Inday TrendingInday Trending
Saan Ako Nagkulang?

Saan Ako Nagkulang?

“Maligo ka na Julie at baka mahuli ka sa eskwela,” lingon ni Tina sa kaniyang anak na walong taong gulang. Kumagat pa muna ito ng huli sa tinapay saka ngumiti sa kaniya at dumeretso na sa banyo. Ibinalik ni Tina ang kaniyang atensyon sa kaniyang niluluto. Pasukan na naman kaya mas magiging abala mula si Tina. Sa umaga ay gigising siya nang maaga upang magluto ng panindang banana cue at pang almusal ni Julie. Pagkahatid sa bata ay pupwesto na ito malapit sa eskwelahan at magtitinda.

Mabait na bata si Julie. Masunurin ito sa kaniyang nanay at masipag mag-aral. Kahit walang katuwang si Tina sa pagtataguyod sa nag-iisa niyang anak ay kitang-kita na hindi nia ito napapabayaan. Lumalaki itong maayos at may respeto sa kapwa.

“Nay! Nay!” napalingon si Tina sa kaniyang anak na tumatakbo papunta sa kaniya. Tumayo siya upang sana salubungin ang anak ngunit nakarating agad ito sa harap niya. “Nay! Nakaperpek ako sa pagsusulit namin!” napangiti si Tina sa narinig. Tila napawi ang lahat ng pagod niya sa narinig.

“Wow ang galing naman ng anak ko. Patingin nga niyan,” tuwang-tuwa si Tina habang nakatingin sa papel. “Dahil diyan, maaga tayong uuwi ngayon,” baling niya sa anak.

“Pero ‘nay, hindi pa ubos yung paninda niyo,” tila may pag aalinlangan na sagot ni Julie sa kaniyang nanay.

“Okey lang yon, anak. Kaunti nalang naman ‘to. Gusto mo bang kumain tayo sa labas ngayon?” tanong ni Tina sa anak ngunit tumanggi ito.

“Hindi ko naman po bertdey ‘nay. ‘Di ba mahal ang pagkain dun sa mga restawran? Edi mauubos ang pera natin? Saka, alam mo ‘nay, mas masarap ang luto mo kaysa kanila.”

Natawa naman si Tina sa tinuran ng anak. Nagpapasalamat siya na naiintindihan ng anak niya ang kanilang kalagayan at hindi ito nagpipilit na makakuha ng mga maluluhong bagay kagaya ng ibang mga bata.

Nagpatuloy sa ganoong buhay ang mag-ina hanggang sa magtapos ng elementarya si Julie. Bagamat hindi ito top sa klase, mataas pa rin ang kaniyang mga grado. Nagpapasalamat pa rin si Julie dahil nakikita niyang nagsisikap ang anak upang makapagtapos ng pag-aaral.

“Congratulations! Pinagmamalaki kita dahil napakabait mong anak. Napakasipag mo pang mag-aral at wala kang ibinigay sa akin na sakit ng ulo. Ituloy-tuloy mo lang iyan at siguradong magtatagumpay ka sa buhay anak,” tila maiiyak na na sambit ni Tina sa anak. May suot itong puting toga at sombrero. Niyakap niya ang anak at gumanti rin ito ng yakap sa kaniya.

“Wag kang mag-alala, ‘nay. Magtatapos ako ng pag-aaral ko at pag nangyari ‘yon ay giginhawa na ang buhay natin.”

Hanggang sa tumuntong ng high school si Julie. Nanatiling ganoon ang mag-ina. Naging maayos ang pag-aaral ni Julie habang nagtitinda pa rin si Tina ng banana cue. Ngunit dahil nga high school na si Julie ay mas magastos ito kaysa noong siya ay nasa elementarya, napagpasyahan ni Tina na tumanggap ng labada upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang anak.

Minsan ay maghahatinggabi na siya makakapagpahinga dahil saka pa lamang siya mag uumpisa ng labada kapag naubos na ang kaniyang paninda. Dahil doon ay nairaraos niya ang pag-aaral ng anak at ang pang araw-araw nilang gastusin. Ngunit hindi niya napapansin na nawawalan na siya ng oras sa kaniyang anak.

Nasa ikaapat na taon na ng high school si Julie. Kaunti na lamang ay pwede na munang bitawan ni Tina ang paglalabada dahil madalas na siyang nagkakasakit dahil sa sobrang pagod ngunit pinipilit niya pa ring magtrabaho para sa anak.

Isang araw ay umuwi si Julie habang naglalaba si Tina.

“’Nay kailangan ko po ng pera bukas, limandaang piso para sa project namin. Kailangan na kailangan daw po yun kundi ibabagsak daw po kami…“ salubong kaagad nito. Ni hindi man lang nag-mano sa kaniyang ina. Napagpalagay ni Tina na baka marami lamang gagawin ang anak kaya hindi na nagawang bumati nito sa kaniya nang maayos.

“Sige anak, kumuha ka na lang d’yan sa kabinet. May naitatago pa naman ako diyan,” sigaw ni Tina upang marinig siya ni Julie. Masyado na kasing maingay ang kanilang washing machine dahil sa kalumaan.

Kinabukasan ay maagang umuwi si Julie kasama ang ilang mga kaklase. Tila gulat ito nang makita siya sa bahay. “O, ‘nay? Maaga ho yata kayo ngayon,” sabi niya kasabay ang alanganing ngiti.

“Hindi kasi muna ako nagbenta ng banana cue ngayon. Mas malaki ang kita ko dun sa paglalaba eh. Bakit ang aga mo naman ngayon? Wala na ba kayong klase?” sambit niya saka ibinalik ang atensyon sa mga isinasampay na mga damit.

“A-ah meron ho. Kukuha lang ako ng ilang damit. May dula-dulaan kasi kami ngayon at nakalimutan kong kumuha ng costume,” sambit niya sabay deretso nito sa kwarto. Ilang sandali lamang ay lumabas na ito, dala ang isang bag.

“Ang dami naman yata niyan, anak. Baka mabigatan ka riyan.”

Hindi na ito sumagot at nginitian lang siya nito saka umalis kasama ang kaniyang mga kaklase. Tinapos ni Tina ang labada hanggang hindi niya na namalayan ang oras. Alas otso na pala ng gabi ngunit hindi pa rin umuuwi si Tina. Nag-aalala na siya. Kinuha niya ang kaniyang lumang cellphone saka tatawagan na sana ang anak nang makita ang mensahe nito sa kaniya. “Nay may tinatapos lang kaming project. Di muna ako makakauwi. Bukas na kasi kailangan ‘to.”

Bagamat puno pa rin ng pag-aalala ang puso ni Tina ay inintindi niya na lamang ang sitwasyon. May tiwala siya sa kaniyang anak kaya hinayaan niya na lang ito at ipinagdasal na sana ay nasa mabuting kalagayan ang kaniyang anak. Nag-ayos na lang siya nang kaunti sa bahay saka napagpasyahang matulog na.

Nagising si Tina na mabigat ang dibdib. Tila kinakabahan siya. Una niyang naisip ang anak. Wala pa rin ang anak niya sa kaniyang tabi. Sinilip niya ang orasan saka niya nakitang alas kwatro pa lamang ng umaga. Ganong oras naman talaga ang madalas niyang gising ngunit iba ang pakiramdam niya ngayon.

Marahil dahil unang beses na hindi niya katabing matulog ang kaniyang anak. Isinawalang bahala na lamang ni Tina ang kaba saka nagsimulang maghanda ng kaniyang paninda para sa araw na iyon. Sumisilip na ang liwanag at patapos na rin siya sa kaniyang pagluluto nang marinig niyang tumunog ang kaniyang cellphone. Sinagot niya ang tawag kahit hindi kilala ang numero.

“Kayo ho ba si Tina Cruz? Nanay ni Julie Cruz?” sabi ng hindi kilalang boses mula sa kabilang linya.

Kahit na kinakabahan ay kinumpirma ito ni Tina. “Ako nga. Bakit ho? Sino ho sila?” sagot niya sa lalaki.

“Ang anak niyong si Julie Cruz ay kasama ho sa mga naaksidente ang anak ninyo. Papunta ho ng Baguio ang anak ninyo kasama ang anim pang menor de edad nang mawalan ho ng control ang drayber at mahulog ang sasakyan sa bangin. Wala hong lisensya ang kasama nilang nagmamaneho na wala pa rin ho sa tamang edad. Ginawa ho namin ang lahat para maisalba ang anak ninyo, misis. Ngunit sa kasamaang palad ay kasama siya sa mga nasawi. Pasensya na ho. Nakikiramay kami,” natutop ni Tina ang bibig. Derederetso ang tulo ng luha sa kaniyang mga mata. Ni hindi niya na narinig pa ang mga kasunod na sinabi ng nasa kabilang linya dahil nabitawan niya ang telepono sa sobrang panlulumo. Hindi siya makagalaw sa sobrang sakit na kaniyang nadarama.

Ang kaniyang anak na sobra niyang iniingatan ay mawawala lamang nang ganoon kadali. Hindi niya matanggap. Napakabigat ng dibdib niya at tila hindi siya makahinga. Paikli nang paikli ang habol ng kaniyang hininga habang palabo din nang palabo ang kaniyang paningin. Naisip niya ang mga sandaling kasama niya pa ang anak. Naisip niya ang mga pangako nito sa kaniya na magtatapos ito at giginhawa ang kanilang buhay.

Akala niya ay mangyayari ang lahat ng iyon ngunit ngayon ay malabo na. Malabong-malabo. Pumikit siya nang mariin at malalim na suminghap ng hangin ngunit wala. Masyado itong natabunan ng bigat sa kaniyang dibdib. Hanggang hindi niya namalayan na iyon na pala ang huling hangin na kaniyang ihihinga.

Sa kanyang pagdilat, puting-puting mga ulap ang bumungad sa kanya. Hindi pa rin nawala sa isip niya ang nangyari sa anak niya. Nang bigla na lamang…

“Mama? Mama! Mama ko!” sigaw ng isang pamilyar na boses sa hindi kalayuan.

“A- anak? B- buhay ka?” anito.

Matapos magyakapan ng dalawa at makahingi ng kapatawaran sa isa’t-isa, napagtanto ng ina na pareho na silang nasa langit ng kanyang anak. Sa lugar kung saan hindi na nila iindahin ang hirap ng buhay sa lupa at kapiling pa rin nila ang isa’t-isa.

Advertisement