Naging Tampulan Man ng Chismis ang Babaeng Ito Dahil sa Kaniyang Batang Bitbit, sa Huli’y Nanaig pa rin ang Kaniyang Pagpupursige

Maagang gumigising si Lucy para maghanda ng almusal. Nagluto siya ng hotdog at itlog, nagtimpla na rin siya ng gatas at kape tsaka ito pinalamig sa mesa.

Image courtesy of www.google.com

“Lance gising na may pasok pa tayo,” saad ng dalaga sa bata. Si Lance ay apat na taong gulang na at pumapasok na rin sa pre-school.

Image courtesy of www.google.com

“Aga pa! Ligo ka na Lucy? Ayaw ligo Lance, lamig pa e,” saad ng bata kay Lucy.

“Kailangang pumasok ni Lucy di ba? Pag pumasok si Lucy, papasok din si Lance kasi walang magbabantay sa’yo dito sa bahay, gusto mo bang maiwan mag-isa dito? Di ba ayaw mo kasi may mumu, hala ka nararamdaman na ni Lucy ang mumu na palapit na,” baling ng dalaga sa bata. Kumilos na agad ang bata at naligo sa banyo, naihanda na rin ni Lucy ang tubig doon na maligamgam para hindi ito sipunin.

Pagkatapos ay binihisan niya ito ng puting polo at brown na shorts, pinainum ng gatas at saka sila sabay na kumain ng agahan. Inayos na rin niya ang bag ng bata, nilagyan niya ito ng tatlong lapis, isang pambura na hugis kotse at isang pantasa, sinamahan niya rin ng isang notebook at isang coloring book. May tatlong bimpo at dalawang sando, may juice sa gilid ng bulsa at dalawang biskwet para sa meryenda, alas sais na ng umaga at saka sila umalis ng bahay.

“Lucy karga Lance, antok pa Lance, sige na ohh,” saad ng bata sa dalaga habang hinahatak nito ang kaniyang palda, dali-dali naman itong binuhat ni Lucy.

Image courtesy of www.google.com

Papasok na ang dalaga sa kaniyang klase at 2nd year high school na ito. Pinakiusapan niya ang kaniyang guro na isama si Lance sa kaniyang klase dahil walang magbabantay dito. Tiniis ng dalaga ang lahat ng naririnig dahil naging tampulan siya ng usap-usapan at tukso.

“Kita mo, ayan na yung batang nanay oh, kawawa talaga. Nasa 14 anyos lang yata yan nagbuntis agad! Bago lang yan dito sa’tin at hindi magandang imahe yan sa mga anak ko! Paano ba naman kasi walang magulang na umaalalay! ” saad ng isang ale sa daan. Normal nalang sa dalaga ang mga ganoong chismis dahil siya lamang ang tanging estudyanteng pumapasok na may batang bitbit.

Advertisement

Papasok si Lucy sa umaga, makikiupo sa klase si Lance at pagsapit naman ng 10 ay ihahatid niya naman ito sa katabing gusali kung saan naroon ang Barangay Learning Center, iiwan niya ito sa guro at babalik sa klase. Pagsapit ng 12 ng tanghali ay susunduin niya ito at saka sila kakain ng tanghalian.

“Manang, dalawang kanin tsaka isa pong order niyang gulay na upo, paki damihan na lang po ng sabaw,” mahinahong saad ni Lucy sa tindera.

“Lucy gusto ko chicken, sa canteen doon sa school mo kanina chicken ang luto,” wika ni Lance.

“Lance, sa susunod na lang pag may pera na si Lucy ha, wala pang padala si Grace e,” baling ng dalaga sa batang si Lance.

Nasa abroad ang nanay ng dalaga na si Grace at tanging si Lucy lang ang naiwan sa kanilang tinitirahang maliit na kwarto, nagpapadala lamang ito ng pera, hindi pa niya nakakasama ng matagal ang ina simula nang siya ay nagkamuwang sa mundo.

Pagkatapos kumain ay babalik sila sa eskwela dahil hangang 3 ng hapon pa ang pasok ni Lucy, patutulugin niya na lang ito sa likod ng klasrum o di kaya naman ay paglalaruin sa labas, laking pasasalamat na lamang niyang hindi ito pasaway.

“Aling Toyang, wala pa ho bang padala ang nanay ko? Wala na ho kasi akong pera,” tanong ni Lucy kay Aling Toyang, dito kasi nagpapadala ng pera ang nanay niya.

“Naku Ineng wala pa nga e, dito na muna kayo sa akin kumain, kawawa naman kayo,” saad ng ale. Si Aling Toyang lang ang tangi nilang natatakbuhan at kahit pa nga hindi sila ka ano-ano nito ay parati silang inaalagaan ng ale at kung minsan ay si Lucy na lang ang nahihiya dahil nakikita niyang hirap din sa buhay ang babae dahil anim ang anak nito at lasinggero ang kaniyang asawa.

Advertisement Image courtesy of www.google.com

“Kahit si Lance na lang po Aling Toyang, busog pa naman po ako,” saad ni Lucy at kumuha ng isang balot na kanin at ulam sa tinda ng ale.

“Aling Toyang salamat po ha, pasensya na po kayo at dumadagdag kami sa pinapakain niyo,” dagdag pa niya.

“Naku kang bata ka! Wag mong isipan ‘yan. Tsaka pwede mo naman iwan si Lance dito para hindi ka na lagi inaasar sa school at hindi ka na nahihirapan,” saad ng ale sa dalaga.

“Ayos lang ho yun, kaya ko pa naman po tsaka malay niyo umuwi na dito ang nanay ko. Di ka na ako mahihirapan pa,” baling ni Lucy dito.

Umuwi na sila at pinakain na niya si Lance, kinain niya na lang ang tira ng bata kahit pa nga kumakalam din ang sikmura niya.

“Lance, kumain kang mabuti ha tsaka mag-aral ka sa school para hindi ka mahirapan paglaki mo,” saad niya sa bata tsaka hinaplos niya ang ulo nito.

“Lucy bakit ikaw iyak? Wag na ikaw iyak Lucy, bukas papasok pa tayo ulit di ba? Kaya tulog ka na rin, higa na ikaw tabi Lance ohh,” baling ng bata sa kaniya.

“Nahihirapan na kasi ako Lance, sobra na akong nahihirapan pero hindi ako susuko para sa ‘yo kahit pa nga mali ang tingin nila sa atin,” umiiyak na sagot ni Lucy sa bata.

Advertisement

“Kasi lagi ka nila asar sa school? Aga ka raw landi kaya ako labas, ano ba yun Lucy? Sabi teacher ko mama daw kita, sabi ko hindi, ayaw nila niwala sa’kin,” sumbong ng bata sa kaniya.

Hindi na nakapagsalita pa si Lucy, imbes ay niyakap niya ng mahigpit si Lance at tsaka siya umiyak at binulong sa bata na,

“Hayaan mo na sila Lance, andito naman ang Lucy hindi kita papabayaan, hindi ka papabayaan ni ate.”

Naging tampulan ng tukso si Lucy dahil akala ng marami sa edad na 14 anyos ay anak na niya si Lance ngunit ang totoo ay bunso niyang kapatid ito.

Isang japayuki ang ina nilang si Grace at magkaiba ang ama nilang magkapatid. Lumaki rin si Lucy na mag-isa at palipat-lipat ng tirahan, ngunit isang araw ay nagulat na lamang siya nang umuwi ang kaniyang ina na may dalang sanggol at sa kaniya ito pinaalaga.

Image courtesy of www.google.com

Lumipat sila sa Barangay Dimasilang at ipinagkatiwala sa kapitbahay na si Aling Toyang. Akala ng lahat ng kaniyang mga kapitbahay ay anak niya ang sanggol na kaniyang inaalagaan ngunit hinayaan na lamang ni Lucy na ganoon ang paniniwala ng tao dahil sa ganoong palagay ay hindi na niya kailangan pang sagutin ang ibat-ibang tanong tungkol sa kaniyang ina.

Galit man si Lucy sa inang si Grace ay hindi niya pinabayaan ang kaniyang kapatid. Hanggang sa lumipas ang panahon at nakapagtapos na rin ng high school si Lucy, siya ang valedictorian ng taon, umakyat ito sa entablado at isinama ang batang si Lance, pinagtawanan siya ng mga tao at umugong ang bulungan.

“Sa lahat po ng hirap na dinanas namin, sa lahat ng panglalait at masasakit na salita, lahat po ng iyon tiniis ko para lang makapasok ako sa paaralan kahit pa nga may kasama akong bata. Dahil sa bawat araw na dumaan hindi lang ho ako isang mag-aaral, natutunan ko rin kung paano gumising ng maaga para maghanda ng aming almusal, kung paano kalimutan ang kalam ng aking sikmura dahil mas importante ang sa kaniya at kung paano pa ako mananatiling matatag sa kabila ng mga panghuhusga ng mga tao. Masaya at ikinararangal ko pong ipakilala sa inyo ang aking naging sandalan, ang aking kapatid, si Lance,” sabay turo niya sa bata.

Advertisement

“Ayos lang kung hindi po kayo naniniwala sa akin at kung hindi ko man mabago ang inyong paningin dahil mas importante sa akin ang maging ate kaysa mahalin ng marami,”dagdag pa ng dalaga at narinig niya ang kaunting palakpakan hanggang sa ito ay lumakas at dumagundong sa buonmg eskuwelahan.

Madaming nakapakinig sa kwento niya at naging daan pa ito upang mabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral ng kolehiyo. Tinulungan sila ng barangay at ng DSWD, tinawagan din nila ang nanay niyang si Grace at napaliwanagan ito ng tama tungkol sa pagpapalaki sa mga anak.

Di kalauna’y umuwi na rin si Grace at inalagaan ang mga anak, napatawad na siya ni Lucy at ngayon ay nag-aaral siya ng kolehiyo. Walang pinagsisihan si Lucy sa kaniyang pinagdaanan dahil alam nya sa sarili na naging mabuti siyang anak at kapatid.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.