Magandang Trabaho o Malaking Sweldo; Alin Nga Kaya ang Pipiliin ng Babaeng Ito?

“O, ano na, Sandy! May sasakyan na ako, ikaw ba? Ano na napapala mo sa pagiging abogado?” natatawang bati ni Martin, kaibigan ng dalaga.

“Oo na, ako na ang napag-iwanan, ‘wag niyo na masyado ipamukha sa akin ang mga pera niyo,” sagot na lamang ni Sandy sa mga kaibigan.

“Uy, ito naman, alam mo naman na nagbibiro lang kami ‘di ba? Tsaka kahit anong pera naman na mayroon kami wala naman kaming ATTY. sa pangalan namin kaya dapat maging masaya ka pa rin,” saad naman ni Hannah, isa pang kaibigan ng babae.

“Hindi ko nga ba alam, baka ganito talaga. Ang dami nga naman kasing magaling na abogado kaya ano ba naman laban ng isang tulad kong abogado nga puro naman bagsak ang marka o nagpaulit-ulit bago nakapasa. Kaya ito, hanggang ngayon sekretarya pa rin ang trabaho,” malungkot na sagot ni Sandy sa mga ito.

“Hoy! Huwag ka na malungkot, ito o, regalo ko sa’yo!” sabay abot ni Martin sa babae ng bagong labas na unit ng selpon.

“Hoy! Masyadong mahal ‘to! Sobra na ‘to, Martin,” nahihiyang sabi ng babae sa kaibigan saka ito hinawakan.

“Ano ka ba! Lagpas-lagpas kasi ako sa quota ko ngayon buwan kaya naman may ganiyan. Tsaka pasasalamat namin ‘yan sa’yo sa lahat ng tulong mo nung nasa kolehiyo pa lang tayo. Hindi naman kami makakapagtapos kung hindi dahil diyan sa mataba mong utak! Kaya ‘wag ka nang mahiya, mahal ka namin!” malambing na wika ni Martin saka nila niyakap ang kaibigan.

Matatalik na magkaibigan ang tatlo simula pa lamang noong nasa hayskul ang mga ito hanggang sa nagkolehiyo. Si Sandy lamang ang nagtapos ng abogado at ang dalawa ay nagtrabaho sa mga pribadong kompanya na umuulan nga raw ng pera.

Advertisement

“Ma, sa tingin mo? Magtrabaho na lang kaya ako sa kompanya ni Martin? Grabe! May bago na siyang sasakyan at siya pa may bigay nitong bagong selpon ko! Hanggang kailan ba ako mamumulubi sa trabaho ko?” himutok ni Sandy sa kaniyang ina sabay kuha ng remote control upang paandarin ang kanilang telebisyon.

“Ano bang trabaho ni Martin?” tanong ni Aling Sandra, nanay ng dalaga.

“Nagbebenta ng kung ano-ano raw, ahente ng bahay, kotse, telepono at kung ano-ano pa raw. Basta ang isang buwang sweldo niya ay nasa 80,000, malinis niyang nauuwi ‘yun, ‘ma! Tapos ‘yung sahod ko ay tax niya lang. Nakakaiyak ‘di ba?” manghang pahayag ng dalaga.

“Hindi ka naman namumulubi sa trabaho mo, ‘di ba? Maliit pero sumasapat, hindi mo ba nakikita na kahit sekretarya ka lang sa opisina niyo at kumikita ng maliit ay marami ka naman natutulungan? Hindi ba’t marami ka nang natulungan dito sa lugar natin lalo na sa mga legal na bagay? Hindi mo ba nakikita ‘yun bilang biyaya? Kung naliliitan ka na talaga sa sweldo mo at gusto mong gumaya kay Martin, hindi kita pipigilan, anak. Basta ang sa akin lang ay matutunan mong mahalin kung ano man ang mayroon ka ngayon kahit gaano pa iyon kaliit,” sagot naman ng kaniyang ina.

“Gusto ko ng maraming pera at mukhang hindi maibibigay sa akin iyon ng narating ko. Kailangan ko na talaga mag-isip, gusto ko ng sasakyan, gusto kita bigyan ng marangyang buhay pero hindi ko maibigay ‘yun, ‘ma!” naiiyak-iyak na sinabi iyon ni Sandra saka niya niyakap ang kaniyang ina.

Makalipas ng ilang linggo ay napagpasyahan ni Sandra na magbitiw sa kaniyang trabaho at papasok na lamang sa pinagtratrabahuhan ni Martin.

“Sandra, si Martin ‘to, may sasabihin sana ako sa’yo!” wika ni Martin sa telepono gamit ang ibang numero kaya naman hindi kaagad nakilala ng babae.

“Hoy! Ikaw pala ‘yan, Martin! Sakto! May magandang balita ako sa’yo, napagtanto ko na ang mga bagay-bagay kaya naman magbibitaw na ako sa trabaho ko at papasok na ako sa’yo,” magiliw na sabi ni Sandra rito.

Advertisement

“Sandra, may kaso ako, kailangan kita,” seryosong binitiwan iyon ni Martin at saglit na natahimik ang dalawa.

Pagkatapos ng usapang iyon ay roon na natuklasan ng babae ang tunay na trabaho ng kaniyang kaibigan. Ang pagnanakaw ng mga komisyon at panduruga sa mga nakukuha nitong kliyente. Ngayon ay sandamakmak na kaso ang kinakaharap ng kaniyang kaibigan at kulang pa ang naipon nitong pera upang ilabas siya sa bilangguan.

“Bakit hindi mo ito sinabi sa amin noong una pa lang? Bakit kailangan mong pasukin ang mga ganitong bagay?” malungkot na tanong ni Sandra sa kaibigan.

“Dahil masyadong mabagal ang pera sa maayos na paraan, nabagalan ako sa pag-ahon ko sa buhay kaya naman pinasok ko ito. Kaya ikaw, Sandra, ‘wag ka nang gumaya sa akin, dahil kahit na ganyan kababa ang sahod mo ay mas mahalaga pa rin na wala kang tinatapakan o nilolokong tao,” sagot naman ni Martin sa kaniya sabay punas ng kaniyang luha

Walang nagawa si Sandra kung ‘di ang maawa at malungkot para sa kaniyang kaibigan at ngayon niya mas napahalagahan ang kaniyang trabaho. Mas nakita niya ang importansya sa kung ano man ang mayroon siya ngayon. Hindi pa man siguro siya nasa tuktok ng kaniyang karera sa pagiging abogado ay alam naman niyang dadarating din ang araw na iyon.