Kahit Walang Pera ay Pinilit ng Ama na Maibili ng Regalo ang Anak, Lumong-Lumo ang Dalaga sa Nakayanan ng Basurerong Ama at Itinapon Pa Ito
Marami ang humahanga kay Mang Nestor, dahil magmula nang mamayapa ang kanyang asawa ay mag-isa niyang itinataguyod ang anak na si Jemerlyn. Dahil hindi nakapagtapos ng pag-aaral, ang pangangalakal lamang ng basura ang nakayanang pasukan nito nang trabaho nang malugi ang kanilang negosyo noon na pagawaan ng sapatos.
Mahal na mahal ng kanyang ama si Jemerlyn. Kahit pa naghihikahos sila sa buhay ay ginagawa ni Nestor ang lahat para lamang matutustusan ang lahat ng pangangailangan ng anak. Kaya naman nang naalala ni Nestor na nalalapit na ang ika-18 kaarawan ng nag-iisang dalaga ay agad itong kumayod ng ekstra para lamang maibili ang anak ng munting regalo.
“Nako, pansin kong sira na ang sapatos ng anak ko. Noong nakakaraos pa kami sa buhay e halos araw-araw siyang may mga bagong sapatos,” malungkot na bulong ni Nestor sa kanyang sarili habang nagkakalkal ng basura.
Kaya naman lalo pang pinagbutihan ng ama ang kanyang trabaho upang makaipon ng sapat na perang pambili ng sapatos. Halos buong araw at gabi na itong nangangalakal upang kumita. Matapos ang ilang linggo ay nabili na niya ang sapatos sa halagang P300.00, labis pa nga ang kaligayahan niya nang matawaran ito ng hanggang P280.00. Pagkatapos bumili ay agad niya itong ibinalot sa kapirasong papel na binili niya noon pa, nilagyan pa niya ng kapirasong ribbon dahil alam niyang espesyal na araw na ng anak niya.
“Jemerlyn! Happy birthday, anak! Mahal na mahal kita. Pasensiya ka na at eto lang ang nakayanan ni tatay,” sambit ni Nestor habang inaabot ang regalo sa kanyang anak.
“Ano ‘yan?” hinablot ni Jemerlyn ang kahon mula sa kamay ng kanyang ama at agad itong binuksan. Nang makitang sapatos ang laman nito, ibinalibag at tinapakan pa ng dalaga ang regalong pinaghirapan ng ama at saka pagalit na sinabing, “Oo, pasensiya talaga! Aanhin ko ‘yan? Hindi ba sabi ko cellphone ang gusto ko? Hindi ka ba naaawa sa akin? Lahat ng kaklase ko may cellphone na!”
“Pa- pasensiya ka na, anak. Alam mo namang hindi iyon kaya ni tatay. Huwag kang mag-alala, kasi sa panahong makaraos tayo ay sinisiguro ko sa iyong higit pa sa cellphone ang makukuha mo,” utal-utal na sagot ni Nestor dahil nagulat siya nang ibalibag ng kanyang anak ang kahon.
“Kailan pa?! Magmula ng mawala si mama, wala na tayong ibang ginawa kung hindi ang maghirap! Kung inayos mo sana ang negosyo mo dati, edi sana hindi tayo ganito!” sigaw ng malditang anak.
“Alam mo namang nalubog tayo sa utang noon sa pagpapagamot sa mama mo, hindi ba? Kaya nalugi ang bentahan natin ng sapatos. Akala ko naman ay lubos mong naiintindihan,” sagot ng pasensiyosong ama.
“Ah, basta! Ayoko niyan! Itapon mo na lang ‘yan kung gusto mo. Hindi ko kailangan niyan,” patuloy nitong pagmamatigas.
Sa labis na sakit na naramdaman ni Nestor mula sa matalim na dila ng anak, napagdesisyunan nitong umalis sandali at puntahan ang puntod ng kanyang asawa. Nagbihis muna ito ng maayos na damit upang maging presentable sa asawa. Ganoon ang palagi niyang ginagawa sa tuwing pakiramdam niya ay hindi na niya kaya mag-isa ang pagpapalaki sa dalaga.
“Mahal? Kumusta ka na diyan? Pasensiya ka na at eto lang ang nakayanan kong dalhin. Pinitas ko iyang bulaklak na ‘yan munting taniman ko. Nga pala, hindi ko na alam ang gagawin sa anak mo…” ‘di na natapos ni Nestor ang sasabihin dahil tuloy-tuloy nang umagos ang mga luha niya.
