Inday TrendingInday Trending
Mas Pinili ng Babae Ang Nobyo Kaysa sa Kanyang Nanay, Nagsisi nang Malaman ang Kalokohang Ginagawa ng Nobyo

Mas Pinili ng Babae Ang Nobyo Kaysa sa Kanyang Nanay, Nagsisi nang Malaman ang Kalokohang Ginagawa ng Nobyo

“Hindi nga siya pwede para sa’yo! Kailan mo ba matututunan yun ha?!”

Palagi na lamang naririnig ni Ayen ang linyang to sa kanyang nanay.

Matagal nang pinipilit ng nanay ni Ayen ang maghiwalay sila ng kanyang nobyong si Russell. Ngunit bilang isang bente anyos na dalaga ay mas pinipili niya ang kanyang nobyo kaysa sa kanyang nanay.

“Hay nako! Bahala ka dyan dumakdak, akala mo naman talaga makikinig ako sa’yo,” mahinang sagot niya sa kanyang isip.

Dahil hindi gusto ng nanay ni Ayen sa kanyang nobyo ay palaging palihim ang pagkikita ng dalawa.

“Bilisan mo, nasaan ka na ba?” text ng dalaga sa nobyo.

“Malapit na, natraffic lang!” sagot naman ng binata.

“Sige basta bilisan mo kasi nagdahilan lang ako, sabi ko may thesis lang,” sagot muli ng dalaga.

Kinakailangan nilang palaging magsinungaling para lang makapagkita.

Hindi rin naman nagtagal ay nalaman din ito ng kanyang mga magulang dahil nga naman walang lihim ang hindi mabubunyag.

Kaya naman mas lalong naging istrikto ang mga magulang ng dalaga sa kanya.

“Simula ngayon, ibibigay mo ang schedule mo sa amin sa school mo araw-araw. At kung anong oras ang dapat na uwi mo ay ganoong oras ka dapat pauwi, naiintindihan mo ba?!” pagalit ng kanyang nanay.

“Oo na! Ang dami niyong alam eh!” pabalang na sagot ng dalaga.

Pigil na pigil ang kanyang ina na sampalin ang kanyang bibig dahil sa bastos na pagsagot nito.

“Umayos ka ng sagot mo ha? Huwag kang ganyan magsalita, baka ‘di ako makapagtimpi sayo!” sagot ng kanyang nanay.

Sa mga sumunod na linggo ay mas naging malala ang sitwasyon ng dalaga dahil sa pagiging mas strikto ng kanyang nanay.

“Bakit mo ba ko pinaparusahan?” sigaw ng kanyang anak sa kanyang nanay nang siya’y umuwi isang araw at bantay na bantay siya nito.

“Hindi kita pinaparusahan, anak. Pinoprotektahan kita,” sagot naman ng kanyang ina.

“Anong protekta?! ‘Di ko naman kailangan nun! Diyos ko! Nag boyfriend lang ako ma, hindi asawa!” galit na galit na sagot ng dalaga.

“Hindi mo siya boyfriend dahil hihiwalayan mo na ang lalaking yun!” sagot naman ulit ng kanyang ina.

Hindi na sumagot pa si Ayen pero sa kanyang isip ay hinding-hindi niya ito gagawin.

Nanatiling lihim ang kanilang relasyon ni Russell hanggang sa siya’y nakapagtapos ng kolehiyo.

Ang buong akala ng kanyang nanay ay tinigilan na niya ang pakikipagrelasyon sa lalaking ito. Ngunit niloloko lang pala siya ng kanyang anak.

Nagbait-baitan ang dalaga para hindi mahalata ang mga sikreto niya ng kanyang nanay.

Alam ni Russell lahat ng pagtatago at paglilihim na ginagawa ng kanyang nobya sa ina niya, ngunit kahit kailan ay hindi niya ito sinita.

Nakahanap ng maayos na trabaho si Ayen pagkatapos makagraduate ng college. Si Russell naman ay nagtatrabaho na rin.

Isang araw habang magkausap ang dalaga at ang kanyang nobyo sa telepono ay biglang pumasok ang kanyang nanay sa kwarto kaya nahuli niya ito.

“Sino yang kausap mo ha?!” pasigaw na tanong niya sa dalaga.

“Wala ma! Ano ba? Ka-opisina ko lang ‘to!” sagot naman ng dalaga.

Inagaw ng kanyang nanay ang cellphone niya at nakita ang pangalan na “Russell” na kausap nito.

“Tigil-tigilan mo na ang anak ko, please lang!” at sinigawan niya ang lalaking nasa kabilang linya.

Nag-usap ang mag-ina at katulad ng dati, nagpanggap si Ayen na makikipaghiwalay na siya sa kanyang nobyo. Alam ni Ayen sa kanyang sarili na tama lang na ipaglaban ang nobyo dahil mahal nila ang isa’t isa.

Nagpatuloy ang kanilang relasyon hanggang sa dumating ang isang araw na hindi inaasahan ng dalaga.

Sa kanyang Facebook ay may nagpadala ng mensahe galing sa isang babae na hindi niya kilala.

“Hi! Ako nga pala si Camille, boyfriend mo ba si Russell?” sabi niya.

“Ah, oo. Bakit?” kalmado niyang tanong ngunit iba na ang kabog ng kanyang dibdib.

“Nagchat kasi sa akin yung ‘boyfriend’ mo at halatang-halatang nakikipaglandian sa akin. Sinabi ko sa’yo dahil babae rin ako, at ayoko ganyan ang boyfriend ko kung meron man,” sagot ng babae.

Isa-isang pinadala ni Camille ang mga chat sa kanya ni Russell kay Ayen para makita ito ng dalaga.

Habang binabasa niya isa-isa ang mga nakasulat ay iyak ito nang iyak sa kadahilanang hindi niya inaakala na lolokohin siya ng kanyang nobyo.

Naisip niyang lahat ang mga panahon na pinagpalit niya ang kanyang nanay para sa lalaking lolokohin lamang siya.

Nakita siya ng kanyang nanay na umiiyak sa kanyang kwarto.

“Oh ‘nak anong nangyari sayo?!” nag-aalalang tanong niya.

“Sorry ma,” yan lamang ang kanyang nasagot.

“Ha? Bakit sorry? Ano ba kasing nangyari? Bakit ka ba umiiyak?” tanong niyang muli habang pinupunasan ang sunod-sunod na luhang tumutulo sa mata ng kanyang anak.

“Dapat pala nakinig ako sa’yo noong una palang ma,” sabi ng dalaga.

“Lolokohin lang pala niya ako,” dagdag pa niya.

“Yung siraulong lalaki ba ‘to?” pagalit na tanong ng kanyang nanay.

“Oo ma, sorry po. Sorry kasi hindi ako nakinig sa inyo,” sabi niyang muli.

“Hayaan mo na anak, pinapatawad pa rin kita, ito rin ang iniiwasan ko na mangyari kaya una palang ay tutol na ako sa kanya,” sagot ng kanyang nanay.

Sising-sisi ang dalaga sa lahat ng pagsisinungaling niya noon sa kanyang nanay. Ngunit masaya na rin siya dahil maaga palang ay nalaman na niya ang tunay na ugali ng kanyang dating nobyo.

Magmula noon ay hindi na siya naglihim pa sa kanyang ina. Ang lahat ng mga manliligaw niya ay siniguro niyang dadaan muna sa pagkilatis ng kanyang ina upang masigurong malinis ang intensyon nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement