
Pinaalis ng Dalaga ang Matandang Nakatambay sa Pinagtatrababuhang Restawran, Hindi Niya Lubos Akalain ang Sumunod na Nangyari
“Magandang gabi, lola, baka hindi niyo po alam na nasa isang mamahaling restawran po kayo. Ang mga putahe rito, umaabot ng limang daang piso. May pambayad po ba kayo?” diretsahang tanong ni Joan sa isang matandang kanina pa makaupo sa isang mahabang lamesa ng pinagtatrababuhan niyang restawran.
“Ah, ganoon ba?” malumanay na tugon nito.
“Opo, lola, baka po pwedeng lumabas na kayo kung hindi po kaya ng bulsa niyo ang mga pagkain dito. Marami pa po kasing nakapila sa labas na nais kumain,” sambit niya pa rito saka niya kinuha ang menu na kanina pa nito pinagmamasdan.
“Bakit mo ako pinapaalis?” nakangiting tanong nito na para bang nang-iinis pa dahilan upang ganoon na lang siya tuluyang mainis.
“Lola, ‘wag na po kayong makulit. Halata naman po sa itsura niyo na wala kayong pambayad. Tingnan niyo po ako suot niyo, para kayong palaboy. Bukod pa doon, kanina pa po kayo nakaupo d’yan, wala pa po kayong inoorder. Hindi po ito tambayan, lola, kung gusto mo tumambay, doon ka na lang po pumunta sa food court,” ‘ika niya rito dala ng kaniyang pagkainis.
“Nasaan ang manager niyo? Pakitawag,” ‘ika pa nito na lalo niyang ikinais dahilan upang hilahin niya na ito patayo.
“Huwag mo na akong pahirapan, lola, umalis ka na lang,” sabi niya, sumunod naman ito sa kaniya at lumabas ng naturang restawran.
Magdadalawang taon pa lang sa kaniyang trabaho bilang isang waitress sa isang sikat at mamahaling restawran ang dalagang si Joan. Kahit pa siya’y nakapagtapos ng kolehiyo, hindi niya nagawang matupad ang pangarap niya bilang isang piloto dahil sa krisis na biglang kinaharap ng kanilang buong pamilya.
At dahil sa kaniyang angking talino at kagalingan sa pakikitungo sa mga customer, isa siya sa mga empleyadong nakahanay para sa isang mataas na posisyon sa naturang restawran na labis niyang ikinatuwa. ‘Ika niya pa, “Kapag talaga may isang bagay na hindi natutupad sa buhay ko, may mas maganda itong kapalit.”
Totoo naman talagang magaling siyang makitungo sa tao, masipag at may pagmamahal sa trabaho. Ngunit nang siya’y makatanggap ng maraming papuri dahil sa kagalingang pinapakita, unti-unting lumaki ang kaniyang ulo dahilan upang kainisan siya ng kaniyang mga katrabaho.
Lalong lumaki ang kaniyang ulo nang mabalitang isa na nga siya sa mga nakahanay para sa pagiging manager ng naturang restawran. Madalas, pabalang niyang inuutusan ang kaniyang mga katrabaho, nasisigawan niya ang mga ito kapag may nakakalimutan o natatapong pagkain at higit sa lahat, kung minsan, pati mga kumakaing customer, kaniyang natatarayan na labis na ikinasakit ng ulo ng kasalukuyan nilang manager dahil sa dami ng reklamo.
Noong araw na ‘yon, nang matagumpay niyang mapalabas ang matanda, agad niyang pinasok ang isang pamilyang mga amerikano na kanina pa nakapila. Araw kasi ng linggo at dinaksa ang kanilang restawran dahilan upang ang iba, maghintay ng pwesto.
Buong akala niya’y nakagawa siya ng magandang hakbang noong gabing iyon, ngunit maya-maya, sa kanilang kusina, habang inaayos niya ang mga order na pagkain ng bagong pasok na pamilya, biglang sumigaw ang kanilang manager.
“Sinong nagpalabas kay Mrs. Cruz? Siya yung nakaupo sa mahabang lamesa! Lagot tayo niyan!” inis na inis na sigaw ng kanilang manager saka agad na lumabas ng kusina dahilan upang mapailing at mapabuntong na lang siya. Alam niyang anumang oras, mapapagalitan na naman siya.
Ngunit ang akala niyang simpleng sermon, nauwi sa hindi kaaya-kaayang balita nang makaharap niya muli ang naturang matanda.
“Hindi mo dapat ibinabase sa panlabas na itsura ng tao ang kakayahan nito dahil hindi lahat ng tao, pinapakita sa labas nilang kaanyuan ang kanilang tunay na pagkatao. Maraming salamat sa paglilingkod mo, hija, pero hindi ko kailangan nang mapanghusgang empleyado sa negosyo ko. Bukod pa doon, balita ko, sakit ka na sa ulo rito, ‘di ko hahayaang magawa mo ito sa iba naming customer,” malumanay na sambit nito saka naupo.
Nataranta naman ang iba niyang katrabaho na pagsilbihan ito at ang mga kasama nitong mga ginang. Agad na naglagay ng inuming tubig ang mga ito, habang siya, tulala’t hindi makagalaw sa kinakatayuan.
Labis siyang nagsisi sa ginawa niyang iyon. Doon niya napagtanto ang lahat ng pagkakamaling nagawa niya sa restawrang iyon. Simula sa mga katrabaho niyang hindi niya magandang napapakitunguan, hanggang sa mga customer na kaniyang nahuhusgahan, lahat nang iyon, kaniyang pinagsisisihan.
Bago siya umalis sa trabaho, labis siyang humingi ng tawad sa kaniyang mga katrabaho, sa kanilang manager, lalo na sa matandang may-ari ng restawran. Hindi man niya alam kung paano muling babangon, napagdesisyunan niyang ayusin muna ang sarili, lalo na ang kaniyang pag-uugali, bago ulit umasok sa laban ng buhay.