Nagpatuloy ito nang mahimasmasan, “Hindi ko maintindihan kung bakit ganito na lang ang galit niya sa akin. Napakalaki ng pinagbago niya magmula nang mawala ka. Sa totoo lang, minsan ay hinihiling ko na kunin na ako ng Maykapal para magkasama na tayo. Pero alam kong hindi pwede, dahil hindi ko kayang pabayaan si Jemerlyn kahit ganoon pa ang trato niya sa akin.”
Hindi napansin ni Nestor na sumundo pala sa kanya si Jemerlyn at tahimik na nakikinig sa mga sinasabi niya sa harap ng puntod ng namayapang asawa.
“Kahit pa hindi ako ang tunay niyang ama, itinuring ko na siyang sariling akin magmula ng ikasal tayo. Mahal na mahal ko kayong dalawa,” wika ni Nestor habang humahagulgol.
Napahawak si Jemerlyn sa kanyang bibig nang dahil sa mga narinig na rebelasyon. Hindi niya na napigilan ang sarili at kinompronta ang kinikilalang ama.
“Ha? Papa?! Anong sinasabi mo?!” umiiyak na wika ni Jemerlyn.
“Anak! Nandito ka pala, kanina ka pa ba?” tanong nito. Nais pa sana niyang pagtakpan ang katotohanan ngunit nalaman niyang narinig na ng dalaga ang lahat.
“Patawarin mo ako kung nilihim ko… Anak ka ng mama mo sa pagkadalaga. Magmula noong ikinasal kami ay itinuring na kitang sariling akin. Kaya huwag ka sanang magalit,” wika ni Nestor habang inaabot ang kamay ni Jemerlyn.
“Bakit?! Bakit ka nagpapakahirap para sa akin kung hindi mo naman ako tunay na anak?” tanong ng humahagulgol na ring si Jemerlyn.
“Kasi nangako ako sa mama mo. Maniwala ka, mahal na mahal ko kayo ng mama mo. Nagsumpaan kami sa araw ng aming kasal na kailanma’y hindi kita pababayaan,” paliwanag ni Nestor.
Tila nanlambot ang matigas na puso ng dalaga. Natauhan siya sa lahat ng pagmamalditang ginawa niya kay Nestor. Iniisip niya pang kung ibang tao iyon ay malamang iniwan na lamang siya sa kung saan nang pumanaw ang kanyang nanay.
Akala ni Nestor ay magagalit muli si Jemerlyn, ngunit nagulat siya nang bigla na lamang itong lumuhod sa kanyang harap at humingi ng tawad.
“Patawarin niyo po ako, hindi ko po sinasadya ang mga pinakita kong pag-uugali. Napakabuti niyong tao. Sigurado ako na kung iba ang nakatuluyan ni mama ay iniwan na lang ako kung saan nang pumanaw siya. Maraming salamat po! Patawad!” hindi na makahinga si Jemerlyn sa labis na pagka-konsensiya.
Matapos mahimasmasan mula sa labis na pag-iyak ng dalawa, napagdesisyunan na nilang umuwi. Nang makarating ng bahay, agad pinulot ni Jemerlyn ang kahon na ibinigay sa kanya kanina ng ama. Binuksan niya ito at agad isinukat.
“Bagay ba, papa? Pangako, pagbubutihin ko ang pag-aaral ko para makabawi ako sa lahat-lahat ng kabutihan mo,” wika ng nagbagong si Jemerlyn.
“Bagay na bagay! Kung nakikita ka lang ng mama mo, nako! Malamang niyakap ka na noon sa labis na saya,” nakangiting wika ni Nestor na tila naiiyak na naman.
“Papa, tama na ang drama! Birthday ko, ‘di ba? Tara papa, kain na po tayo,” wika ni Jemerlyn matapos yakapin muli ang ama.
Matapos ang ilang taong paghihirap ng mag-ama, nakatapos ng kursong Business Administration si Jemerlyn. Iyon ang napili niyang kurso dahil sabi niya ay gusto niyang ipagpatuloy ang naluging negosyo noon ng kanyang ama. Ginawa nga niya ang kanyang sinabi, at sa ngayon ay nagsisimula nang bumenta ulit ang kanilang sapatusan.
Masayang-masaya si Nestor sa naging bunga ng kaniyang pagtitiyaga. Tumigil na siya sa pangangalakal ng basura ayon sa kagustuhan ni Jemerlyn at nagsimula na muling mamahala sa sapatusan. Madalas ay dinadalaw pa rin niya ang puntod ng asawa, kung noon ay luha ng hinagpis ang kanyang dala, ngayon ay luha na ng labis na saya.
Natutunan ni Jemerlyn ang kahulugan ng tunay na pagmamahal, dahil kahit hindi siya tunay na kadugo ni Nestor ay itinuring pa rin siya nitong sariling anak.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!