Inday TrendingInday Trending
Nang Sinuwerte si Tristan

Nang Sinuwerte si Tristan

Magaling sa pagpapatakbo ng negosyo si Jun. Dinarayo ng mga kustomer ang tindahan niya ng mga prutas sa Sta. Mesa. Sa kanya kumukuha ng paninda ang mga tindero at tindera sa mga palengke. Per kaing ang presyuhan niya, bawat isang kaing ay naglalaman ng iba’t ibang prutas gaya ng mangga, saging, dalanghita, melon, pakwan, avocado at iba pa. Kapag mas malaki ang puhunan ng kukuha ay puwede iyong dagdagan ng iba pang prutas tulad ng ponkan, papaya o kaya mansanas, hati sila sa kikitain ng tindero bawat araw.

Ang problema sa lalaki ay napakasama ng ugali at napakayabang. Mapagmataas rin ito. Napakaliit ng tingin ni Jun sa mga tindero at tindera kahit kung tutuusin ay pareho lamang silang nagtitinda at kung di dahil sa mga ito ay hindi uunlad ang kanyang kabuhayan. Kung minsan kasi ay sumosobra na ito kapag sinisigawan at pinapahiya ang mga tinderong kumukuha sa kanya ng paninda.

“P*tang I*a, Mang Binoy, wala naman kayong masyadong naibawas rito sa kaing na kinuha niyo sa akin ngayong araw, e natulog lang yata kayo sa pansitan!” pasigaw na sabi ng lalaki sa matandang tindero.

“Pasensya ka na Jun, mahina talaga ang benta ng mga prutas ngayon, e. Marami na rin kasing kakumpetensiya sa palengke kung saan ako nagtitinda,” paliwanag ng matanda.

Dumarami na rin kasi ang iba pang tindero at tindera sa palengke kung saan nagtitinda si Mang Binoy. Lalo pa at mas bata at may hitsura ang mga bagong tindero kaya mas maraming bumibili sa mga ito kesa sa matanda.

“Mang Binoy, idagdag mo na itong isangdaang piso sa kita mo. Medyo maayos naman ang kita ko ngayon kaya bigay ko na sa inyo iyan,” wika naman ni Tristan, isa rin itong tindero ng prutas. Lubos na matulungin ang binatilyo.

“Hoy, Tristan, napaka-tanga mo talaga, kita mo ipapamigay mo lang? Nasaan ba ang utak mo, nasa talampakan? Kaya di umuunlad ang mga kagaya niyong mahihirap,” pangungutya ni Jun sa binatilyo.

Imbes na magalit ay napakamot lang sa ulo si Tristan at pinalabas na lang sa kabilang tainga ang sinabi ng lalaki.

Lihim rin na pinagtatawanan ni Jun ang binatilyo dahil sa tuwing nagkukuwento ito sa mga kapwa tindero ay naririnig niya na masyadong mataas ang pangarap sa buhay ni Tristan. Natatawa siya kapag naririnig na magtatapos raw ito sa pag-aaral, ipagtatayo ng magandang bahay ang mga magulang at magtatayo ng sariling kumpanya. Ayaw niya sa mga taong masyadong ilusyunado kaya minsan ay napagsabihan niya ito.

“Hoy, imulat mo nga iyang mga mata mo. Mga mayayaman lang ang mas lalong yumayaman at ang mahihirap ay mananatiling mahirap, iyan ang palagi mong pakakatandaan. Ang mabuti pa ay pagbutihan mo na lang ang pagtitinda ng mga prutas dahil diyan lang nababagay ang mga katulad mong hindi nakapagtapos sa pag-aaral.

Isang araw ay pinuntahan siya ni Tristan sa kanyang tindahan.

“Mang Jun, baka po hindi na ako makapagtinda,” seryosong sabi ng binatilyo.

“Teka, anong sinasabi mong hindi ka na magtitinda?” nagtatakang wika ng lalaki.

“Sapat na po kasi ang naipon ko para maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Nais ko pong magpasalamat sa lahat ng naitulong niyo sa akin. Kung hindi po dahil sa inyong negosyo ay wala kaming ikinabubuhay at hindi rin po ako makakapag-ipon para sa aking pag-aaral,” lahad ni Tristan.

“Hala, shasha! Kung aalis ka, e di umalis ka. Huwag ka na nga lang mag-iisip na bumalik rito dahil hindi na kita tatangapin. Ayoko sa lahat ay umaalis tapos pagkaraan ng ilang araw ay babalik din. Inuulit ko, wala ka nang babalikang trabaho oras na umalis ka na dito,” aniya sa binatilyo.

Mabilis na lumipas ang tatlong taon. Wala ng balita si Jun kung ano na ang nangyari kay Tristan. Sa isip niya ay baka sa ibang supplier na ito kumukuha ng panindang prutas, o baka bumalik na ito sa probinsya at nagtatanim na lang ng kamote o nangangalakal ng basura sa Payatas.

Isang araw ay kinausap siya ni Mang Binoy at nagpapaalam na rin itong hihinto na sa pagkuha sa kanya ng paninda.

“Jun, ito na ang kaing. Huling kuha ko na pala ito sa iyo ng mga prutas,” sabi ng matanda.

Napataas ang kilay ni Jun sa sinabi ng matandang tindero.

“Aba, e saan kayo kukuha ng ikabubuhay? May asawa kayong pinapakain di ba?” tanong niya rito.

“Nagkita kami ni Tristan kanina, may sarili na siyang maliit na kumpanya sa Makati. Kinuha niya ako bilang personal assistant, simula sa Lunes ay doon na ako magtatrabaho at hindi na ako magtitinda. Alam mo ba na nakapagpatayo na rin siya ng magandang bahay para sa mga magulang niya? Napakasuwerte ni Tristan! Kahit kailan ay hindi talaga nakakalimot ang batang iyan, sabi ko na nga ba at magtatagumpay siya sa buhay,” bunyag ng matanda.

Natameme si Jun sa kanyang nalaman. Hindi siya makapaniwala na sa loob ng tatlong taon ay nagmamay-ari na agad ng isang kumpanya ang binatilyong minaliit at hinamak niya noon.

Nagtagumpay si Tristan sa buhay dahil nagtiyaga ito sa pag-aaral at nang makakuha ng magandang trabaho ay agad na na-promote dahil sa husay at talino nito. Mabilis na nakapag-ipon dahil sa malaking kinikita kaya sa loob ng tatlong taon ay nakapagpatayo agad ito malaking bahay at maliit na kumpanya na tumutulong naman sa mga mahihirap na magkaroon ng trabaho. Kahit may narating na sa buhay ay hindi pa rin ito nakakalimot sa kanyang pinagmulan kaya agad rin nitong tinulungan ang kaibigan na si Mang Binoy.

Mali si Jun sa paniniwalang mayayaman lang ang yumayaman at ang mahirap ay mananatiling mahirap, dahil si Tristan ang nagpatotoo na kapag may sipag, tiyaga at pananalig sa Diyos, ang lahat ng pangarap ay makakamtam.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement