Inday TrendingInday Trending
Nawalan na ng Pananampalataya ang Babaeng Ito Dahil sa Sunod-Sunod na Tradehya sa Kaniyang Buhay Ngunit sa Diyos pa rin Siya Kumapit sa Huli

Nawalan na ng Pananampalataya ang Babaeng Ito Dahil sa Sunod-Sunod na Tradehya sa Kaniyang Buhay Ngunit sa Diyos pa rin Siya Kumapit sa Huli

Laging rebulto ng Poon ang pinapahawak kay Raena sa tuwing magkakasunog sa kanila. Walong taong gulang lamang siya noon nang una niyang naranasan ang masunugan.

Lahat ng tao ay sumisigaw ng sunog at ang kaniyang ina ay naglatag ng kumot sabay lagay lahat ng mga mahahalagang gamit nila at saka lumabas, ang mga kapatid naman niya ay may sari-sariling dala habang siya ay may hawak na rebulto ng Poon.

“Nay, ano na pong mangyayari sa’tin?” tanong ni Raena sa kaniyang inang si Aling Remedios.

“Magiging ayos din ang lahat anak, basta hawakan mo lang ‘yang Poon natin at magdasal ka ng mabuti,” saad sa kanya ng ale.

Naapula ang sunog pagkalipas ng anim na oras, hindi niya namalayan na nakatulala din siya sa loob ng anim na oras dahil sa murang edad ay nakita niyang puro abo ang bahay na kinalakihan.

Tanging damit at kumot lamang ang meron sila at nanuluyan sa covered court ng barangay ng halos isang buwan.

Nakakuha ang tatay niya ng bagong bahay sa iskwaters area, ayos lang kay Raena iyon dahil sa ganoong lugar naman sila nanggaling.

Bunso ang babae sa limang magkakapatid, pawang elementarya ang tinapos ng kaniyang mga ate, nangangalakal ang kaniyang mga magulang at tanging siya na lang ngayon ang ginagapang sa pag-aaral.

“Mama, pwede ba akong mag-enroll dito ng high school? Kahit wala akong baon ayos lang,” saad ni Raena sa kaniyang ina.

“Sige anak, hahanapan kita ng uniporme baka makahingi ako ng luma sa mga kapitbahay natin,” saad ni Aling Remedios.

Hindi pa man nakaka-anim na buwan sa kanilang tinitirhan ay muling tinupok ng apoy ang kanilang lugar, katulad na katulad sa unang pangyayari ay Poon na naman ang kaniyang hawak at pagkalipas ng ilang oras ay wala na naman silang tirahan at nakahilata sa sakong banig na bigay ng barangay.

“Mama, hindi naman tayo natutulungan nito! Itapon na natin ito!” saad ni Raena sa kaniyang ina na umiiyak at itinuro ang Poon.

“Anak, nasunugan man tayo, ang mahalaga ay kumpleto pa rin ang ating pamilya at hindi tayo nasaktan. Iyan ang tandaan mo!” sagot ng kaniyang ina sabay palo nito sa kaniyang puwet.

Hindi umiyak si Raena sa ginawa ng kaniyang ina ngunit doon nagsimula ang hindi niya paniniwala sa Diyos.

Nagsunod-sunod pa ang trahedya sa kanilang buhay, nawala ang kaniyang ama dahil sa sakit sa baga, ang dalawa niyang kapatid ay nagsipag-asawa at iniwan sila sa hirap ng buhay, ang isa naman niyang kapatid ay nabuntis at hindi pinanagutan ng lalaki.

Hindi na siya nakapagtapos ng high school dahil mas kainailangan niyang tulungan ang ina at ang isang kapatid sa pagtratrabaho para mabuhay silang tatlo.

Isang araw pauwi noon si Raena ay may narinig siyang sirena ng bumbero at sa tuwing maririnig niya ito ay ibang kilabot at kaba ang kaniyang nararamdaman. Dali-daling tumakbo ang dalaga sa kanilang lugar at sa ikatlong pagkakataon ay hindi sila pinalampas ng apoy, nasunog na naman ang kanilang lugar.

Pinuntahan niya agad ang kaniyang nanay at kapatid, hinalukay ang mga nasalbang gamit at kinuha ang Poon at saka umalis doon.

