Nagkakilala si Joana at si Deonel sa isang text lamang, dahil nauso noon ang textmate. Ibiinigay ng kaibigan ng dalaga ang numero niya kay Deonel, nag usap sila at nagkapalagayan na ng loob. Mabilis niya lang itong sinagot, katwiran niya, doon rin naman ang uwi ng lahat diba?
Masaya namang kausap ang lalaki at hindi pumapalyang tawagan siya. Kung wala na silang maisip na pag-usapan ay kinakantahan niya ito at gano’n din si Deonel sa kanya kahit medyo boses palaka ang lalaki. Pero ayos na, inlove siya eh.
Mabilis na lumipas ang panahon at ngayon ay anniversary na ng dalawa. Nakaraos ng tawag at text lang ang komunikasyon.
“Kailan kaya kita makikita, Mahal? Isang taon na rin tayong nagkakausap sa cellphone pero hanggang ngayon ay tanging litrato mo parin ang nakikita ko.” reklamo ng lalaki.
“Magkikita tayo kapag pumunta ka dito,” maiksi niyang sagot.
Kahit siya ay sabik na nang makita ang nobyong sa litrato lang niya nakita. Hindi pa gano’n kalinaw dahil ang labo ng pagkakakuha. Malabo na nga, parang labag pa sa loob nito ang magpa-picture.
“Hayaan mo Mahal, basta hintayin mo lang ako ah. Pangako, pagka-graduate ko pupunta ako sa Manila para makita ka. Isang taon nalang din naman e,” anito.
Hindi man niya nakikita ang lalaki ay alam niyang nakangiti ito ngayon habang binibigkas ang binibitawan nitong pangako.
“Pangako, hihintayin kita Mahal.”
Mabilis ulit lumipas ang panahon, hanggang isang araw may natanggap si Joanna na isang mensahe sa hindi niya kilalang numero.
Wala sa loob na bigla siyang nanghina at nanlamig sa nabasaa, mula raw sa nagpakilalang girlfriend ni Deonel.
Agad naman niyang ipinasa ang tinext ng babaeng nagpakilalang Karen kay Deonel, maya-maya lang ay tumawag agad ang nobyo. Natutuliro at natataranta ang boses nito.
“Totoo ba? Totoo ba na may girlfriend ka d’yan at magwa-walong buwan na kayo?”
“Mahal-”
“Huwag mo akong ma-mahal, mahal Deonel! Sagutin mo ang tinatanong ko sa’yo. Totoo ba?” pigil ang luhang wika niya.
“T-totoo,” mahinang wika nito na sapat lang upang marinig niya.
Agad nag-unahan ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Kahit na sabihing hindi naman niya nakasama ang lalaki ay napamahal parin ito sa kanya.
“Mahal mo siya?” umiiyak niyang wika.
“Oo, kasi malapit siya sa’kin.”
Ramdam na ramdam niya ang kirot na biglang gumuhit sa kanyang puso. Ang sakit marinig mula sa lalaking nagmahal ito ng iba dahil nasa malayo siya. At ang mas masaklap ay wala siyang magawa kundi ang umiyak nalang.
“Pero mas mahal kita Joana, kahit nasa malayo ka,” dugtong nito.
“Hindi din,” bigkas niya habang himihikbi. “Kasi kung totoong mahal mo ako magiging sapat ako sa’yo. Kung talagang mahal mo ako, hindi ka magmamahal ng iba.”
“Nahirapan ako, kasi ang layo mo sa’kin.”
“Hindi Deonel, hindi iyon sapat na dahilan para magmahal ka ng iba at kalimutan ang mf\ga ipinangako mo sa’kin.” naririnig niya din ang paghikbi nito sa kabilang linya. “Bakit, ikaw lang ba ang nahirapan? Ikaw lang ba ang nakakamiss, paano ako?
Nahihirapan din ako, kasi ang layo mo, nahirapan din ako kasi kapag kailangan kita wala ka. Pero naghanap ba ako ng iba? Inisip ko bang palitan ka? Kaya huwag mong sabihin sa’kin na mas mahal mo ako, dahil kung totoong mahal mo ako. Magiging kuntento ka sa’kin.”
“Joana–”
“Itigil na natin ‘to. Mahalin mo ang babaeng mas nakakasama mo ngayon.” iyon lang at pinatay na niya ang tawag nito.
Tumatawag pa rin ito ngunit pinatay na niya ang kanyang cellphone upang hindi na siya nito makausap. Iniiyak niya nang iniiyak ang sakit. Ngayon lang ‘to. Lilipas din ang lahat at babalik sa normal ang buhay niya.
Pilit niyang kinakalimutan si Deonel, dahil iyon ang tama. Kahit na minsan ay nami-miss niya ang boses nitong palaka, ang mga sweet messages nitong paaalalahanan siyang mag-ingat palagi. Tuwing umaga ay agad niyang tinitingnan ang cellphone at umaasang may mensaheng matatanggap mula kay Deonel, ngunit nganga!
Isang gabi habang pauwi siya galing sa trabaho at nakatulala habang naglalakad ay bigla siyang may nabanggang isang matangkad na lalaki.
“Ay, sorry po.” hinging paumanhin ni Joana at magpapatuloy na sana sa paglakad nang biglang nagsalita ang lalaki.
“Ayos lang Joana, kulang pa ang pagbangga mo sa’kin sa nagawa kong kasalanan sa’yo.”
Agad na nagsalubong ang kilay niya sa pamilyar na boses na iyon. Nilingon niya ito at tiningala, bakit ka-boses nito si Deonel? Sabagay, malabo kasi ang mga litrato ng dating nobyo na nakikita niya,
“Kumusta kana? Bakit hindi ka pumunta sa graduation ko?” sambit nito.
“D-Deonel?”
Ngumiti naman ito at walang pasabing inabot siya upang yakapin ng mahigpit. “Ako nga. Ako nga ito Joana.”
“Sorry, sorry. Alam kong hindi magiging sapat iyon para mapatawad mo ako. Pero please, tanggapin mo ako ulit. Hindi ko kayang mawala ka, totoong mahal na mahal kita Joana.”
“Pero ‘di ba may mahal ka nang iba?”
“Noong huli tayong nag-usap, iyon na rin ang katapusan ng relasyon namin. Mas kaya kong wala siya, pero hindi ko kaya noong hindi kana nagparamdam. Ang lungkot ko, hinahanap ko ang text at tawag mo. Parang gusto ko nang hilain ng mabilis ang oras at araw para grumaduate na ako at mapuntahan na kita. Hinintay kita noong graduation ko, pero hindi ka naman pumunta.”
“Anong gagawin ko doon? ‘Di ba nga hiwalay na tayo,”
“Joana,” sambit nito sa pangalan niya.
“Bakit?”
“Magsimula tayo ulit, pwede ba?”
Tinitigan niya ang mga mata ni Deonel, binabasa kung totoo ang lahat ng sinasabi nito saka nagsalita. “Alam mo bang, hindi ka pa humihingi ng tawad ay napatawad na kita. Ganoon nga siguro kita kamahal, sana naman hindi mo na gagawin ulit ang ginawa mo noon. Pagkakatiwalaan kita ulit, sana ingatan mo na ‘yon.”
“Hindi ako mangangako, kasi baka mabigo na naman kita. Pero gagawin ko ang lahat Joana, kasi ayokong mawala ka sa’kin. Hindi ko kaya,” punong-puno ng emosyon nitong wika saka siya niyakap at ginawaran ng halik sa labi.
Hindi masamang magpatawad at bigyan ng isa pang pagkakataon ang taong mahal mo, lalo na kung iyon ang gusto ng puso mo. Sa mga taong nakakuha naman ng 2nd chance, please lang kapatid, huwag na huwag sasayangin.