Inday TrendingInday Trending
Panay Liban ang Guro Kaya Tampulan Siya ng Tsismis ng mga Nanay; Tameme Sila nang Malaman ang Dahilan

Panay Liban ang Guro Kaya Tampulan Siya ng Tsismis ng mga Nanay; Tameme Sila nang Malaman ang Dahilan

“Oh? Ba’t ang aga ata ng labasan niyo ngayon?” salubong na tanong ni Gilda sa grade 3 student na anak na si Mario. Nakaabang na silang mga nanay doon sa eskwelahan upang sunduin ang kanilang mga anak, nagulat sila dahil maaga na naman ang pinauwi ang mga ito.

“Absent na naman po kasi si Ma’am Dina eh,” sabi ni Malene sabay abot ng bag sa nanay nito.

“Ay naku! Napakapala-absent niyang teacher niyong ‘yan ah! Kabago-bago pa naman niya rito,” nakataas ang kilay na dagdag pa ni Gilda na sinang-ayunan naman ng mga kumpol ng nanay na nandoon.

“Ay mga mare baka may sakit? Nakita ko nga eh parang nangangayayat si Ma’am,” singit ni Hasmin.

“Oo, mapula nga ang mata eh. Tapos sabi pa ng anak ko eh nakita niya raw nagsasalita mag-isa si Ma’am,” chismosang-chismosang dagdag naman ni Jessa na ang mata ay may ibang pinahihiwatig.

“Oh, ‘di bale! Hangga’t natututo naman ang anak ko ayos lang sa akin, alam niyo naman honor student ‘to,” pagmamayabang pa ni Gilda sabay paalam na sa mga kumare.

Lumipas ang mga linggo, at walang isang linggo na walang absent si Ma’am Dina sa paaralan. Mabuti na lang nang linggong iyon ay nakapasok ito dahil exam na ng mga estudyante. Natunaw naman ang chismis tungkol kay Dina ngunit bagong isyu na naman ang tungkol dito nang sugurin ito ni Gilda.

“Ma’am bakit ganito lang ang iskor ng anak ko?! Tingnan niyo naman hong mabuti, Ma’am! Matalinong bata ito kaya ‘di maaaring eto lang ang nakuha niyang tama!” pagrereklamo ni Gilda kay Ma’am Dina.

“Ay, nanay, makailang ulit ko nga hong chineck iyang papel ni Mario dahil alam kong matalino siyang bata, ngunit mali po talaga yung sagot niya sa maraming parte. Hayaan niyo po’t sisiguraduhin ko na uulitin iyong lesson na iyon para maintindihan pa nila,” mabait na tugon ni Ma’am Dina.

Ngunit ilang sandali pang nakipagtalo si Gilda sa guro na animo’y pagod na pagod ngunit pasensiyosa. Sa huli ay wala rin itong nagawa para pataasin ang iskor ng anak dahil tapat sa prinsipyo ang guro.

“Naku, kasalanan niya ‘yan! Napakapala-absent kasi kaya hindi natututong maigi ang mga bata!” pagsisimula ni Gilda ng diskusyon patungkol kay Ma’am Dina.

“Eh close mo naman si Madam Principal ‘di ba? Sabihin mo ‘yan!” pairap na sulsol ni Jessa na hindi na sana kailangan dahil lalaki lang ang isyu.

Dahil sa init ng ulo at takot na mawala sa honors ang anak ay pumunta nga si Gilda at nagreklamo sa principal. Presidente si Gilda ng PTA kaya naman malapit ito sa principal. Dulot ng reklamo nito ay ipinatawag si Ma’am Dina sa office. Sa tuwa ni Gilda ay nasuspinde nga ang guro ng isang linggo.

“Ha! Mabuti nga sa kaniya! Dapat ‘di siya ganoong pala-absent! Naku, ayokong-ayokong maapektuhan si Marion dahil iresponsable siyang guro!” Isang araw ay ‘di pa rin matapos-tapos ang reklamo ni Gilda kay Ma’am Dina kahit halos isang linggo na ang nakalipas at babalik na ulit ito.

Nagtaka naman siya dahil tila wala atang sulsol ngayon sina Jessa at Hasmin.

“Gilda… Nabalitaan mo na ba? Pumanaw na raw yung anak ni Ma’am Dina dahil sa lung canc*r. Nitong mga nakaraang buwan pala ay talagang nakipaglaban sila sa sakit kaya’t palaging absent si ma’am… Kawawa naman,” mahinang bulong ni Hasmin sa natamemeng si Gilda.

“Oo nga eh. Balita ko pa, binubugbog din daw ‘yan ng asawa si Ma’am. Nito lang nalaman dahil ‘di na raw nakatiis si Ma’am at nakipaghiwalay na rito matapos mawala ang anak,” sabi naman ni Jessa.

Walang masabi si Gilda sa tinuran ng mga kumare. Pahiyang-pahiya ang pakiramdam niya dahil napakalalim at malagim na dahilan pala ang pinapasan ni Ma’am Dina kaya ito ganun. Ngunit dahil lamang sa mababang iskor ng kaniyang anak ay ginawa niya ang lahat upang masuspindi ito. Tila ba tinadyakan siya ng konsensiya sa dibdib.

Sakto naman na padaan si Ma’am Dina sa gawi nila. Ito ang unang araw na papasok ito muli, halata na mas nangayayat ito at wala masyadong sigla. Tila nag-aatubili pang lumapit si Gilda.

“Ma’am Dina, nakikiramay po ako,” sabi nito sabay hawak sa kamay ng guro. “Pasensiya na po kayo ma’am sa inasal ko nung mga nakaraan, hindi ko po alam na ganoon pala. Hayaan niyo po at talagang pipilitin ko si Mario mag-aral para makakuha siya ng mataas na iskor para ‘di niyo na po ulitin ‘yong mga lessons. Magpalakas po kayo,” awang-awa sabi ni Gilda sa guro na noon ay nangingilid ang luha.

“Naku, nanay, wala ho iyon. Salamat po sa inyo, suportahan niyo lang po ang mga anak niyo sa pag-aaral at anumang bagay habang nandyan pa sila sa tabi niyo. Ako po ay gagawin ang lahat para matuto sila,” nakangiting sabi ni Ma’am Dina.

Simula noon ay natutunan ng magkukumare na hindi talaga maganda ang manghusga ng ibang tao. Ang bawat isa ay may kinahaharap na pagsubok kaya’t dapat hindi lang pansariling interes ang unahin kung hindi ang iba rin. Piliin nating maging mabuti, at maging mapagkumbaba kung tayo man ay nagkakamali.

Advertisement