Tinago ng Babaeng Ito ang Kanyang Mapait na Nakaraan sa Kanyang Bagong Kasintahan, sa Hindi Inaasahang Pagkakataon Pa Niya Ito Nalaman
“Hinding-hindi ko yan pananagutan!”
Durog na durog ang puso ni Mel nang marinig yan sa kanyang nobyo. Hindi niya kakayanin palakihin ang bata mag-isa panigurado.
“Please naman John, ‘wag mo namang gawin sa akin to!” pagmamakaawa niya sa nobyo habang umiiyak. Ngunit para bang wala na talagang pakialam ang lalaki sa kung ano man ang mangyari sa kanyang mag-ina.
Hinayaan muna ni Mel magpalipas ng init ng ulo ang kanyang nobyo. At tama nga siya, nagkaayos rin sila makalipas lamang ang ilang oras.
Ngunit ang kanilang relasyon ay hindi pa rin naging mabuti. Kahit siya’y buntis ay palagi pa rin siyang inaaway ng nobyong si John. Ilang beses pang nahuli ni Mel na may kausap sa telepono ang lalaki na ibang babae.
Sobrang aligaga na siya sa mga nangyayari. Pero pinipili pa rin niyang tiisin ang lahat.
Ngunit ang lahat ay may hangganan. Dahil sa sobrang daming masamang nangyayari sa kanyang paligid ay naapektuhan ng sobra ang kanilang anak.
Nang sila’y pumunta sa doktor, isang masamang balita ang dumurog sa puso ni Mel.
“I’m really sorry, pero wala akong makitang heartbeat,” ani ng doktor sa mag-nobyo.
“Pa-paano pong walang heartbeat? Wala na po ba ang baby ko?” umiiyak na sagot ni Mel habang pinupunasan ang mga luha gamit ng kanyang nanginginig na kamay.
Tumango na lamang ang doktor na nakikisimpatya sa pagkawala ng anak ng kanyang mga pasyente.
“Iiwan ko muna kayong dalawa upang makapag-usap. Hintayin ko na lamang kayo dito sa labas,” pahabol na sabi ng doktor.
Pagkalabas na pagkalabas lamang ng doktor ay bulyaw agad ang nakuha ni Mel galing kay John.
“Ang b*bo mo kasi! Hindi mo iningatan yung bata! Kaya na nga lang ako nandito para sa bata pero dahil wala na siya walang-wala ka nang aasahan sakin! G*go!” sabi ng binata.
“Please naman John, wag mo nang gatungan,” mahinang sabi ng dalaga.
“Anong wag gatungan?! T*nga ka ba?! Ikaw may dahilan bakit nawala yang bata!” sigaw nito kay Mel bago siya umalis ng clinic.
Mula nang araw na iyon ay wala na ring narinig ang dalaga tungkol kay John. Sa text, o tawag o Facebook man ay hindi na siya nagparamdam pa.
Minabuti ni Mel na magpatuloy sa buhay. Hindi man madali ay ginawa niya ito para sa kanyang pumanaw na anak.
Dalawang taon rin ang lumipas nang may isang lalaking gustong manligaw sa dalaga.
Noon una ay palagi lang patingin tingin ang binata sa malayo hanggang sa nagkaroon siya ng lakas ng loob na kausapin ito.
“Mel, pagpasensyahan mo na ako ha. Sobrang nahihiya talaga kasi akong kausapin ka,” anito.
“Wala yun James, wala namang problema eh,” sagot ng dalagang nakangiti.
Noong una ay talagang kaibigan lamang ang tingin niya kay James. Ngunit habang tumatagal ay natutuwa ang dalaga sa pagiging determinado ng binata sa panliligaw sa kanya. Kaya naman hindi rin nagtagal ay lumalim ang kanilang pagiging magkaibigan hanggang sila’y naging magkasintahan.
Walang sikreto si James na hindi niya sinabi sa dalaga. Para sa kanya, tiwala nito sa kanya ang isang bagay na napaka-importante sa kanya.
At dahil dito, hindi na rin pinatagal ni Mel ang pagsagot sa binata.
