Isang Lalaki ang Hindi Tinanggap sa Trabaho Dahil sa Isang Napakababaw na Dahilan, Ngunit Ito ang Naging Dahilan ng Kanyang Pag-unlad
Si Mr. Ramos na ang may-ari ng R Industries at lahat ata ng mga bagong gradweyt ng kolehiyo ay nais makapagtrabaho dito. Ang sabi nila’y malaki magpasahod dito kahit pa napakahirap ng trabaho.
Ang sabi pa ng iba sa kanila ay tuwing unang interview, sa sampung kataong pupunta upang sumubok, iisa lamang ang swerteng matatanggap.
Kaya naman lahat ng pupunta dito ay magda-damit ng maayos, at ihahanda ang kanilang mga sagot.
Karamihan pa sa mga makakatabi mo sa waiting area ay walang tigil sa inglesan at ramdam na ramdam ang kompetensya para lang makapasok sa kumpanyang ito.
Isang araw, may lalaking pumasok sa R Industries building na naghahanap ng trabaho.
“Magandang umaga ho,” bati nito sa gwardya.
“Sino ho ang pwedeng kausapin kasi maghahanap sana ako ng trabaho,” patuloy na tanong nito.
“Naku, pasensya na ho, bawal ang hindi nakasuot ng business attire dito,” sagot ng gwardya. “Pwede naman ho kayong bumalik bukas,” patuloy nito.
At gayon nga ang ginawa ng lalaking si Mark. Nanghiram siya ng damit sa kanyang mga kamag-anak kaya naman ang pantaas niya’y napakaluwag at ang pantalon niya’y ganoon din.
Ngunit dahil sa siya’y desperadong magkaroon ng trabaho, hinayaan niya na lamang na ganoon ang kanyang itsura.
“Bale deretso ho kayo jan sa may front desk tapos sabihin niyo na para sa interview kayo. Tapos kanan sa may elevator tapos punta kayo sa 9th floor,” magalang na pagsabi ng guard nang itanong ni Mark kung nasaang muli ang opisina.
“Sige ho, salamat ha,” at nagtungo na ang binata sa sinasabing front desk.
Nang siya’y nasa 9th floor na, isang babaeng mala-sekretarya ang dating ang lumapit sa kanya.
“Sir, can I have your resume?” nakangiting tanong nito.
“Ay ito ho,” nakangiti rin namang sagot ng binata.
Nang mapansin ng babae na hindi pa pala nakakatapos ng pag-aaral ang aplikanteng si Mark, ay inaya niya ito sa isang sulok ng opisina para kausapin.
“Sir ganito ho kasi, yung office staff namin ay para lamang sa mga college graduates. Pero meron kaming available sa cleaning staff, kung gusto mo, pwede ka namin doon ilagay for interview,” nakangiting sabi ng sekretarya.
“Ah sige ho miss kung saan ho ako pupwede, okay lang, salamat ho ah,” anito.
“Okay, so, I will schedule you for an interview later at 1pm, pwedeng kumain ka muna ng pananghalian tapos balik ka na lang ulit,” sambit ng sekretarya.
Dahil dalawang daan na lamang ang pera ni Mark ay hindi na lamang siya kumain. Bumalik na lamang ang binata sa opisina at doon nagpalipas ng oras.
Dumating na ang oras ng kanyang interview, at pinatawag na siya sa loob ng isang malaking kwarto.
Doon, nag-aantay ang isa sa mga boss ng kumpanya.
“Magandang umaga ho,” bati ng binata.
“Ah yes, good morning, Mark, tama?” tanong ng boss.
“Oho, Mark po. Mark Asunscion,” pag-klaro ng binata.
“Okay, so you may sit down so we can start with the interview,” nakangiting sagot ng boss.
Maganda ang naging takbo ng kanilang usapan. Naging malinaw kay Mark na isa siya sa magiging janitor ng kumpanya. Ngunit dahil marami ring ibang aplikante ay mausisa munang pipili ang boss na ito sa lahat ng nais maging parte ng kanilang kumpanya.
“Thank you, I think I have everything that I need from you, i-eemail ka nalang namin para sa resulta, okay?” anito.
“Naku sir, wala po akong email,” malungkot na sagot ni Mark.
“Ha? No e-mail? I’m sorry. Pero no e-mail means wala kang identity at hindi pupwede sa amin yun. Mag-apply ka nalang ulit kapag may e-mail ka na,” pagmamataas na sagot ng boss.
Bigong uuwi ang binata. Walang nahanap na trabaho at hindi pa nakaka-kain.
Nagdesisyon siyang bumili na lamang ng prutas sa palengke para kainin paguwi. Nang biglang may nag-akalang binebenta niya ang mga prutas.
“Hijo, magkano ang isang supot niyan?”
“Ah, singkwenta lang ho,” anito.
“Pwede ko bang bilhin nalang at doble ang ibayad ko? Nagmamadali kasi ako kaysa naman pumunta pa ako ng loob ng palengke,” naawa ang binata sa matanda kaya naman binenta niya lamang ito.
Ngunit sa nangyari, ay nakaisip siya ng isang magandang ideya na maaari niya palang mapagkakitaan.
Araw-araw na niyang naisipang bumili ng mga prutas at ibebenta niya ito sa tapat ng kanilang bahay. Napansin niyang dumodoble ang kinikita niya dahil sa paraan niyang ito.
Unti-unti ay dumami na ang mga prutas na kanyang binebenta. Hindi nagtagal, nakapag-pundar siya ng tricycle para mas marami pa siyang mabiling prutas. Araw-araw ay nagdo-doble ang kanyang puhunan.
Hanggang sa ang kanyang maliit na tindahan sa labas ng kanilang bahay ay naging isang grocery store.
Nabalitaan ng isang mayamang boss ang biglang pag-usbong ng grocery store sa kanilang lugar kaya naman ay ninais niyang tingnan ito.
Hindi namukaan ng boss si Mark ng makita itong nakatayo sa kanyang tindahan. Ngunit ang binata ay tandang-tanda pa ang mayamang lalaki na pumasok ng kanyang tindahan.
“Hi good morning, gusto ko sana makusap ang may-ari nitong store – for business sana,” nakangiting bata ng mayamang lalaki.
“Ako ho iyon, ano pong maitutulong ko sa inyo?” nakangiting sagot ni Mark.
“May business proposal sana ako sa’yo, nabalitaan ko kasi na nagawa mo ang lahat ng ito sa loob lamang ng ilang buwan,” sagot nito.
“Ah sige ho, walang problema pwede naman nating pag-usapan,” sambit ni Mark.
“I will just send it via email and then let’s talk about it over coffee if that’s fine,” nakangiting sagot ng mayamang lalaki habang inaabot ang kanyang business card.
“Wala ho akong e-mail. Hindi ko alam kung natatandaan niyo pa ako. Pero ako ho yung hindi niyo pinayagang magtrabaho sa kumpanya niyo dahil lang sa wala akong e-mail. Dahil doon, eto na ho ang mayroon ako ngayon kaya salamat sa inyo,” nakangiting sagot ni Mark na walang halong pagyayabang.
Sa kahihiyan ng mayamang lalaki matapos niyang maalala na isa palang aplikante sa R Industries ang nasa harap niya, tumango na lamang siya at mabilis na umalis.
Nagpapatunay ang kwento ni Mark na kapag ikaw ay isang mabuti at masipag na tao, ang pagunlad ay hindi malayong mangyari sa buhay mo.