Inday TrendingInday Trending
Ibinalita ng Bestfriend ng Babaeng Ito na May Kinakalantari ang Asawa sa Abroad; Nalaman Niya ang Buong Katotohanan Makalipas ang Dalawang Taon

Ibinalita ng Bestfriend ng Babaeng Ito na May Kinakalantari ang Asawa sa Abroad; Nalaman Niya ang Buong Katotohanan Makalipas ang Dalawang Taon

Dalawang taon na ang nakalilipas nang maghiwalay sina Abby at Daniel. Pero hanggang ngayon, dala dala pa rin ng dalaga sa puso niya ang sakit. At bakit hindi? Halos kay Dann umikot ang buong mundo niya, akala niya nga ay ganoon rin ito. Pero bigla na lang nagbago ang lahat nang mag-abroad ito, nangangako pa sa kanya na para raw sa kanila. Kesyo, pag nakaipon raw ay magpapakasal sila. Sus! Kalokohan. Buti na lang, ibinunyag ng bestfriend niyang si Charlene ang mga panlolokong ginagawa nito sa kanya, nasa babae lahat ng ebidensya.

Di niya na naitanong kay Charlene kung paano nito nakuha ang mga larawang iyon basta nanghina na lamang siya nang makita sa mga picture na may kahalikang iba si Dann sa ibang bansa. Tapos tinawagan niya ito, at doon siya nakipaghiwalay. Iyak siya ng iyak noon dahil nadiskubre niya ring nagdadalantao siya nang umalis ito at sosorpresahin niya pa nga sana, pero di na rin niya sinabi dahil baka lalo lang maging mas mahirap ang lahat.

Kung anu anong kasinungalingan pa ang sinasabi ng lalaki pero binabaan niya na ito ng telepono, hindi na nito mabibilog pa ang ulo niya. Tapos noon ay umalis siya sa nirerentahang apartment at lumipat sa iba, nais niyang magsimula dahil bawat lingon niya ay nakikita niya ang alaala ng lalaki at napapaiyak na lamang siya.

Kaya nga ganito na lang ang kaba niya nang malaman kung sino ang magiging partner niya ngayon sa project na gagawin sa opisina. Isa kasi siyang architect, siya ang gumagawa ng plano at syempre kailangan niya ng Engineer para isagawa ang planong iyon.

“Sis, pwede ka namang umatras diyan kung ayaw mo. Baka mabilog na naman ni Daniel ang ulo mo,” sabi ni Charlene sa kabilang linya, kausap niya ito ngayon sa kanyang cellphone.

“No, bakit ko sya tataguan. Siya ang may kasalanan, siya ang dapat mahiya.” matapang na sabi niya.

“Pero wag ka nang maghanap pa ng gulo. Lumayo ka na diyan. Tahimik na ang buhay mo eh,” natatarantang pangungulit nito.

“I can do this. Trust me.” sabi niya.

“Sis, huy!-” pinutol na ni Abby ang tawag, kailangan niyang lakasan ang loob. Kailangan niyang ipakita kay Daniel na kaya niya, kinaya niya. Siya nga ang mag-isang bumubuhay sa anak nila- anak niya lang pala ngayon eh. Tahimik siyang nagpatuloy sa pagda-drive, doon sila magkikita ng construction team sa mismong lugar na aayusin.

Isa iyong lumang bahay, na nais pagandahin ng mga bagong may-ari. Pagdating niya ay napanganga siya dahil wala namang ‘team’ na nandoon, ang tanging nasa loob ng bahay ay walang iba, kundi ang pinakaiiwasan niya at pinaka-hate niyang lalaki..

Si Daniel.

Mataman itong nakatingin sa kanya, may pagkairita sa mga mata nito, lungkot.. pagsisisi..pag ibig? Ah! Inalis niya agad ang bahaging iyon sa isip niya. Taas noo siyang naglakad palapit dito, di siya dapat magpadaig. Di na siya madadala nito sa mga pacute-cute nito.

“Bakit mo itinago sa akin na may anak tayo?” tanong agad nito. Hindi naman siya handa doon, paano nalaman nito?! Sinubukan ni Abby na tapangan ang ekspresyon niya pero dire-diretso ang lalaki, hinawakan siya nito sa baywang.

“Kapag hindi ka nagpaliwanag sa akin, kukunin ko sa’yo ang bata.” pananakot nito. Alam naman ni Abby ang batas na below seven years old ay sa nanay mapupunta pero natatakot pa rin siya sa isiping mawawala sa piling niya ang anak.

“Ang kapal naman ng mukha mo, nanloko ka na nga ikaw pa ang may ganang magsalita sa akin ng ganyan,” pagtataray niya.

“Hindi nga sabi kita niloko! Kailan ka ba makikinig sa akin?” sabi nito at iniabot sa kanya ang isang brown envelope. Naglalaman iyon ng mga litrato kung saan pilit inilalayo ni Daniel sa kanya ang babaeng humahalik dito.

Naroon din ang screenshot ng mahabang text message ni Charlene dito. Sa text na iyon ay sinisiraan siya ni Charlene, sinasabi nito kay Daniel na may iba na siyang lalaki at ipinagpalit na ito.

Nakasulat rin doon na kaya lang siya kinaibigan ni Charlene ay upang mapalapit kay Daniel.

“Hindi ako naniwala sa kanya, pero sinasabi niya lagi sa akin na siya na lang ang piliin ko dahil siya naman talaga ang totoong nagmamahal sa akin una pa lang. Natunton ko yung nagpicture sa amin nung babae noong gabing yon, at napaamin ko na si Charlene ang nag utos na i-set up ako,” paliwanag nito.

Dumating na ang mga manggagawa kaya hindi na sila nakapag usap pa. Pero isang plano ang nabuo sa utak ni Abby. Pinuntahan nila ni Daniel si Charlene at pinagsasampal ito, tapos noon ay hinalikan niya ang nagulat na lalaki sa harap nito, nabigla man ay tumugon rin si Daniel.

“Baka maniwala ka, hinalikan lang kita para asarin si Charlene,” nakairap na sabi niya, ngingiti-ngiti kasi ito kanina pa.

Nang gabing iyon ay ipinakilala niya kay Daniel ang anak nilang dalawa. Nagkaroon sila ng kasunduan na dadalawin ng lalaki ang bata kahit na kailan nito gusto pero ang totoo pala, hindi lang ang bata ang nais nitong makita kung hindi maging siya rin. Pagkatapos ng dalawang buwan ay muling binuksan ni Abby ang puso sa ama ng kanyang anak. Alam niya naman kasing hindi siya tumigil mahalin iyto- napagod lang siya, pero kailanman ay di siya tumigil.

sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement