Hindi Inimbintahan ang Binata sa mga Kasiyahan Dahil sa Hindi Niya Pag-Aambag, Ginamit Niya Itong Inspirasyon

“Jorgie, balita ko may pagdiriwang tayo mamaya, ha? Bakit hindi niyo naman ako sinasabihan? Mukhang hindi tuloy ako makakapunta, ipipila ko pa ng gamot sa center ang nanay ko, eh,” ‘ika ni Mac sa isa niyang katrabaho, isang tanghali pagkatapos ng kanilang trabaho. 

“Ah, eh, pasensiya ka na, pare,” nakatungong sagot nito habang hinuhugasan ang nakaligtaang plato.

“Naku, ayos lang ‘yon. Hindi mo kailangang humingi ng pasensiya,” tugon niya saka ngumiti sa katrabaho, napabuntong hininga lang ito sa kaniyang tabi, at umamin sa kaniya mayamaya. 

“Hindi, pasensiya na talaga, sabi kasi ni Noel, isikreto namin sa’yo ang pagdiriwang ito. Ayaw ka niyang pumunta sa bahay nila, eh, bukod daw kasi sa mukha kang gusgusin, hindi ka pa raw naglalabas ng pera pang-ambag kahit bente pesos,” nakatungong pagtatapat nito dahilan upang mapailing na lang siya. 

“Ah, ganoon ba? Sige, ayos lang, wala sa akin ‘yon, pasensiya na, akala ko kasi kasama ako,” sambit niya saka bahagyang ngumiti. 

“Pasensiya ka na rin, ayoko namang pati ako pagdamutan nila kaya nanahimik na lang ako,” ‘ika pa nito. 

“Walang problema, o, paano? Una na ako, ha? Ingat kayo,” paalam niya saka agad nang umalis.

Empleyado sa isang hotel sa Maynila ang binatang si Mac. Sa limang taon niyang paninilbihan dito, kilalang-kilala na siya ng kaniyang mga katrabaho pati na ng mga suki nilang mga foreigner kung saan siya nakakatanggap ng malalaking tip dahil sa kagalingan niya sa pagtatrabaho.

Advertisement

At dahil nga alam ng lahat na bukod sa malaki ang kanilang sahod at malaki ang natatanggap niyang tip kada araw, labis siyang kinakainisan at kinainggitan ng mga ito.

Sa tuwing may pagtitipon kasi sila, hindi siya naglalabas ng kahit na piso pang-ambag dahilan upang hindi kalaunan, hindi na siya isinasama ng mga ito. Nababalitaan niya na lang kinabukasan ang kasiyahang nangyari sa pagitan ng kaniyang mga katrabaho nang hindi siya iniimbitahan.

Wala naman siyang nakikitang problema roon noon, naiintindihan niya na kahit naman isama siya, wala rin siyang mailalabas na pera at makakaramdam lang siya ng hiya at panliliit. Ngunit nitong mga nakaraang araw, napansin niyang panay-panay ang pagdiriwang na naganap at kahit ni isa doon, hindi siya inimbitahan ng mga ito.

Ito ang dahilan upang magtanong na siya sa isa niyang katrabaho na tinuturing niyang kaibigan. Doon na nga niya nalaman ang lahat. Masama man ang kaniyang loob, ‘ika niya habang mangiyakngiyak, “Sabi na, eh, kaya ayaw nila akong kasama dahil hindi ako nag-aambag. Akala ko naman noon, naiintindihan nilang may pinag-iipunan ako.” 

Simula noon, lumayo na nang tuluyan ang kaniyang loob sa mga katrabaho. Ang dating trabahong kinasasabikan niya noon, hindi na niya ramdam ngayon. Papasok at uuwi siyang wala ni isang katrabaho ang kumakausap sa kaniya dahilan upang hindi kalaunan, kahit pa malaki ang pasahod dito, pinili niya na munang magpahinga sa trabaho.

Nang maaprubahan na ang kaniyang isang buwang pagliban, agad siyang umuwi sa kaniyang pamilya sa probinsya at doon nagtayo ng maliit na tindahan para sa kaniyang ina.

“Kailangan pagbalik ko sa trabaho, may sapat na akong ipon para sa pinapangarap na bahay ni nanay, hindi sapat ang maliit na tindahang ito,” sambit niya saka muling nag-isip ng pwedeng pagkakitaan.

Doon na siya nagdesisyong magtayo ng karinderya sa bayan, malapit sa paaralan at mga pabrika roon. Ginamit niya bilang pangpuhunan ang kaniyang naipong pera at halos dalawang linggo lang ang nakalipas, agad na niya itong nabawi.

Advertisement

Naging sikat ang kaniyang maliit na karinderya dahil sa sarap ng mga lutong ulam dito na pasok sa bulsa ng mga estudyante’t empleyadong nagtitipid. Sa katunayan nga, pati mga taga-kabilang bayan, dumadayo sa kaniyang karinderya upang matikman ang kaniyang mga luto. 

Parang himala ang nangyari sa kaniya dahil saktong isang buwan ang nakalipas simula nang lumiban siya sa trabaho, nakalikom siya ng sapat na pera upang makapagpatayo na ng pinapangarap na bahay ng kaniyang ina na labis niyang ikinatuwa.

Sa kaniyang pagbalik sa trabaho, ipinagkatiwala niya ang sikat niyang karinderya sa kapatid na kaniyang katuwang. Inayos na niya rin ang kaniyang sarili upang hindi na pandirihan ng mga katrabaho. Bumili siya ng ilang magagarang damit, isang pares ng maayos na sapatos at pabango dahilan upang biglang umayos ang kaniyang itsura na labis na ikinagulat ng kaniyang mga katrabaho.

“Pumopogi ka ngayon, Mac, ha? At balita ko pa, nasimulan na ang pinapangarap na bahay ng nanay mo,” bati sa kaniya ni Noel, na dati’y ilag sa kaniya.

“Ah, oo, hindi ko kasi sinayang yung sweldo’t kakayahan ko,” pangbabara niya rito saka siya ngumiti. Agad niyang binati ang kaibigan niyang si Jorgie saka niya ito inabutan ng mga pasalubong galing sa kaniyang probinsya. Tuwang-tuwa ito’t labis na nagpasalamat sa kaniya.

Muli siyang humarap sa hamon ng mapanghusga’t mapanakit na buhay sa Maynila. Masasaktan man siya muli dahil sa mga ugali ng kaniyang katrabaho, hindi na niya ito inintindi, sa halip ay pinagtuunan niya ng pansin ang kaniyang negosyo at pinapatayong bahay.