Inday TrendingInday Trending
Dinudupangan ng Isang Manager ang Isa Niyang Tauhan; Nang Malaman Ito ng Kanilang Boss ay Babaligtad ang Sitwasyon

Dinudupangan ng Isang Manager ang Isa Niyang Tauhan; Nang Malaman Ito ng Kanilang Boss ay Babaligtad ang Sitwasyon

“Aalis na ako, Kara. Nagawa mo na ba ‘yung report na kailangan ko bukas?” sambit ng manager na si Lynne na nagmamadaling nag-aayos upang makaalis ng kagad sa trabaho.

“Ma’am, hindi ko pa po natatapos kasi tinapos ko pa po ‘yung isang report na pinapagawa n’yo sa akin,” saad ni Kara, assistant ni Lynne.

“Ano ba ‘yan? Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin ‘yon natatapos? Kahapon ko pa ‘yun binigay sa iyo, ha?” nayayamot na wika ni Lynne.

“Pasensiya na po kayo, ma’am,” tugon ng dalaga.

“O siya, basta tapusin mo lahat ng pinapagawa ko sa’yo at siguraduhin mo na walang mali ang mga gagawin mong report. Ayokong mapahiya sa mga boss! Naiintindihan mo ba?” pagtataray ni Lynne.

“Aalis na ako. Ikaw na ang bahala rito,” saad pa niya.

“M-ma’am, p’wede ko po ba malaman kung saan kayo pupunta?” nahihiyang tanong ng dalaga.

“Anong pakialam mo?!” sagot naman ng manager.

“B-baka lang po kasi may maghanap sa inyo ay hindi ko po alam ang isasagot ko,” nakayukong sambit ni Kara.

“May kailangan akong asikasuhin. Kapag may naghanap sa akin ay may meeting kamo sa labas,” utos ni Lynne.

“Saka ma’am, ‘yung pinagpapaalam ko po sa inyo noong isang linggo pa. Sa makalawa na po kasi ‘yon. Wala lang talagang makakasama ang mama ko sa dialysis niya. Baka po p’wede n’yo akong payagang magliban sa trabaho,” pakiusap ng dalaga.

“Bukas natin pag-usapan, Kara. Nagmamadali na ako! Atupagin mo muna ang lahat ng pinapagawa ko sa’yo! Siguraduhin mong maayos ‘yan, ha. Ikaw ang malilintikan talaga sa akin,” wika pa ni Lynne sabay alis ng opisina.

Mag-aanim na buwan pa lamang ang dalagang si Kara sa nasabing kumpanya ngunit ngayon pa lamang ay hindi na siya magkandaugaga sa lahat ng gawain na iniatang sa kaniya ng kaniyang manager. Ultimo maliliit na bagay kasi na dapat ay ang manager na si Lynne ang gumagawa ay iniaasa pa niya ito sa kawawang si Kara.

Dahil nakakataas ang posisyon ni Lynne ay walang magawa si Kara kung hindi sundin ang kaniyang manager. Kailangan kasi niya ang trabahong ito para matustusan niya ang pagpapagamot sa kaniyang inang may karamdaman. Kaya nais man niyang minsan ay magbitiw sa trabaho ay hindi niya magawa.

Samantala, hindi mapakali sa pagpapaganda itong si Lynne sa loob ng kaniyang kotse. Sinigurado niyang walang hulas ang kaniyang make-up, walang gusot ang kaniyang damit at humahalimuyak ang kaniyang pabango bago siya bumaba ng kaniyang sasakyan. Makikipagkita kasi siya sa kaniyang nobyo.

“Mabuti na lamang ay nakarating ka. Miss na miss na kita, e. Wala ka bang pasok sa trabaho ngayon? ” sambit ng nobyong si Louie sa kay Lynne.

“May pasok ako ngayon pero siyempre para sa’yo ay gagawin ko ang lahat. Nasasabik na rin akong makita ka, mahal,” tugon ni Lynne sa kasintahan.

“Naku, dapat pala ay mamaya na lamang pagkatapos ng trabaho mo tayo nagkita. Ayaw kong maging sagabal sa trabaho mo,” wika ni Louie.

“Ayos lang naman, mahal ko. Ano pa at naging manager ako? Kayang-kaya ko gawan ng paraan ang lahat ng iyan. H’wag mo nang alalahanin ang trabaho ko kasi naipagawa ko na sa assistant ko lahat. Kaya malaya na ako. Sabi ko sa kaniya ay nasa meeting ako kaya hindi tayo maiistrobo sa date natin,” pagmamalaki pa ni Lynne.

Habang si Kara ay hindi na magkandaugaga sa dami ng kaniyang trabaho na pinasa sa kaniya ng kaniyang manager ay narito lang si Lynne sa piling ng kaniyang nobyo at nakikipag-date.

Inabot na ng gabi si Kara sa opisina sa paggawa ng mga trabaho ng kaniyang boss. Pagkauwi niya sa bahay ay hindi pa rin niya magawang makapagpahinga dahil kailangan niyang siguraduhin na tapos at walang mali ang kaniyang mga ginawa.

Kinabukasan, pagpasok sa trabaho ay nahuli siya ng saglit.

“Alam mong may presentation ako ngayon, dapat ay pumasok ka ng mas maaga!” galit na sita ni Lynne sa dalaga.

‘P-pasensiya na po, ma’am. Napuyat po kasi ako sa paggawa ng report n’yo,” tugon ni Kara.

Iniabot agad ni Kara ang report sa kaniyang manager at nakipagmeeting na ito sa mga boss. Nang matapos ang meeting ay kumuha ng tiyempo si Kara upang magpaalam sa kaniyang manager.

“M-ma’am, magpapaalam po sana ako. Hindi po ako makakapasok bukas kasi po kailangan ko pong samahan ang mama ko. Pasensiya na po, wala po talagang sasama sa kaniya sa dialysis. Ngayon lang naman po ako liliban sa trabaho,” pakiusap ng dalaga.

Ngunit imbis na maawa at payagan ang dalaga sa kahilingan nito ay dinagdagan pa niya ito ng trabaho na dapat siya ang gumagawa. Naalala rin kasi niya na magkikita sila ng kaniyang kasintahan kinabukasan.

Lubusan ang sama ng loob ni Kara sa ginawang ito ng kaniyang manager.

Kinabukasan ay maaga na namang umalis si Lynne sa kaniyang trabaho para lihim na makipagkita sa kaniyang nobyo. Mabuti na lamang ay napakiusapan niya ang kaniyang kapitbahay na samahan ang kaniyang ina. Naiiyak na lamang si Kara sapagkat nais sana niyang siya mismo ang sumama dito dahil sa pinagdadaanan nito ngunit kailangan niyang magtrabaho. Hindi napigilan ng dalaga na maiyak.

“Magandang umaga, nariyan ba si Ms. Lynne?” saad ng ginoo.

Laking gulat ni Kara nang makaharap mismo ang may-ari ng kumpanya. Ngpunas ito kaagad ng kaniyang mga luha.

“Magandang umaga rin po, boss. P-pasensiya na po kayo. Pero w-wala po rito ang manager ko. May meeting po siya sa labas,” tugon ng dalaga.

“B-bakit ka umiiyak?” tanong ng boss.

“Naku, w-wala po ito, sir. Pasensiya na po kayo. Alam kong hindi ko dapat dinadala ang problema ko sa bahay dito sa opisina. Pasensiya na po talaga!” paumanhin ni Kara.

“Walang anuman. Ngunit nais ko talagang malaman kung bakit ka umiiyak? Mabigat ba ang trabaho mo dito sa opisina? May hindi ka ba nagugustuhan?” tanong ng amo.

“H-hindi po. Sa katunayan po ay nagpapasalamat po ako sa trabaho kong ito. N-ngunit ngayon po kasi ay walang nakasama ang mama ko sa dialysis niya. Ako po sana ang sasama sa kaniya ngunit may mga kailangan pa po akong tapusin dito sa opisina. Naiiyak lang po ako dahil naaawa ako sa kaniya,” saad ng dalaga.

Tiningnan ng boss ang mga ginagawa ni Kara.

“H’wag ka nang umiyak. Magiging maayos din ang lahat,” saad ng ginoo.

Kinabukasan ay nagulat ang lahat ng makatanggap si Lynne ng mensahe mula sa may-ari ng kumpanya. Hindi siya makapaniwala na tinanggal na siya sa trabaho. Samantalang si Kara ang pumalit sa kaniya.

Ang hindi kasi alam ng lahat ay nakita ng may-ari ng kumpanya si Lynne sa mall habang nakaangkla sa kaniyang kasintahan at masayang namimili. Nang makarating ang kanilang boss sa opisina ay agad niyang sinigurado ang kinaroroonan ng manager at natagpuan si Kara na umiiyak. Nang tignan ng boss ang mga ginagawa ni Kara ay hindi siya makapaniwala na marami rito ay mga trabaho mismo ng kaniyang manager.

Habang subsob sa trabaho si Kara ay nagpapakasaya lamang si Lynne.

Hindi makapaniwala si Kara na siya na ang bagong manager ng kanilang departamento. Nangako siya sa kaniyang sarili na hindi niya kailanman gagawin ang mga masasamang ginagawa ni Lynne sa kaniyang tauhan.

Lubusan naman ang pagsisisi ni Lynne dahil sa sa wakas ay natanggap na rin niya ang kaniyang karma.

Advertisement