Inday TrendingInday Trending
Siniraan Niya ang Kapitbahay Dahil Inagaw Nito ang mga Suki Niya; Nagulat Siya nang Malaman ang Totoong Kalagayan Nito

Siniraan Niya ang Kapitbahay Dahil Inagaw Nito ang mga Suki Niya; Nagulat Siya nang Malaman ang Totoong Kalagayan Nito

Palihim na napaismid si Sheila nang makitang dinudumog na naman ng kanilang mga kabaranggay ang mga itinitindang pagkain ng kanilang kapitbahay na si Esme.

Matagal na niyang hindi iniimik ang kapitbahay. Nayayabangan kasi siya dito.

At kamakailan lang, upang may mapaglibangan ay naisip niya na magtinda ng pagkain sa labas ng kanilang bahay.

Aba! Isang linggo lang ang lumipas ay may tinda na rin ang kanyang magaling na kapitbahay!

“Gaya gaya,” palihim na ismid ni Sheila.

Mas lalo pang nagpuyos ang kalooban ni Sheila nang makitang ang iilan na kadalasang bumibili ng mga paninda niya ay dito na rin bumibili.

“Mare!” tawag niya kay Anita, isa sa kaniyang mga kumare.

“Bili ka na ng paninda ko! Ayan, may pancit, palabok, ano bang gusto mo? Masasarap lahat ‘yan,” pangungumbinsi niya sa kaibigan.

“N-naku, nakabili na ako kay Esme, eh. Pasensiya na mare ha, alam mo naman–”

Hindi niya na ito pinatapos magsalita. Binigyan niya ito ng pilit na ngiti.

“Naku, mare, walang problema!” wika niya kahit ang totoo ay nagtatampo siya rito.

Napabuntong hininga na lamang si Sheila nang makaalis ang kumare. Mukhang hindi na naman siya makakaubos ng paninda.

Nang matapos ang araw, malungkot na niligpit ni Sheila ang mga paninda niyang hindi nabili. Hindi naman nakaligtas sa kaniyang pandinig ang masiglang boses ni Esme habang kausap ang anak nito.

“Nakaubos tayo ng paninda! Diyos ko, sana araw-araw ganito,” ani Esme.

Nagdadabog na tinapos ni Sheila ang pagliligpit at walang lingon likod na pumasok sa kanilang bahay.

“O, bakit nakabusangot na naman ‘yang pagmumukha mo?” tanong ng kaniyang asawa nang makapasok siya sa bahay.

“Eh kasi ‘yang si Esme, gaya-gaya! Simula nung magtinda rin siya, halos inagaw niya na lahat ng suki ko!” inis na sumbong niya sa asawa.

“Hon, ano ka ba naman, malay mo, mas kailangan ni Esme ng pera kaya ganun. Itigil mo na kaya ‘yang pagtitinda mo nang hindi ka ma-stress?” natatawang payo ni Ernie sa asawang parang batang nagmamaktol.

“Ayoko! Humanda sa akin ‘yang Esme na ‘yan!”

Sa isip niya ay isang maitim na balak ang nabuo.

“Naku! Buti naman ikinuwento mo sa akin ‘yan, mare!” nanlalaki ang mata ni Mercy sa kinuwento ni Sheila.

Napangisi si Sheila. Kilalang tsismosa kasi si Mercy. Alam niyang hindi magtatagal ay kakalat sa buong baranggay ang kwento niya.

Sinabi niya kay Mercy na nasaksihan niya kung paano magluto si Esme. Sinabi niya rito na madugyot at madumi ang mga pagkaing ibinebenta nito.

Siyempre ay hindi iyon totoo. Iyon lamang ang ganti niya sa pang-aagaw nito sa mga suki niya.

Kagaya ng inaasahan ni Sheila, kinabukasan, maaga pa ay halos naubos ang kaniyang paninda. Malaki ang kaniyang kinita.

Samantalang si Esme ay halos hindi nabawasan ang itinitinda. Malaki ang ngisi ni Sheila habang nagliligpit ng araw na iyon.

Ganun din ang nangyari ng mga sumunod na araw. Kaya naman masayang-masaya si Sheila.

Isang gabi, kumakanta-kanta pa siya nang marinig ang tila mga hikbi. Nang lingunin niya ang kapitbahay ay nakita niyang lumuluha ito habang nagliligpit, bagay na ipinagtaka niya.

Imposible naman na iyakan nito ang hindi pagkaubos ng tinda nito?

Pinili niyang hindi ito pansinin ngunit ang hikbi nito ay unti-unting nauwi sa hagulhol. Naalarma na siya nang makitang nakaupo na ang kapitbahay habang humahulgol kaya nilapitan niya ito.

“Esme, anong problema?” usisa niya sa kapitbahay.

Matagal bago ito nagsimulang magkwento.

“Hindi ko na kasi alam kung anong gagawin ko. Maayos naman ang benta ko nung mga unang linggo pero ngayon ay lugi ako araw-araw dahil walang bumibili sa akin,” pagsisimula nito.

“Gusto ko lang naman kumita para sa tatay ko sa probinsiya. Nagkasakit kasi siya kaya kailangan namin ng pampa-ospital,” pagpapatuloy nito.

May kumurot naman sa puso ni Sheila. Alam niya kasing siya ang dahilan kaya hindi nakakabenta ang kapitbahay.

“Bakit, may magandang trabaho naman ang asawa mo, hindi ba?” usisa niya dito. Sa pagkakaalam niya kasi ay engineer ang asawa nito, bagay na madalas nito ipagyabang noon.

Napabuntong hininga si Esme.

“Halos isang taon na lulong sa sugal ang asawa ko. Baon na baon na kami sa utang.” May luhang tumulo mula sa mga mata nito.

Gulat na gulat si Sheila sa mga nalaman. Hindi niya alam na matindi pala ang hirap na dinaranas ng kapitbahay.

“Sa totoo lang, inggit na inggit ako sa’yo.” Maya-maya ay muling nagsalita si Esme.

“Ha? Bakit ka naman maiinggit sa akin?” takang tanong ni Sheila.

“Kasi responsable ang asawa mo, at maayos ang buhay mo bilang ina ng tahanan. Ako, halos ako na ang tumatayong ina at ama, kailangan ko pa maging anak sa tatay kong may sakit,” malungkot na sagot nito.

Naunawaan naman ni Sheila ang sinasabi nito. Kaya naman sising sisi siya sa nagawa niya dito.

“Esme, tibayan mo ang loob mo. Pasasaan ba’t magiging maayos din ang lahat,” wika niya upang bigyan ito ng lakas ng loob.

At alam niyang kailangan niyang itama ang kanyang pagkakamali upang matulungan ang kapitbahay.

Inamin niya kay Mercy na hindi totoo ang sinabi niya rito. Kaya naman nagtulong-tulong sila upang muling ibalik kay Esme ang mga nawalang suki nito.

Itinigil na rin ni Sheila ang pagtitinda upang wala nang kompetisyon ang kapitbahay. Dahil likas na masarap magluto, ilang araw lang ay nanumbalik ang mga suki na tumatangkilik ng tinda ni Esme.

Iyon din ang naging simula ng magandang pagkakaibigan sa pagitan ng magkapitbahay na sina Esme at Sheila.

Nang lumaon ay nagsosyo ang magkaibigan sa pagtatayo ng isang maliit na kainan. Dahil naging magkakampi ang dating magka-kompetensiya, ‘di nagtagal ay naging matagumpay ang kanilang negosyo.

Mula noon ay natutunan ni Sheila na hindi humusga, lalo na’t hindi niya alam ang buong istorya. Napagtanto niya na mas masaya at magaan ang buhay kapag nagtutulungan kaysa naghihilahan pababa.

Advertisement