“Bakit ka ganyan? Bakit hindi mo pinoprotektahan ang pamilya ko?! Bakit ganito palagi ang nangyayari sa amin?! Wala kang kwenta!” tsaka niya itinapon sa kanal ang naturang imahe.

Umiyak ng umiyak ang dalaga sa isang tabi, nagulat na lamang siyang may isang lalaking na nakaputing sapatos na nag-abot sa kaniya ng panyo, kinuha niya ito ngunit hindi niya inangat ang kaniyang ulo.

“Salamat ho, nasunugan rin po ba kayo?” tanong ni Raena sa lalaki.

“Naku hindi lang sunog ang napagdaanan ko, nanakawan, nabugbog at nawalan na ako ng mahal sa buhay. Rinig na rinig ko kasi ang iyak mo kaya napahinto ako,” saad ng lalaki.

“Pasensya na po kayo nasunugan po kasi kami ulit, pangatlong beses na ito at marami pang kamalasan sa mundo na para bang sa amin lang binibigay ng pesteng Diyos ba yan o ano!” galit na pahayag ng dalaga.

“Alam mo, sabi sa bibliya kapag daw binibigyan tayo ng maraming problema ibig sabihin kinakatok tayo ng Diyos na lalong lumapit sa kaniya. Ang mga tao kasi kapag may problema lang nakakaalala at kapag maayos ang buhay ay hindi na siya tinatawag pa. Sabi pa nga nila, kapag hindi ka na nagkakaproblema ay hindi ka na mahal ng Diyos. Sa tingin ko sa’yo ay mahal na mahal ka ng ating Panginoon,” pahayag ng lalaki.

“Naku tinapon ko na nga yung rebulto niya e, baka nagalit na sa akin ang Diyos lalo dahil doon,” sagot ng dalaga.

“Hindi mo naman kailangang sambahin ang kahit anong estatwa. Ang kailangan mo ay makipag-usap sa kaniya. Ito ang regalo ko sa’yo, ingatan mo ito ha. Basahin mo iyan sa lahat ng pagkakataon at kapag naging maayos ang buhay mo ay huwag na huwag kang makakalimot sa Kaniya,” saad ng lalaki sabay abot sa isang maliit na libro.

Tinignan iyon ni Raena at nang nakita niya kung ano ito’y agad siyang napatayo. “Bibliya? Bakit niyo naman ako binigyan nito? Manong nasaan ka na?” baling ng dalaga ngunit hindi na niya nahabol pa ang lalaking nakaputing sapatos sa dami ng tao noon sa kanilang lugar.

Bumalik siya sa covered court kung nasaan ang ina at kapatid tsaka niya ito niyakap.

Binasa ng dalaga ang bibliya kahit pa nga hindi niya ito agad na naintindihan ay paulit-ulit niya pa ring binasa at hindi sinukuan. Nagsimba rin ang dalaga para makinig sa sermon ng pari at sa unang pagkakataon ng kaniyang buhay ay nagdasal siya.

Habang nakaluhod ay ipinikit niya ang kaniyang mga mata at inilagay niya ang kaniyang kamay sa kaniyang puso. Tuloy-tuloy ang agos ng kaniyang luha dahil sa unang pagkakataon ay naramdaman niyang napapakinggan siya ng Diyos. Ramdam na ramdam iyon ni Raena na siyang nagbigay sa kaniya ng pag-asa.

Ngayon ay nakahanap nang muli ng matitirhan ang pamilya at si Raena naman ay nagtratrabaho bilang isang tindera sa palengke, nag-iipon ito para siya ay makapag-abroad at hindi nagtagal ay nakalipad din ang dalaga.

Ngayon ay kahit papano’y nakalipat na ng tirahan ang kaniyang ina at kapatid sa mas maayos na lugar. Hindi pa rin nauubos ang dumarating na problema sa dalaga ngunit mas nanaig ang kaniyang pananampalataya, wala ring araw na dumaan ang hindi siya nagdasal ng mataimtim.

At sa tuwing siya ay pinanghihinaan ng loob ay inaalala niya ang sinabi sa kaniya ng lalaking nakaputi na labis siyang mahal ng Diyos.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement