
Labis ang Sama ng Loob ng Binata dahil Hindi Raw Siya Mahal ng Kaniyang Ama; Mauunawan Niya ang Lahat nang Malaman Niya ang Katotohanan
“Tumayo ka nga riyan! Nakakahiya ang itsura mo! Parang hindi kita anak! Daig ka pa ng batang iyan!” galit na sigaw ni Mang Rudy sa kaniyang anak na si Angelo nang makita niyang sinapak ito ng isang batang kalaro.
“Napakalampa mo! Napakapayat ng batang iyon para magpasapak ka! Kapag naulit pa ‘yan, Angelo, ako mismo ang bubugbog sa iyo!” sambit pa ng ama habang bitbit ang bata sa kwelyo pauwi ng kanilang bahay.
Matagal nang walang ina si Angelo. Maagang yumao ang ginang dahil sa isang matinding karamdaman. Tanging sa mga larawan na lamang niya naaalala ang mukha ng ina.
Samantala, kilalang maton, siga at sanggano ang kaniyang ama sa kanilang lugar. Madami ang takot at ilag sa kaniyang ama. Alam kasi ng mga tag-roon kung ano ang karakas ni Mang Rudy. Galing itong kulungan at kung anu-anong gulo na ang kinasangkutan nito.
Ang balita nga sa kanilang lugar ay isang bayarang mamamat*y tao si Mang Rudy kaya kapag nakukulong ito ay nakakalabas din kaagad. Marami rin siyang sinalihang grupo na may mga masasamang gawain. Kaya sa tuwing naririnig nila ang pangalan ni Rudy ay nangangatog na ang kanilang mga tuhod.
“Linisin mo ang sarili mo at tumigil ka sa kakaiyak mo, Angelo! Sinabi ko na sa iyo na hindi umiiyak ang isang lalaki!” sigaw muli ni Mang Rudy sa kaniyang anak.
“Pumasok ka na sa kwarto mo at ayusin mo ang sarili mo. Kapag may narinig ako kahit isang tunog ng pag-iyak mo ay talagang tataaman ka sa akin!” dagdag pa ng ama.
Ganito pakitunguan ni Rudy ang kaniyang anak. Kaya si Angelo ay hindi man lamang nakalasap ng pagmamahal ng magulang. Habang nasa kaniyang silid ay nananalangin siya na sana isang araw ay makita naman siya ng kaniyang Tatay Rudy bilang isang anak.
“‘Nay, sana ay narito po kayo. Sana ay kapiling ko po kayo ngayon. Gusto ko pong maramdaman ang pagmamahal ng isang magulang. Si tatay po, parang hindi niya ako mahal,” sambit ng bata.
Kinalakihan na ni Angelo ang ganitong pagtrato sa kaniya ng ama.
“Ano itong nabalitaan kong kinantiyawan ka raw sa labas at wala ka man lamang ginawa? Binatukan ka ng anak ni Pedro na patpatin, hindi ka lumaban?” sita ni Mang Rudy sa kaniyang anak.
“Ayoko pong makipag-away, ‘tay. Hayaan niyo na po sila. Wala po akong panahon para sa mga kagaya nila. Saka hindi po ako papatol sa lasing. Hindi po matino ang mag-iisip ng mga ‘yon,” tugon ni Angelo.
Napailing si Mang Rudy. “Tara! Sumama ka sa akin ngayon at ipakita mo sa akin na anak nga kita! Pakita mo sa akin na matigas din ang buto mo!” sigaw ni Mang Rudy habang kinakaladkad si Angelo palabas ng kanilang bahay.
“Ayoko, ‘tay! Ayoko pong makipag-away! Tama na po!” pakiusap ng binata.
Ngunit gigil na gigil ang kaniyang ama dahil sa naging reaksyon ni Angelo sa ginawa sa kaniya ng mga grupo ng binatang ito.
“Nagpapaka-santo ka? Gusto mo maging mabait? Tinatarantado ka na nga! Ano na lamang ang sasabihin ng mga taga-rito? Ako ang ama mo at lalambot-lambot ang anak ko? Tara! Gulpihin mo ang binatang iyon sa harap ko! Patunayan mo sa akin ang pagkalalaki mo!” patuloy sa pagkaladkad si Mang Rudy sa kaniyang anak.
Pilit na nagpupumiglas si Angelo hanggang sa makarating sila sa mga kabataang namahiya sa kaniya.
“Sapakin mo! Durugin mo ang buto kung kinakailangan kung hindi ikaw ang lulumpuhin ko, Angelo!” utos ng ama.
Ngunit hindi talaga kaya ni Angelo na pumasok sa gulo.
“Sinasabi ko na nga ba! Hindi mo kaya!” galit na sambit ng ama. “Lintik ka! Kinakahiya kita!”
Lubusang pagkapahiya ang naramdaman ni Angelo. Sa sobrang sama ng loob ng binata kay Mang Rudy ay gusto na nitong lisanin ang ama.
Nang uuwi na siya sa kanilang bahay ay nagkakagulo ang maraming tao at nagtatakbuhan palayo.
“A-anong nangyayari?” taranta nitong tanong sa isang kapitbahay.
“Angelo, ang tatay mo!” tugon din ng natatakot na binata.
“May mga lalaking pumunta sa bahay niyo at pinagbababaril ang bahay niyo. Nandoon ang tatay mo sa loob!” paglalahad nito.
Agad na umuwi si Angelo. Hindi inalintana ang takot at pangamba na baka maaaring madamay siya sa nangyari.
“Tay! Tay!” sigaw nito nang makita ang ama na duguan.
“A-anong nangyari po rito, ‘tay? Sino po ang gumawa nito sa inyo?” umiiyak niyang tanong sa ama.
“A-anak, umalis ka na rito. Baka madamay ka pa. Patawarin mo ang tatay kung hindi mo naramdaman na mayroon kang ama. Ito ang oras na kinatatakutan ko. Patawarin mo ako kung nais kong maging matapang ka. Inihahanda lang kita sa oras na ito. Na kung sakali na mawawala ako ay hinding-hindi ka magpapa-api. Na hinding-hindi ka magpapatapak kahit kanino at kaya mong ipagtanggol ang iyong sarili,” kahit hirap na sa pagsasalita ay pilit na inamin ng ginoo ang lahat sa kaniyang anak.
“Pero nagkamali ako, anak. Tama ka, dapat ay mas pinili kong manahimik at huwag pumasok sa gulo. Sana ay mas matagal pa kitang makakasama. Patawarin mo ako, anak. Mahal na mahal ka ng tatay,” dagdag pa ni Mang Rudy hanggang sa tuluyan na itong nawalan ng hininga.
Hindi mapatid ang luha ng binata. Ngayon ay naiintindihan na niya ang nagawa ng ama. Ngunit nanghihinayang siya sapagkat hindi man lamang nagkaroon ng pagkakataon na sabihin din niya na mahal niya ang kaniyang ama.
Sa pagkawala ni Mang Rudy ay mas pinili pa rin ni Angelo ang mas tamihik na buhay. Alam kasi niya na walang patutunguhan ang pagiging basag-ulo. Ayaw niyang mabuhay ng tulad ng kaniyang ama na umikot ang buhay sa gulo.
Hindi niya malilimutan na sa huling pagkakataon ay tinawag siyang anak ng ama at sinambit ang mga katagang matagal na niyang nais marinig at maramdaman — ang pagmamahal nito.