Matagal nang kursunada ni Leroy si Katleya, ngunit bukod sa suplada ito ay masungit pa ang babae pagdating sa kanya. Hindi niya alam kung bakit ang laki ng problema nito dahil lagi itong nakabusangot at nakaismid kapag siya na ang nakakaharap.
May disco sa baryo nila at ang lahat ay abala para sa masayang sayawan mamayang gabi. Lahat ng kadalagahan ay maagang naligo upang makapaghanda, pati mga kalalakihan ay sabik din sa kasiyahang tuwing fiesta lang nagaganap. Marami kasing makikilala roon, ang karamihan nga sa lugar nila ay doon nakahanap ng mapapangasawa.
“Leroy, bakit hindi ka pa naghahanda? Mamayang alas sais na ang disco,” kausap sa kanya ni Janjan, ang kanyang kaibigan.
“Mag-iigib pa ako sa bahay Jan, alam mo naman. Lalaki tayo, kahit batak na sa trabaho taga-igib pa rin pagdating sa bahay.”
“Sus! Manager kana, dapat magpalagay kana ng tubig sa bahay niyo para hindi kana nag-iigib pa,” sagot naman nito na ikinatawa niya.
“Saka nalang. Kulang pa sa budget,” aniya.
“Basta Leroy, kitakits nalang tayo mamaya sa disco ah.”
Umismid siya dahil wala siya sa mood na umattend. Ano naman ang gagawin niya sa loob? Magbabayad lang siya para maupo at inom-inom kunwari ng juice na lasang tubig lang naman talaga. “Sige lang Jan, enjoy mo nalang ‘yan.”
“Ano ka ba! Nandoon mamaya si Katleya, narinig kong nag-uusap sila ng mga kabarkada niya.”
Agad namang nabuhay ang dugo niya nang marinig ang pangalan ng babae. “Gano’n ba?”
“Oo, kaya dapat nandoon ka. Kung hindi ay baka magsisisi ka kapag naisayaw siya ng iba.”
Ngumisi siya ng makahulugan at parang biglang ginanahan ang kanina lang ay matamlay niyang diwa.
Kinagabihan.
Makikita ng mga tao sa labas, ngunit may bakal na nakaharang kaya hindi madaling makapasok sa loob ng disco. Kailangan talagang dumaan ka sa entrance at magbayad ng bente para matatakan ka- iyong tipong kahit sabuni mo ng maigi ay hindi basta-basta nawawala.
Agad na hinanap ng mga mata niya si Katleya na agad naman niyang nakita sa mga gilid at nakaupo. Nag-iisa lang ito at mukhang may ka-sayawan na ang barkada. Agad niya iting nilapitan upang kausapin.
“Hi Kat,” nakangisi niyang wika. Ngunit talagang badtrip yata ito sa kanya kaya agad na bumusangot ang mukha nito. “Huwag kang bubusangot, papangit ka niyan.”
“Tse! Pwede ba Leroy, huwag ako ang kausapin mo. Alam mo naman na sumasama ang timpla ko kapag nakakaharap kita,” masungit nitong wika.
“Grabe ka naman sa’kin. Hindi naman ako pangit bakit sumasama ang timpla mo?”
Umikot ang mga mata nito sa sinabi niya. “Alis na, doon ka nalang mambola sa iba.”
“Sayaw naman tayo Kat,” paanyaya niya.
“Ayoko! Hindi kita type, hindi ko type ang pangmatanda mong galaw.”
Natawa siya, “Hindi mo pa nga ako nakikitang sumayaw, nahusgahan mo na kaagad.”
“Basta, ayoko ngang makasayaw ka. Kahit makausap ka ay ayaw ko,” naiirita nitong wika.
Nakatitig lang siya, nagtatanong ang mga mata.
“Alam ko kasi ang karakas mo pagdating sa mga babae kaya ayokong mapalapit sa’yo.Kaya alis na,” pagtataboy ulit nito.
