
Ikinahihiya ng Anak na Nag-aambisyong Mag-artista ang Construction Worker na Ama; Sikat na Aktor pa ang Magpapamukha sa Kaniyang Pagkakamali
“Ano ba naman ‘yan, papa! Hindi ganitong cellphone ang pinapabili ko sa’yo! Mas mukhang bago pa ata yung luma kong cellphone d’yan eh!” galit na galit na sigaw ni Pria sa tatay na si Mang Danny. Mayroon na naman kasing bagong labas na modelo ng cellphone, at sa kagustuhan niyang makasabay sa mga kaibigan ay talagang pinilit niya ang ama na bilhan siya nito. Ngunit labis ang inis niya dahil mas lumang modelo ang binili nito.
“Eh ‘nak… Kinulang na kasi ang pera ko eh. Hayaan mo na’t maganda naman oh,” nakangiti pang pang-aalo ni Mang Danny.
Construction worker ang trabaho ni Mang Danny, habang ang asawa naman nito ay nag-OFW ngunit hindi na sila binalikan. Kaya naman ginagawa niya ang lahat para maibigay ang lahat ng luho ng nag-iisang anak, para hindi nito maramdamang pilay ang kanilang pamilya.
“Ayoko niyan! May audition pa naman ako bukas at makikita ng mga kaibigan ko na lumang cellphone pa rin ang gamit ko, nakakahiya!” maktol ng dalaga at saka padabog na pumasok sa kwarto nito.
Nadurog ang puso ni Mang Danny sa inasal ng anak. Kung nandito lang sana ang ina nito… Ngayong nagdadalaga ito ay hindi na niya alam kung paano ito kausapin. Ramdam na ramdam niya ang bigat ng pagiging isang ama.
Simula nang araw na iyon ay mas naging malamig na ang pakikitungo ni Pria sa ama. Hindi nito alam na kung ano-anong mga trabaho ang pinasok ni Mang Danny para lamang kumita ng pera.
Hanggang isang araw ay tila sinuklian ng Diyos ang dasal ni Mang Danny. Sa wakas ay nabili na niya ang pinakagugustong cellphone ng anak. Tuwang-tuwa siyang pumunta sa kung saan ito mago-audition sa araw na iyon.
Pagdating doon ay nasasabik na naghintay siya matapos ipaalam sa anak na nandoon siya. Ang malaking ngiti ni Mang Danny ay sinalubong ng natatarantang mukha ni Pria.
“Pa! Anong ginagawa mo rito?!” mahinang bulyaw ni Pria sa ama habang mabilis na luminga sa paligid. Nasa parking lot sila noon at mabuti na lang at walang tao.
“Eh anak, may sorpresa ako sa’yo,” sabay labas ni Mang Danny ng isang kahon ng bagong cellphone. “Ayan! Sabi ko naman sa’yo at mabibili ni papa ang gusto mo eh! Pasensiya na kung natagalan ha,” nakangisi pa ring sabi ng matanda.
“Hinaan niyo nga ang boses niyo!” ani Pria at mabilis na kinuha ang kahon ng cellphone. Tuwang-tuwa siya sa regalo ng ama ngunit mas nangingibabaw ang hiya sa kaniya na baka malaman ng mga kaibigan niya na construction worker lang ang papa niya, nakapangtrabaho pa naman ito.
“Sige na, ‘pa! Hintayin niyo na lang ako sa bahay,” nakayukong sabi ni Pria na nahihiyang magpasalamat sa ama.
Naging tipid ang ngiti ni Mang Danny nang mapagtanto kung bakit ganoon ang inaasal ng anak. Sa pagmamadali niya kasi ay hindi na siya nakapagpalit ng damit, malamang ay nahihiya itong makitang kasama siya. Magpapaalam na sana siya nang narinig nila ang pagbusina ng isang mamahaling kotse.
Napalingon ang mag-ama at halos matumba si Pria nang makilala ang lalaking lumabas mula doon. Iyon lang naman ay walang iba kundi si Martin Mariano! Isa sa mga pinakasikat na artista ngayon at pinakahinahangaan niya. Nakangiting lumapit ang gwapong binata sa kanila at nagulat siya nang batiin din ito ng kaniyang papa.
“Oh hijo! Dito ka rin pala papunta?” bati ng kaniyang ama. Halos lumuwa ang mata ng dalaga nang batiin din ito ng aktor at inakbayan pa.
“Mang Danny! Naku, bumaba talaga ako ng kotse nang makilala ko kayo. Opo, dito ako nagtatrabaho eh,” sabi ni Martin at napalingon sa hawak na box ng cellphone ni Pria.
“Ah, eto po ba ang anak niyo? Masaya akong makatulong sa inyo kahit kaunti, ingat po kayo ha. Suwerte ka sa tatay mo miss,” sabi pa ng aktor bago bumalik na sa kotse nito nang tawagin ng manager.
Hindi nagkwento ang ama ngunit nalaman ni Pria ang buong istorya dahil kalat na kalat iyon sa social media. Nag-post kasi si Martin na nawala raw ang wallet nito dati at naibalik ng isang matanda, ngayon namang muntik nang manakawan ang kaniyang kotse ay ang parehong matanda rin ang tumulong sa kaniya. Nais itong suklian ng aktor ngunit nagulat siya dahil nahihiya raw itong nagsabi na isa lang ang hiling nito, ang pinakabagong modelo na cellphone para raw sa anak nito. Kahit naka-blur sa larawan ang kaniyang ama ay alam na alam niya na ito ang matandang tinutukoy ni Martin.
Napaluha na lang si Pria sa halo-halong emosyon na nararamdaman. Isa na doon ang pagkapahiya, dahil siya mismo ay ikinahiya ang amang nagtatrabaho at nagsasakripisyong mag-isa para buhayin siya. Ngunit proud din siya sa ama dahil sa kabutihan ng puso nito. Doon niya napagtanto na masyadong siyang makasarili, at naging masamang anak, ni hindi man lang siya nagpapasalamat sa mga ginawa nito.
Nang araw na iyon, pag-uwi ng bahay ay sinalubong ng yakap ni Pria ang ama at humingi ng tawad dito.
Pinangko niyang magiging mabuti na kay Mang Danny at magsisikap para maiahon niya ito sa hirap. Hindi na niya ito kailanman ikakahiya, dahil napagtanto niyang tama nga si Martin, swerte siya na ito ang ama niya.