng magandang kinabukasan tapos ganon ang gagawin nila sayo? Maling-mali yon at alam kong maling-mali rin ang naging desisyon ko.

Naliwanagan na rin ako anak na mali ang ginawa kong pagkontrol sa buhay mo. Kaya simula ngayon, magsimula ka muli ng sarili mong buhay. Hindi pa huli ang lahat anak, patawarin mo ang tatay.” sambit ng kanyang ama saka niyakap ng mahigpit ang anak.

Kung minsan sa kagustuhan nating mapabuti ang ating mga anak, kinokontrol natin ang buhay nila. Hindi natin alam, imbes na ginhawa ay hirap pa pala ang kanilang haharapin. Mas mabuting hayaan ang mga anak na magdesisyon sa sarili nilang buhay, bilang magulang ay magsilbi na lamang tayong gabay.

Advertisement