
Nawalan ng Trabaho ang Ama Kaya’t Grabe Kung Tratuhin Siya ng Mag-ina; Malupit na Karma ang Balik sa Kanila
“Ma! Pagsabihan mo nga ‘yang si Papa! Tingnan mo yung uniform ko oh! Pinlantsa ba ‘to?! Mukhang pinagpag lang eh!” reklamo ng anak na si Joan sa inang si Ludy na noon ay nasa sugalan.
“Inutil talaga ‘yang ama mo eh, teka lang ‘nak ah, mananalo na ko rito eh oh,” sabi nito habang tutok na tutok sa hawak na mga baraha. Padabog namang tumalikod ang dalaga at bumalik sa bahay ilang hakbang lang ang layo sa sugalan.
Nang madinig ng amang si Boyet ang pagbalibag ng pinto at nakita ang nakasimangot na mukha ng anak ay nagtanong ito. “Joan, nagluto na ako ng tanghalian mo, ayun na’t naihain ko na, anak. May problem ba?” Pairap na tingin lang ang itinapon ng dalaga sa ama at tuloy-tuloy na pumasok sa kwarto. Nalungkot naman si Boyet sa ipinakita ng anak. Mula bata ito ay ngayon lang kasi niya ito makakasama, halos 15 years kasi siya sa abroad eh, kaya naiintindihan niya na baka hindi pa palagay ang loob nito na naroon na siya.
Umuwi siya sa Pilipinas magdadalawang buwan na ang nakalipas matapos magsara ang kompanyang pinagtatrabahuhan. Nagkaroon ng katiwalian sa kaniyang mga boss at pati siya ay nadamay, kaya ngayong pag-uwi niya ay wala pa rin siyang mahanap na trabaho dahil sa ‘di kagandahang record niya.
Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni nang pumasok ang misis. Sunod niya itong inalok ng tanghalian ngunit bulyaw ang ibinungad nito sa kaniya.
“Boyet naman! Gawin mo naman ng maayos ang gawaing bahay! Naku, iyon na nga lang ang ambag mo eh wala pa sa ayos! Tingnan mo ngayon ang anak mo nahihirapan! Kung naghahanap ka sana ng trabaho na e ‘di sana hindi ka natetengga rito sa bahay!” ratatat ng bunganga nito.
Gusto pa sanang sumagot ni Boyet ngunit mas nasanay na siyang magtimpi. Mula kasi nung umuwi siya at ‘di makahanap agad ng trabaho ay palagi nang mainit ang ulo sa kaniya ni Ludy. Ipinasa nito ang lahat ng gawaing bahay sa kaniya para naman may silbi siya. Hindi siya nahihiyang gawin iyon kahit siya ang lalaki dahil mahal na mahal niya ang mag-ina, ngunit labis na nasasaktan ang damdamin niya sa mga sinasabi at inaakto nito na nakokopya na pati ng anak nila.
Hanggang isang araw ay sumabog ang kinikimkim na hinanakit ni Boyet. Aksidente kasi niyang nabasag ang isang plato habang hinuhugasan iyon, at katakot-takot na sermon niya ang inabot niya sa asawa.
“Aba, Ludy, sumosobra ka na! Pera ko rin naman ang pinambili mo sa platong ito! Bakit kung tratuhin mo ko para akong alilang walang maayos na ginawa rito sa bahay!” ganting sigaw ni Boyet.
“Aba talaga! Wala ka namang ambag ngayon dito eh tapos ikaw pa ang may ganang manumbat! Mahiya ka sa anak mo oh!”
“Oo nga, ‘pa! Hindi ko nga kayo maipagmalaki sa mga kaklase ko dahil ganyan lang kayo eh! Tapos sumasagot ka pa kay mama!” malditang sabi ni Joan.
“Hala sige! Kung magmamalaki ka ay lumayas ka na! Tutal hindi ka na naman nagbabayad ng renta. Kaya na naming na wala ka! Inutil na ‘to!” galit na galit na sabi ni Ludy sabay kuha ng mga damit nito at itinapon sa labas ng bahay. Pinahiya pa ng mag-ina si Boyet sa mga kapitbahay na nakakita at nakadinig, yuko ang ulong umalis na lang ang matanda duon. Ilang buwan din itong hindi nagpakita sa mag-inang tumakwil sa kaniya.
Ilang buwan lang ang makalipas, sunod-sunod na ang sampal ng karma sa mag-ina. Naubos ang swerte ni Ludy sa sugal at nabaon ito sa utang. Ang dating buhay prinsesa sa bahay na si Joan ang napilitang gumawa ng mga gawaing bahay na naiwan ng ama. Hanggang sa nagkaroon ito ng malubhang sakit at maconfine sa ospital. Walang malapitan si Ludy sa mga kakilala at kamag-anak dahil alam na sugalera siya. Pati renta ay hindi na niya mabayaran dahil walang pinagkakakitaan. Nahulog sa depresyon si Ludy dahil sa awa sa anak at sarili.
Nagulat siya nang may maglagay ng isang basket ng prutas sa kaniyang harapan. Iyon ang nurse na tumitingin sa anak niya. Nagsimula siyang magtaka nang araw-araw iyon magpadala hanggang maaari nang makauwi si Joan. Problema niya pa ay ang pambayad sa bills para makalabas sila. Ngunit nagulat siya nang sabihing bayad na ang lahat.
Nagtatangkang umuwi sa bahay ang mag-ina. Inaasahan nilang nasa labas na ang mga gamit nila katulad ng banta ng landlady, ngunit nagulat sila nang bukas ang mga ilaw duon at maayos na maayos ang lahat.
Nagulat pa sila nang lumabas mula sa kusina si Boyet na may dalang mainit na sabaw. “Halina’t kumain na kayo, alam kong pagod kayo pareho. Joan anak, upo ka,” kaswal na sabi nito na akala mong walang nangyari.
Hindi na nakaya ni Ludy ang kahihiyan at lumuhod sa harap ng asawa at humagulgol. Walang salita-salitang niyakap ito ni Boyet. Hindi man nila sabihin sa isa’t isa’y alam nilang kapwa sila humihingi ng tawad at nagpapatawad. Isinali nila sa init ng yakap na noon ay patuloy ang paghingi ng tawad sa ama.
“Kalimutan na natin ang nakaraan. Handa akong gawin ang lahat para sa inyong dalawa. Pangakong simula ngayon ay magsisikap ako para maibangon ko kayo.”
“Patawarin mo ako, Boyet, mali ang halimbawang ipinakita ko kay Joan, at mali rin ang mga ginawa ko. Maraming salamat dahil pinili mo pa ring balikan kami,” emosyonal na sabi ni Ludy.
Nang gabing iyon ay nagsalo-salo ang pamilyang matagal na nawalay sa isa’t isa. Sinikap nilang magsimula ulit at patuloy na magmahalan. Natutunan ng mag-ina na ang respeto sa padre de pamilya ang talagang magpapatibay sa anumang haligi ng tahanan.