Inday TrendingInday Trending
Isang Hamak na Kabit

Isang Hamak na Kabit

Isang malaking kasalanan ang makiapid. Mali ang manira ng pamilya. Pero kasalanan bang magmahal, kahit alam mo naman na pangalawa ka lang?

Si Gina ay isang single mom sa edad na trenta’y uno. Naghiwalay sila ng asawa niya dahil nagkaroon ito ng ibang babae, at mas pinili nito ang pangalawa kesa sa kanya. Kaya kinasusuklaman niya ang mga babaeng pumapatol pa rin kahit na may asawa na ang lalaki.

Ngunit isang araw nakilala niya si Samuel na babago ng buhay at paniniwala niya.

“Hi Love, kumusta kana?” masaya niyang kausap sa kabilang linya.

“Ayos lang Love, ito pagod sa opisina. Hay, kung pwede lang kitang puntahan ngayon ay ginawa ko na. Alam mo naman na ikaw lang ang nagpapasaya sa’kin,” malungkot nitong wika.

“Hmm, hayaan mo na Love. Magkita nalang tayo sa susunod na araw, d’yan kana muna sa pamilya mo. Nakakausap mo naman ako ngayon e,” pilit niyang pinapagaan ang loob ni Samuel.

“Pasensya kana Love ah, hayaan mo babawi nalang ako. I love you,” malambing nitong wika.

“Naiintindihan ko Love. I love you too.”

Alam niya ang lugar niya sa buhay ni Samuel, galit na galit siya sa mga babaeng nakikiapid noon, pero ngayong siya naman ang nasa sitwasyon ay masasabi niyang hindi rin pala madali.

Ang hirap mahalin ng lalaking may asawa at pamilya na. Kailangan niyong magtago ng maigi upang hindi sila mahuli, triple rin ang pag-iingat nila upang walang maiwang ebidensiya. Ni minsan ay hindi niya naisip na malalagay siya sa ganitong sitwasyon, kahit sinong babae ay hindi pinangarap na maging pangalawa lang sa taong mahal nila.

Mabait si Samuel, ibinibigay nito sa kanya ang lahat. Pinagaan nito ang kanyang buhay dahil siyang mag isa lang naman ang kumakayod para sa anak niya.

May schedule ang pagkikita nila. Limitado lamang ang oras, pero sa loob ng limang taon nilang relasyon ay hindi siya nagreklamo minsan man kay Samuel. Sapat na sa kanya ang makasama ito kahit sandali lang, sapat na sa kanyang malaman na mahal siya nito kahit may asawa ito. Hindi niya hinangad na iwanan nito ang sariling pamilya at iwanan siya dahil alam na alam niya ang pakiramdam ng naiiwan. Ayos lang sa kanya kahit na isa siyang kabit.

Hanggang isang araw habang nasa loob sila ng hotel ni Samuel. Tulog na tulog na ito habang siya ay mulat at nanonood ng TV, nang may biglang kumatok. Agad naman niyang binuksan dahil akala niya’y isa iyong staff sa hotel na magtatanong, ngunit agad niyang naisara ang pintuan nang makilala ang lalaking nasa labas kasabay no’n ay ang malakas na pintig ng kanyang puso.

Diyos ko, hindi nga ba siya nagkakamali? Ang panganay na anak ni Samuel ang nakita niya! Anong ginagawa nito sa labas? Ibig sabihin may alam na ito sa pinakatagung-tagong relasyon nila? Kumatok ito ulit at sa pagkakataong ito ay nagising si Samuel.

“Sino ang nasa labas Love?”

“Si Sunny,” kinakabahan niyang wika.

Agad naman itong napabalikwas ng bangon. Katok parin ito nang katok kaya walang magawa si Samuel kundi buksan na lamang ang pinto at papasukin ang anak.

“So siya ang kabit mo Pa?” galit nitong wika.

“Huwag kang gumawa ng gulo dito Sunny, pwede naman tayong mag-usap.” paalala ni Samuel sa anak.

“Bakit mo naman ginagawa ‘to kay Mama, alam kong busy si Mama pero hindi parin iyon sapat na dahilan para lokohin mo siya!” mahina lamang ang boses ni Sunny pero may riin ang bawat pagbikas nito.

“Pasensya kana Sunny kung nagawa ko ‘to. Alam kong hindi mo pa ako mauunawaan sa ngayon–”

“Talagang hindi Pa. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mong magloko, bakit hindi ka nakuntento kay Mama.”

“I love your mother and you know that. Pero mahal ko din si Gina, naibibigay ni Gina ang pagkukulang ng Mama niyo. Kahit naman nasa buhay ko si Gina ay hindi ko naman kayo pinabayaan,” sagot nito sa anak.

“Hindi pa rin Pa! Hindi sapat na dahilan iyon para intindihin kita.”

“Sunny, magalit ka sa’kin kung pinabayaan ko kayo. Magalit ka sa’min kung mas may oras ako kay Gina kesa sa inyo. Magalit ka sa’kin kung naging walang kwentang Ama ako sa inyo. Oo alam kong kasalanan ang ginawa ko dahil nagloko ako, alam ko din na hinding-hindi mo ako maiintindihan sa ngayon dahil wala ka pa sa sitwasyon ko. Pero Sunny, kailangan ko din ng pagmamahal.

At iyon ang hindi ko na maramdaman sa Mama niyo dahil mas inuuna niya ang negosyo kesa sa’kin na asawa niya. Ako ang mas nag-aalaga sa inyo kasi lagi siyang nasa bussiness trip. Lalaki ako, pero mahina lang din ako Sunny. Gusto ko rin ng pag-alaga at pagmamahal at kay Gina ko ‘yon naramdaman.” mangiyak-iyak na wika ni Samuel.

“Patawarin mo sana kami Sunny,” mahinang wika ni Gina. “Hindi ko din naman gustong masira ang pamilya niyo.”

Hinarap naman siya ng lalaki. “Kung ayaw mong makasira ng pamilya. Layuan mo na ang Papa ko, dahil hangga’t nasa buhay ka niya ay sinisira mo kami! Magpasalamat ka dahil ako ang nakahuli sa inyo,” anito at ngayon naman ay hinarap ang ama. “Pagbibigyan kita Pa, pero ito na ang huli! Walang malalaman si Mama, pero makikipaghiwalay ka sa kabit mo. Dahil kung hindi ay ako na mismo ang magpapakulong sa inyo!”

Hindi na niya mapigilan ang hindi maluha, ang isipin pa lang na hindi na niya makikita si Samuel ay masakit na sa dibdib.

“Tara na Pa!”

Akmang tatalikod na ito nang pinigilan niya sa braso si Sunny. “Alam kong ang sama ng tingin mo ngayon sa’kin dahil pangalawa lang ako sa buhay ng Papa mo, hayaan mo hinding-hindi ko na kayo guguluhin. Ang hiling ko lang sana, hindi man sa ngayon.

Sana dumating ang araw na mapatawad at maintindihan mo ang sitwasyon namin ng Papa mo. Hindi madali ang malagay sa lugar na itinatago ka dahil pangalawa ka lang.”

Kahit gaano pa sila mag ingat, wala talagang sikretong hindi nabubunyag. Bago umuwi si Gina ay nagsimba siya, humingi ng kapatawaran at gabay sa Diyos.

Kahit na anong sakit, kahit na anong dahilan, ang mali ay mali.

Advertisement