Inday TrendingInday Trending
Nag-Canada Lang, Nakalimot Na

Nag-Canada Lang, Nakalimot Na

“O, Jessa, ito ang napagbentahan natin ng ice candy kahapon, pantay ko yang pinarte ha!” ani Joyce, saka binigay ang mga barya.

“Salamat Joyce ha, hayaan mo makakaraos rin tayo, tatlong buwan na lang at graduate na tayo ng kolehiyo! Hindi na tayo magtitinda ng kung anu-ano para lang may maipangbaon!” masiglang ika naman ni Jessa.

Matalik na magkaibigan ang mga dalaga. Simula pa lamang ng kanilang unang taon sa kolehiyo, nakapagpalagayan na ng loob ang dalawa. Dahil nga parehas silang walang masandalan sa kanilang pag-aaral, lagi silang magkasama sa paghahanap ng scholarship pati na rin sa pagbebenta ng kung anu-ano sa loob ng eskwelahan.

At dahil dito, napagtagumpayan nilang makapagtapos ng pag-aaral. Sabay rin silang naghanap ng trabaho, ang kaso lang, dahil medyo mahina ang utak ni Joyce, naunang natanggap si Jessa sa isang kompanya sa ibang bansa.

“Kainis naman kasi e, bakit ba kasi baluktot ang dila ko! Hindi man lang ako nakapagsalita doon sa interview na yon! Edi sana pati sa Canada magkasama tayo!” inis na inis na sambit ni Joyce, pumapadyak-padyak pa ito na parang bata.

“Hayaan mo na, kapag na-regular ako doon, kukunin kita. Hahayaan ko bang mawalay sayo nang matagal? Sa ngayon kumain muna tayo sa labas para i-celebrate ang pag-alis ko!” ani Jessa, dahilan para kumalma ang nagwawalang si Joyce- masaya naman siya para sa kaibigan.

Kalaunan ay nakalipad na nga patungong Canada si Jessa. Noong mga unang Linggo niya roon ay palagi siyang tumatawag sa kaibigan para mangamusta ngunit hindi nagtagal ay dumalang na rin iyon.

“Nakakapagpost naman siya ng picture ng mga kinakain niya o mga nabiling damit, bakit hindi man lang siya makatawag sakin? Hay, pero ayos na rin iyon, ang tagumpay ng kaibigan ko ay tagumpay ko na rin.” ani Joyce.

Nakapagtayo ng maliit na business si Joyce, ito ang bumubuhay sa kanilang pamilya ngayon. Ngunit hindi pa rin matanggal sa isipan niya ang kaibigan. Lumipas ang mga taon at nabalitaan niyang narito na raw sa Pilipinas si Jessa, ni hindi man lang siya sinabihan. Pinuntahan niya ito sa bahay ngunit nagulat siya sa reaksyon nito.

“O, Joyce, bakit ka nandito? Hindi pa dumadating yung isang bagahe ko e, wala pa dito mga pasalubong mo ngayon. Balik kana lang sa isang Linggo.” natatarantang saad ni Jessa, habang nag-aayos ng mga damit sa maleta.

“Ikaw ang ipinunta ko dito, Jessa. Hindi para makakuha ng mga pasalubong mo.” medyo dismayadong ika niya.

“Ah ganon ba, medyo busy pa ako o, balik kana lang. Mag-aayos muna ako ng mga damit ko, nakatambak kasi, nakakahiya sa mga bisitang darating mamaya. Tawagan na lang kita.” pagdadahilan nito, wala nang nagawa si Joyce kundi umalis doon.

Malungkot at dismayado man, inuunawa pa rin niya ang kaibigan. Ngunit lumipas na ang isang buwan, hindi pa rin ito tumatawag. Kaya naman naisipan niyang siya na ang tumawag dito.

“Hello Jessa, kamusta kana? Hindi ka pa rin ba nakakapag-ayos ng mga damit mo? Tagal ko nang hinihintay ang tawag mo e.” wika ni Joyce nang may sigla, ngunit napatigil siya sa umiiyak na boses sa kabilang linya

“Hello Joyce, tulungan mo naman ako. Nandito ako ngayon sa presinto. Napasama ako sa dr*g raid malapit sa amin. Joyce best friend ko, ayokong makulong. Humihingi ang mga pulis ng sampung libo bawat ulo para palayain kami kaso naubos ko na sa pagbili ng ipinagbabawal na g*mut ang pera ko, tapos nadisgrasya pa ngayon.” wika ni Jessa sa kabilang linya habang iyak nang iyak.

Dali-dali namang binuksan ni Joyce ang kanyang alkansya at kinuha ang mga naitatagong pera. Kinuha niya na rin ang kanyang ipon sa bangko at agarang pumunta sa presinto.

“Swerte ng kaibigan mo, kundi ay mabubulok siya dyan habang nililitis ang kaso. Sumunod ka,” ika ng pulis na nakausap niya upang piyansahan si Jessa.

Binuksan nito ang rehas at doon ay nakita niya ang kaibigang nakaposas at puno ng lungkot ang mukha. Agad niya itong niyakap.

“Salamat sayo, Joyce. Sa lahat ng nagawa’t pagkukulang ko sayo noong maalwan ang buhay ko, hindi ko akalaing tutulungan mo pa rin ako.” wika nito habang mahigpit na yakap-yakap ang kaibigan.

“Alam mo, ang tagumpay mo ay tagumpay ko rin, at ang pagbagsak mo ay pagbagsak ko rin. Tahan kana, makakabangon ka ulit, sasamahan kita.Wag mo sanang kalimutan kung saan tayo nagsimula, wag mong sirain ang lahat dahil sa bisyo at pera,” buong pusong ika ni Joyce.

Tinulungan nga niyang makabangon si Jessa. Bumawi naman ito sa pamamagitan ng muling pag ayos sa buhay, hindi na ito nasangkot sa kahit na anong kasamaan. Katunayan ay malago na ang kanilang negosyong restaurant ngayon, magka-sosyo silang dalawa.

www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement