Nakakapagtakang Kinukunan ng Lalaki ng Larawan ang Babae Kung Kailan Pangit at Hindi Ito Nakapag-ayos
Magkababata sina Alice at JD, noong unang lipat ng babae sa subdivision ay palagi silang nag-aaway. Pero nang makilala na nila ng lubos ang isa’t isa ay hindi na sila mapaghiwalay, nariyan si Alice noong umiiyak si JD dahil tinuli ito. Si JD naman ang bumili ng napkin ni Alice noong unang beses na magkaroon ng regla ang babae, ganoon sila ka-close.
“Dali, tulungan mo ko paki-abot ng gunting,” sabi ni JD kay Alice. Binubuksan nila ngayon ang padala dito ng ama, nasa abroad kasi ang tatay ng lalaki.
“Eto na, sobrang excited mo naman,” natatawang sabi ni Alice.
“Syempre, ang tagal ko nang inuungot kay Daddy ito no, wow!” napanganga pa ito at saglit na natulala nang makita ang laman ng kahon, nasa bubble wrap pa iyon, isang bagong camera.
“Wow! Astig ka ha, gusto mo talagang maging photographer ano?” tanong niya sa kaibigan, abala na agad ang lalaki na kalikutin ang camera.
“Oo naman, o testing nga natin, smile!” sabi nito sa kanya at itinapat ang camera sa kanyang mukha. Wala namang choice ang babae kung hindi ang ngumiti, medyo nag aalangan lang siya dahil hindi pa siya nakakasuklay at nakakapag-pulbos.
“Nakakainis ka naman, hindi naman ako ready eh! Isa pa, hintayin mo ako dyan mag aayos ako,” napapakamot sa ulo na sabi ng babae.
“Hindi na okay na to. Abusada ka naman buburahin ko rin naman ‘to,” kantsaw sa kanya ng kaibigan.
Simula noon ay palagi nang dala ni JD ang kanyang camera, palagi rin nitong pinipicturan si Alice dahil nagpa-practice daw ito ng magagandang kuha. Ang napapansin lang ng babae, kung kailang hindi siya nakaayos ay doon siya gustong gustong kuhanan ng litrato ni JD.
Mabilis lumipas ang panahon, at ang pagkakaibigan nilang iyon ay nauwi sa pag ibig. Magkaiba man sila ng pinasukang unibersidad para sa kolehiyo ay sabay naman silang nangarap at sabay na inabot ang mga iyon. Hindi naman naging mahirap sa kanila ang lahat dahil magkapitbahay rin sila.
Nang magtagal ng anim na taon ang relasyon ng dalawa ay naisipan na nilang magpakasal, kilig na kilig pa noon si Alice dahil konting galaw niya lamang ay pinipicturan siya ng asawa gamit ang lumang camera nito.
“Huy ano ka ba, dinaig mo pa ang photographer ng kasal natin,” biro niya rito habang nasa reception sila ng kasal.
“Alam mo namang hindi ko na naituloy ang passion ko dahil kumuha ako ng Engineering kaya pag may free time ako ay ito ang ginagawa ko,” nakangiting sabi ng lalaki.
May point naman ito, bigla kasing naisip ng kanyang asawa noon na mas gusto nitong kumuha ng kursong Engineering. Gayunpaman, di naman nito kinalimutan ang first love nito- photography.
Minsan lang ay nagtataka siya, hindi kaya nagsasawa ito dahil tiyak niyang punung-puno na ng mukha niya ang lumang camera nito. Aba’y wala namang ibang ginawang subject ito kung hindi siya. Minsan pag nagde-date sila ay saglit itong kumukuha ng larawan ng mga tanawin pero ibabaling rin agad sa kanyang mukha ang camera.
At tulad pa rin dati, tyinetyempo nitong wala siyang make up.
Pagkalipas ng isang taon ay kabuwanan na ni Alice sa kanyang panganay. Ang asawa niya ay wala pa ring palya sa pagkuha ng mga larawan. Minsan nga, nakakairita na. Kahit kamumumog niya lang, saglit siyang tititigan nito tapos ay kukunin na ang camera.
Dahil na rin siguro sa pagbubuntis ay naging mainitin ang ulo niya, natarayan niya ito.
“Kailan ka ba titigil kagaganyan mo?” masungit na tanong niya rito.
“Kaka-ano?” inosenteng tanong nito.
“Kakakuha ng mga lintik na pictures ko! Kung ikaw hindi ka nauumay ako umay na umay na! Ang papanget pa ng mga picture ko!” nakangusong sabi niya.
“Gusto ko kasi kapag wala kang make up doon ako gandang-ganda sayo,” sabi nito, ipinakita pa pati ang unang unang picture na kinuha nito sa kanya.
“Akala ko ba binura mo na yan?” sabi niya.
“Hindi ah, wala akong balak burahin yan. Kaya nga kita pinicturan diyan para itabi ko,” nahihiyang pag amin nito.
“Bakit mo naman itatabi?” nagtataka pa rin siya.
“Para ipakita sa magiging anak natin kung ano ang itsura ng Mommy niya noong bata pa,”
“Ibig sabihin noon pa lang alam mong ako na?” kinikilig na tanong niya.
Tumango naman ang mister. Di niya alam, dati pa pala siya iniibig nito pero masyado itong naduwag na ipagtapat iyon at naghintay ito ng tamang panahon para sabihin sa kanya. Kaya naman pala isang tawag niya lang ay nariyan agad ito sa kanyang tabi.
Pareho silang natawa nang maramdamang sumipa ang sanggol na nasa tiyan niya, pati ang baby, kinikilig!
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.