Ang Pangarap ni Gino
Tiningnan ni Mayumi ang limang taong gulang na anak na siyang nakikipaglaban sa isang malalang sakit – pagkapanganak pa lamang ay may sakit na ito. Bagamat punong-puno ng lungkot ang kaniyang dibdib ay pinipilit niyang maging malakas para kay Gino. Kagaya ng ibang mga ina ay nais ni Mayumi na lumaki ang anak at matupad nito ang mga pinapangarap – ngunit sa kalagayan nito ngayon ay parang imposible na ang naiisip ng ginang.
Kagustuhan pa rin ni Mayumi na matupad ng anak ang pangarap. Hinawakan niya ang kamay nito at nagtanong, “Gino, anak, kahit minsan ba naisip mo kung anong gusto mong maging paglaki mo? Iyon bang pangarap mo sa buhay?”
“Ma, paglaki ko po gustong-gusto ko at sisikapin ko pong maging pulis,” sagot nito na nagbigay ngiti sa mga labi ng ginang.
“Magandang pangarap ‘yan, anak. Gagawan ni mama ng paraan ‘yan ha? Magsisikap si mama para maging pulis ka,” nakangiti pa ring tugon nito saka niyakap ang anak.
Kinahapunan ng araw ding iyon ay ipinabantay ni Mayumi ang anak sa yaya nito – dahil single mother si Mayumi ay siya lamang ang nagpalaki at nagtaguyod sa anak. Pumunta ito sa lokal na istasyon ng pulis sa kanilang lugar kung saan niya nakilala si Chief Lorenzo, ang hepe ng istasyon. Ipinaliwanag ng ginang ang sitwasyon ng kaniyang anak at ang pangarap nitong maging isang pulis. Itinanong ng ginang kung maaaring mapagbigyan ng kapulisan sa istasyong iyon ang ambisyon ng kaniyang anim na taong gulang na anak na maging pulis.
Dahil sa kabutihan ng Diyos at pagiging mapagkawang gawa ni Chief Lorenzo ay nakipagkasundo siya sa ginang.
“Misis, lubos ho kaming magagalak kung mapagbibigyan namin ang pangarap ng inyong anak. Sa Biyernes ho kung maaari siyang lumabas ng ospital ay ipapasyal ho namin siya dito sa istasyon at pati na sa bayan. Kakain siya kasama namin, rersponde sa mga malilit na misyon kasama namin, mamumuhay siya bilang pulis sa isang araw!” masiglang sambit ng hepe sa ginang.
“At siya nga ho pala, pakisulat na lang ho rito ang pangalan niya para sa name plate, at ang estimasyon ng kaniyang size para ho mapagawan namin siya ng uniporme, kami na rin ho ang bahala sa sapatos kaya pakilagay na rin ho ang size ng paa n’ya riyan. Pagkatapos ho ng araw ay bibigyan din namin siya ng chapa para maging remembrance. Mamadaliin lamang ho ang pag gawa no’n para makaabot sa Biyernes,” nakangiting dagdag pa nito habang iniaabot ang isang maliit na notepad.
Tatlong araw ang nakalipas at sinundo ng hepe kasama ang ilan pang pulis si Gino at ang kaniyang ina.
Ipinasuot sa batang lalaki ang kaniyang uniporme at sapatos, at saka na sila sumakay sa police mobile.
Sa pagkakataong ‘yon ay walang mapagsidlan ng kaligayahan si Gino – at doble naman ang nararamdamang kasiyahan ng kaniyang ina. Masayang masaya ang bata sa bawat ituturo sa kaniya ng hepe, at masigla itong nakikipag-usap sa iba pang mga pulis.
Nang makatapos mag-ikot sa bayan ay dumiretso ang lahat sa istasyon ng mga pulis. Doon ay naghanda sila ng kaunting salu-salo para kay Gino – may mahabang lamesa na nakahanda at iba’t-ibang pagkain na tiyak magugustuhan ng batang lalaki. Masayang nagsalu-salo ang lahat, at matapos ang masarap na pananghalian ay dumating ang mga reporter upang itampok ang istorya ni Gino sa mga lokal na dyaryo.
Dahil sa pagmamahal at suporta ng kaniyang ina at lahat ng nagmamahal kay Gino, pati na rin ang isang araw na naging katuparan ng kaniyang pangarap na maging pulis ay tumagal pa ng tatlong buwan ang buhay nito – wala ni isang doctor ang makapagpaliwanag kung paano ito nangyari ngunit laking pasasalamat ni Mayumi sa Diyos sa binigay pang panahon sa kaniyang anak.
Bagamat nagkaroon ng maikli pang panahon si Mayumi na makasama si Gino, isang gabi ay bigla na lamang tumamlay ito. Nang tingnan ng doctor ang kaniyang kalagayan ay bumaba lahat ang vital signs nito at ibinalita sa ginang na wala na silang magagawa kung hindi ang hintayin ang pamamaalam ng batang lalaki.
Labis ang pighati sa puso ni Mayumi sa mga oras na iyon ngunit sa kabila ng kalungkutan ay naisip pa niyang mapasaya sa huling sandali ang anak. Tumawag ito kay Chief Lorenzo at ibinalita rito ang kalagayan ni Gino.
“Pupunta na kami agad d’yan, misis. Paki-abisuhan na lamang ang mga tao r’yan sa ospital na kapag dumating kami ay huwag silang mataranta, nais lang naming bisitahin ang pinakamagiting na pulis na aming nakilala…” sambit ng hepe sa kabilang linya at saka na ibinaba ni Mayumi ang tawag.
Makalipas ang humigit kumulang limang minuto ay narinig ang mga yabag mula sa labas ng kuwarto kung saan naroon si Gino. Agad na pumasok ang mga pulis sa pangunguna ng hepe at saka ito lumapit sa noo’y matamlay na batang lalaki. Sa pahintulot ni Mayumi ay niyakap ng mga pulis na naroon si Gino at sinabi ng mga ito ang kanilang huling mensahe para sa bata.
Sa huling sandali ay muling niyakap ni Chief Lorenzo ang bata. Tumingin si Gino sa hepe at saka ito buong lakas na nagtanong. “Pulis na ho ba talaga ako?”
“Oo, Gino. Katunayan ay isa ka sa mga pinakamatatapang na pulis na nakilala namin,” tugon ng hepe. Matapos ang sandaling iyon ay si Chief Lorenzo na ang nagprisintang magpatulog sa bata – natulog nang nakangiti si Gino sa huling pagkakataon.