Inday TrendingInday Trending
Malas Daw ang Batang May Kapansanan Kaya Iniwan ang Mag-Ina ng Padre de Pamilya; Makalipas ang Ilang Taon ay Hindi Aakalain ng Lalaki ang Nangyari sa mga Ito

Malas Daw ang Batang May Kapansanan Kaya Iniwan ang Mag-Ina ng Padre de Pamilya; Makalipas ang Ilang Taon ay Hindi Aakalain ng Lalaki ang Nangyari sa mga Ito

“Mahal, tingnan mo itong bistidang tinahi ko para kay baby. Ang ganda, ‘di ba?” masayang-masayang pinapakita ni Jenny ang damit sa kaniyang asawang si Ronnie.

“Hindi ka na makapaghintay na makita ang magiging anak natin, ano? Ako man ay nasasabik ng makita kung sino ang kamukha ng anak natin. Sigurado ako na kamukha ko ang batang iyan dahil parang sa akin ka naglihi,” pabirong wika ng mister.

“Siguro nga, mahal,” natatawang tugon ng misis.

“Hay, ako na ata ang pinakamasayang babae ngayon dahil sa wakas ay natupad na ang panalangin ko. Sa wakas ay magiging nanay na ako!” wika pa ni Jenny.

“Basta, h’wag kang masyadong magpapagod para palagi kayong ayos ng magiging anak natin,” saad ni Ronnie.

Tatlong taon na kasing kasal ang mag-asawang Jenny at Ronnie. Bukod pa roon ay ilang taon na rin silang nagsama sa iisang bubong bago sila tuluyang nagpakasal. Matagal hinintay ng dalawa na magkaroon sila ng isang anak dahil alam nilang ito ang kukumpleto sa kanilang pamilya. Kaya walang mapagsidlan ang tuwa ng mag-asawa nang malamang nagdadalantao si Jenny.

Maselan ang pagbubuntis ni Jenny kaya lahat ay ginagawa ni Ronnie upang maasikaso ang misis. Maaga siyang gumigising upang magluto. Simula rin nang malaman niyang buntis ang asawa ay maaga na siyang umuuwi mula sa trabaho.

“Ako na ang bahala rito, mahal,” sambit ni Ronnie habang naghuhugas ng pinggan.

“Nami-miss ko lang kasing magkikilos dito sa bahay, mahal. Nami-miss ko na rin ‘yung ako ang nag-aasikaso sa’yo,” wika ni Jenny.

“Hindi naman permanente ‘yan, Jenny. Habang maselan pa ang kalagayan mo ay magpahinga ka na muna. ‘Di ba binilin sa’yo ng doktor na magpahinga ka lang at h’wag muna kumilos dito sa bahay. Sige ka, baka mamaya ay kung ano pa ang mangyari sa inyo ni baby,” pahayag ng mister.

Sa pag-aalala rin ni Jenny sa kalagayan niya at ng kanilang magiging anak ay hindi na siya kumilos pa sa bahay.

Dumating na rin ang araw ng kaniyang panganganak. Hindi alam ni Ronnie ang kaniyang mararamdaman. Lubusan kasi siyang kinakabahan ngunit masaya rin siya sapagkat sa wakas ay makikita at mahahagkan na niya ang bubuo sa kanilang pamilya.

Ngunit lubusan ang kaniyang pagkabigla ng makita ang kaniyang anak.

“H-hindi ko anak ang batang iyan! P’wede ba, dok, ibigay mo ang batang iyan sa tunay niyang magulang. Hindi iyan ang anak ko!” sambit ni Ronnie.

“Huwag po kayong ganiyan, ginoo. Ito po ang inyong anak. Kailangan po siyang maobserbahan pa dahil sa hindi niya normal na kalagayan,” pahayag ng doktor.

“Hindi maaaring mangyari ‘yan, dok! Wala kaming lahing abnormal. Ilayo niyo na sa akin ang batang iyan at ibigay ang totoo kong anak!” giit ng ginoo.

Nagdaan ang mga araw ay hindi man lang magawang matanggap ni Ronnie ang kanilang anak. Ni hindi man niya ito magawang alagaan, lapitan o tingnan lamang. Dahil sa hindi normal na kalagayan ng bata at pakiramdam ni Ronnie ay kasalan ito ng kaniyang asawa ay tuluyang lumayo ang loob niya sa kaniyang mag-ina.

Malaki ang naging pagbabago sa ginoo. Madalas kung gabihin na ito ng uwi at madalas din na mainit ang kaniyang ulo. Kung umiiyak ang sanggol ay madalas niya itong sigawan pati na rin ang kaniyang asawang si Jenny.

Lalo pang naging malupit si Ronnie sa kaniyang mag-ina ng lumalaki na ang gastos para sa lahat ng pangangailangan ng sanggol at sa lahat ng gastusin para sa pagpapatingin sa anak. Dagdag mo pa riyan ang pagkatanggal niya sa trabaho.

“Anong ginagawa mo, Ronnie? Bakit ka nag-eempake ng iyong mga damit?” umiiyak na sambit ni Jenny sa asawa.

“Bulag ka ba? Aalis na ako sa bahay na ito. Simula nang dumating ang batang iyan ay wala nang nangyari sa buhay ko kung hindi kamalasan!” saad ng mister.