Tumahimik muna siya saglit dahil nasaktan siya sa pagtataboy ni Katleya. Hindi naman siya chickboy pero bakit sinasabi nitong alam nito ang karakas niya pagdating sa babae? Kahit ang maisayaw ito ay hindi niya magawa, grabe talaga ang inis nito sa kanya sa hindi niya malamang dahilan.
Kinapa niya ang kanyang bulsa upang kumuha ng panyo, nang may makapang limang piso. Iyon lang ang laman ng kanyang bulsa? Kawawa naman siya, hindi man lang iyon makapambili ng softdrinks para ibigay niya sa babae. Ibabalik na sana niya iyon nang biglang maisip na biruin ito.
“O,” abot niya sa kamay nito at ibinigay ang limang pisong nakuha sa bulsa.
“Ano naman ito?”
“Limang piso, bayad ko sa’yo para lang maisayaw kita.” biro niya lang iyon, alam naman niyang hindi ito matatawa sa halip ay mas lalo pa itong maba-badtrip sa kanya.
Ngunit nagkamali siya sa naisip dahil bigla itong humalakhak, pilit nitong pinigilan pero lalong luambas ang tawa nito.
“Anong akala mo sa’kin isang karera machine na hindi tatakbo ang mga kabayo kapag hindi nahuhulugan ng barya? Siraulo ka ah,” wika nito at pahampas na ibinalik ang kanyang limang piso.
Nang mahimasmasan ay muling umirap ang babae.
“Hmm, akala ko kasi gagana.” kunwari ay dismayado niyang wika. “Wala kasi akong ibang pera, kaya ito nalang sanang limang piso ang ibibigay ko sa’yo upang bilhin ang pag-ibig mo. Babayaran ko nalang ng pagmamahal ang ibang halaga.” nakita naman niya kung paano natulala si Katleya kaya nagpatuloy siya.
“Alam kong hindi ko mababayaran ng pera ang pag-ibig mo, lalo na’t hindi naman ako mayaman. At alam kong hindi ka naman gano’ng klaseng babae. Gusto ko nga sanang bilhan ka ng softdrinks pero iyan nalang pala ang pera ko, sinusubukan ko lang ang lahat para mapansin mo ako. Gusto kasi talaga kita Kat.”
“Ano bang pinagsasabi mo?”
“Gusto ko lang na bigyan mo naman ako ng chance na ipakilala ang sarili ko sa’yo. Malay mo baka, pwede mo rin akong mahalin? Magkano ba ang pag-ibig mo? Pwede ba akong mag-down ng limang piso?”
Sa sinabi ay biglang lumambot ang mukha ni Katleya at natawa ng mahina. “Paano kung limang milyon ang pag-ibig ko? Bibilhin mo pa rin ba?”
“Ang mahal naman pala ng pag-ibig mo Kat,” aniya na lalong ikinahalakhak nito. “Sige, bibilhin ko. Basta usapan, mag-dodown muna ako ng limang piso ngayon. Hulog-hulogan ko nalang ang iba upang umabot ng limang milyon.”
“Haha. Ewan ko sa’yo! Ang corny mo, halika na nga. Sayaw na tayo,” hinila na siya ni Katleya patungo sa gitna ng bulwagan.
“Ibig bang sabihin, sinasagot mo na ako?”
“Depende sa performance ng sayaw mo,” nakangising wika ng dalaga.
Ang dating supladang si Katleya, ngayon ay masaya na sa piling niya. Isang taon na mula noong nag-down siya ng limang piso para sa pag-ibig nito at hanggang ngayon ay hindi pa niya iyon nababayaran lahat. Pero araw-araw niyang ibinibigay rito ang interes at tubo– walang iba kundi ang kanyang tunay na pagmamahal sa babae. Hindi niya akalaing, dahil sa limang piso. Napalambot niya ang mabangis na tigre!