Naging maayos ang kanilang relasyon, at nag-pasya silang mag-sama sa iisang bahay dahil mag kalapit lang sila ng trabaho.
Ngunit hindi pa rin masabi-sabi ng dalaga sa kanyang nobyo ang kanyang masaklap na nakaraan.
Habang sila’y kumakain ng almusal, “Babe, anong oras pala ang pasok mo mamaya?” tanong ng binata.
“Alas nuwebe pa ako babe, ikaw bilisan mo na dyan dahil malelate ka na naman!” pang-aasar niya sa binata.
“O siya, sige na. Mag-aayos na muna ako. Yakapin mo muna ko, please,” nakangiting paglalambing niya.
Habang siya’y palapit sa binata ay nakaramdam siya ng pananakit ng tyan at ang pangit na lasa sa kanyang bibig ay nais nang lumabas.
Napabalikwas ng takbo ang dalaga papuntang banyo at doon siya’y sumuka nang sumuka.
Nagkatinginan ang dalawa dahil iisa lamang ang ibig sabihin nito.
“Antayin muna natin, baka naman kasi na delay lang yung dalaw ko ngayong buwan,” pag-aalalang sabi ni Mel.
“Tatlong araw, ha? Kapag hindi ka nagkaroon sa loob ng tatlong araw, magpapacheck-up tayo?” sagot ng binata.
Tumango si Mel bilang pagpayag sa kundisyon ng kanyang nobyo. Inantay niyang dumating ang ikatlong araw ngunit talagang hindi parin siya dinadatnan. Siya’y bumili na ng pregnancy test kit para makasiguro. At tama nga ang kanilang hinala una pa lamang: dalawang linya.
Kabadong-kabado si Mel pag dating sa ospital at ramdam ito ni James. “May problema ba babe?” tanong niya.
“W-wala naman, sorry, nahihilo lang ako,” sagot niya, kahit na hindi naman talaga.
“Congratulations sa inyong dalawa because you have an 8 week old baby. Mabuti na lamang at okay itong second pregnancy mo, Mel,” sabi ng kanyang doktor.
Takang-taka si James sa narinig, “Una palang po ito, dok.”
Hindi nagsalita ang doktor dahil alam niyang dapat ang dalawa na lamang ang magusap tungkol dito. Sa kanyang pag-alis, umiiyak na nakahawak si Mel sa kamay ng kanyang nobyo na para bang pinipigilan niya ang pag-alis ng binata.
“Please, sana hayaan mo akong mag-explain,” ani ng dalaga.
Nakatingin lamang ang binata, walang bahid ng galid o inis sa mukha at nag-aantay lamang ng maayos na explanation.
“Sorry James, hindi ko dapat itinago sa’yo ito. Naikwento ko sayo noon na hindi maganda ang relasyong napasok ko bago kita nakilala. Patawarin mo ako kung nilihim ko na nagka-anak kami. Gustong gusto ko lang kalimutan ang napakasamang pangyayaring yun,” sinimulan ng dalaga.
At kinuwento niya ng buo kung paano nawala ang kanyang anak at kung paano siya iniwan ng kanyang nobyo noon ng malamang nawala na ang kanilang anak.
“Hindi ko sinabi sa’yo dahil natatakot ako na baka iwanan ulit ako katulad ng dati, na baka iwanan mo ako. Mas lalo akong natakot nang malamang buntis ako, dahil paano pag hindi ko ulit kinaya at mawala na naman siya sa akin, baka iwan mo rin ako,” humahagulgol na sabi ng dalaga.
Kitang-kita ni James ang sakit sa mata ng mga dalaga. Niyakap niya ang kanyang nobya ng napakahigpit at sinabing, “Hindi porket nangyari sayo noon ay mangyayari ulit sa’yo ngayon. ‘Wag ka na mag-alala babe, hinding-hindi kita iiwanan kahit anong mangyari at pangako kong aalagaan ko kayong mag-ina ko,” pangako nito sa kanyang nobya.
Simula noon ay mas naging maayos pa ang kanilang relasyon. Pinangako rin ni Mel sa kanyang nobyo na magiging tapat na siya rito sa kahit anong bagay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!