“Huwag ka namang magsalita ng ganiyan. Kakayanin natin ito,” pagpigil ni Jenny sa kaniyang mister.

“Ayoko na, Jenny! Hindi ito ang inasam kong pamilya! Bahala ka na at ang abnormal na batang iyan! Pero huwag nyo na akong idamay sa kamalasan niyo!” wika pa ni Ronnie.

Tuluyan na ngang nilisan ng mister ang kanilang tahanan. Kahit na lumawit ang dila ni Jenny sa pagpigil sa paglisan ng asawa ay wala na itong nagawa. Dahil wala nang katuwang sa buhay ay pinilit ni Jenny na buhayin at ibigay ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang anak.

Hindi naging madali ito para kay Jenny. Madalas ay dala pa niya ang kaniyang anak sa paghahanap ng trabaho. Ngunit walang tumatanggap sa kaniya. Kung nagigipit sa pangangailangan ay umuutang lamang siya sa mga kamag-anak at kaibigan ngunit madalas ay wala rin naman siyang ibabayad.

Habang nag-aayos ng mga gamit ay nakita niya ang damit na kaniyang tinahi noon para sa anak. Doon ay nagkaroon siya ng ideya na magtahi muli. Humiram siya ng puhunan sa kaniyang mga kaibigan upang makabili ng tela na gagawing punda at kumot. Tuwang-tuwa siya sapagkat nabenta niya kaagad ang mga ito at nakabawi na siya sa puhunan.

Ang kinita niyang tubo ay agad niyang pinangkapital muli. Sa may gilid ng simbahan ay doon ibinibenta ni Jenny ang kaniyang mga paninda.

Habang nagtitinda ay nakita niya ang isang ginoo na nalaglagan ng pitaka. Hinabol ito agad ni Jenny upang isauli ang pitaka.

“Maraming salamat sa iyo,” sambit ng ginoo.

Nang makita niya ang kalagayan ng batang bitbit ni Jenny ay agad itong humugot ng pera upang bigyan ang mag-ina.

“Ito, para sa kabutihang ginawa mo,” saad ng ginoo habang iniaabot ang isang libong piso.

“Naku, h’wag na po ginoo. Maraming salamat po,” wika ni Jenny.

Ngunit iginigiit ng ginoo ang kaniyang pabuya para sa ginang.

“Kung nais niyo po talagang makatulong sa amin ay bumili na lang po kayo ng aming tinda,” sambit ni Jenny sa ginoo.

“Ito po ang punda, kumot at kobre kama,” abot ni Jenny sa ginoo.

Nang makita ng ginoo ang paninda ni Jenny ay lubusan itong humanga. “Magaganda ang tela ng mga ito para sa murang halaga. At napakaganda rin ng pagkakatahi nito. Inaangkat mo ba ito o sarili mo itong gawa?” tanong ng ginoo.

“Ako po ang gumawa niyan, ginoo,” tugon ng ginang.

“Isa akong may-ari ng hotel. Nais ko sana na gawan mo ako ng ganito ngunit kulay puti ang tela, mga punda, kumot at kobre kama,” wika ng ginoo.

“H-hindi ko po kayang gumawa ng ganoong karami, ginoo, sa maikling panahon. Pero gagawin ko po ang makakaya ko,” sambit ni Jenny.

“Sige, kahit paunti-unti, basta gumawa ka para sa hotel ko,” nakangiting sambit ng ginoo.

Unti-unti ngang gumawa si Jenny ng mga punda, kumot at kobre kama. Pinag-igihan ni Jenny ang kaniyang trabaho. Lubusan siyang nagpapasalamat sapagkat malaking tulong ito sa kanilang mag-ina.

Unti-unting lumaki ang puhunan ni Jenny dahil sa kinita niya sa pagtahi para sa pangangailangan sa hotel ng nasabing ginoo. Dahil sa ganda ng kaniyang trabaho ay marami ang nais na magpagawa kay Jenny. Doon ay bumili siya ng ilang makina at naghanap din ng mga tao para kaniyang turuan sa pananahi. At doon na nagsimula ang paglaki ng kaniyang negosyo.

Lubhang nagbago ang buhay ni Jenny at ng kaniyang anak. Napaluha na lamang siya habang tinitignan ang kaniyang sariling patahian at ang bagong bahay na kaniyang nabili para sa kanilang mag-ina.

Nang mabalitaan ito ni Ronnie ay nais nitong magbalikan sila ng dating asawa.

“Iniwan mo kami noon sa panahon na kailangan ka namin, Ronnie. Hindi mo alam kung anong paghihirap ang dinanas namin ng iyong anak para lang marating ang kinalalagyan namin ngayon. Kung tutuusin, hindi ang anak ko ang malas kung hindi ikaw. Dahil simula nang umalis ka ay nagbago ang takbo ng aming buhay. Ayoko na muli kang patuluyin sa buhay namin dahil maayos na kami. Maayos na kami na wala ka,” saad ni Jenny habang tangan ang anak.

Lubusang pagsisisi ang naramdaman ni Ronnie. Hindi lang dahil sa yaman ng asawa na hindi niya malasap pati na rin hindi niya mararanasang muli ang maging asawa kay Jenny at maging ama sa kaniyang anak.

Advertisement