Inday TrendingInday Trending
Nagyayabang sa mga Babaeng Katrabaho ang Binata Upang Makabingwit ng Nobya, Nagising Siya sa Katotohanan nang Mawala ang Lahat sa Kaniya

Nagyayabang sa mga Babaeng Katrabaho ang Binata Upang Makabingwit ng Nobya, Nagising Siya sa Katotohanan nang Mawala ang Lahat sa Kaniya

“Pare, mukhang nagpakitang gilas ka na naman sa mga katrabaho nating babae kagabi, ha?” bati ni Denis sa katrabahong bagong dating, bakas pa sa itsura nito ang pagkalasing sa pagdiriwang na pinuntahan.

“Oo nga, pare, eh, halos limang libong piso ang naubos ko sa alak at pulutan,” kamot ulong tugon ni Rey dahilan upang mapailing ang kaniyang katrabaho.

“O, baka mangutang ka na naman sa akin ng pambayad ng kuryente at renta mo, ha?” ‘ika pa nito habang abala sa pag-ayos ng mga bagong hugas na kubyertos.

“Hindi ko pa malaman, Denis,” patawa-tawa niyang sagot, “Papautangin mo naman ako, hindi ba?” dagdag niya pa dahilan upang mainis ang katrabaho.

“Naku, pare, ‘yan ang sinasabi ko sa’yo, eh! Huwag ka kasing magyabang kung wala ka namang ilalabas sa susunod na araw,” seryosong pangaral nito sa kaniya na ginawa niya pa ring katatawanan.

“Nandiyan ka naman, eh,” biro niya saka humalakhak nang tawa, “Saka gusto ko na kasi makabingwit ng babae, alam mo na, gusto nila mayaman,” sambit niya pa saka kumindat sa katrabahong babaeng kakadaan lang.

“Hay naku, bahala ka nga d’yan, nagsasawa na akong pagsabihan ka,” pailing-iling na tugon nito saka siya iniwan.

Magdadalawang taon nang nagtatrabaho sa isang sikat na restawran ang binatang si Rey. Mataas man ang pasahod dito, hindi niya magawang makaipon dahil sa pagiging magastos.

Sa katunayan nga, ang labing limang libong pisong sahod kada kinsenas, halos isang linggo lang sa kaniya. Ito ay dahil sa pagkahayok niya sa mga babae. Kada araw ng kanilang sweldo, agad na niyang niyayaya ang mga katrabahong babae para mag-inom. Ililibre niya ang mga ito sa isang sikat na bar at lahat ng ituro’t gustuhin ng mga ito, kaniyang ibinibigay kahit pa wala nang matira sa kaniya.

Ito ang dahilan upang kainisan siya ng katrabaho niyang si Denis na nauutangan niya sa tuwing kakapusin siya sa pangbayad ng renta sa bahay, bills, at pangkain niya sa araw-araw. Halos kada buwan na lang kasi, inuutangan niya ito, kung minsan pa, kapag nayaya ng mga babaeng katrabaho, manghihiram pa siya ng pera rito panglibre sa mga ito. Ngunit kahit nakakautang na siya, kinakapos pa rin siya dahil sa halos araw-araw na panlilibre sa mga babae.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos ng kaniyang trabaho, muli na naman siyang niyaya ng mga babae niyang katrabaho dahilan upang mapakamot siya ng ulo.

“Naku, mukhang iniisahan niyo lang ako, eh, ni isa sa inyo, wala pa akong naiuuwi!” biro niya.

“Malay mo, mamaya, maiuwi mo na ako,” sagot ng dalagang pinakagusto niya sa lahat ng babaeng katrabaho.

“O, sige, hintayin niyo ako sa labas, magbibihis lang ako,” nakangiti niyang sambit saka kinindatan ang mga dalaga.

Agad niyang dinukot sa bulsa ang kaniyang selpon upang tawagan ang katrabahong si Denis na kanina pa nakauwi. Balak niya sanang mangutang dito dahil nalimas kagabi ang kaniyang natatagong pera, ngunit bigla siyang napailing sa balita nito.

“Naku, pare, pasensiya ka na, nadisgrasya ako sa motor kanina, ito nga at may semento ang paa ko, wala na akong pera,” balita nito dahilan upang mapailing-iling siya.

Ito ang naisip niyang dahilan upang tumanggi sa mga babaeng naghihintay sa kaniya sa labas. Kahit nanghihinayang, dahil nga wala siyang pera kahit isang libo, napagpasiyahan niya na lang na umuwi.

Ngunit tila hindi pa tapos ang kamalasan niya sa araw na ito dahil pagkauwi niya, nakita niyang nasa kalsada na ang lahat ng kaniyang mga gamit dahilan upang katukin niya ang may-ari ng kaniyang tinutuluyang bahay at magreklamo.

“Aba, eh, may gustong lumipat d’yan, eh, mukhang kayang magbayad sa oras hindi katulad mo na puro paghingi ng pasensiya ang alam!” bulyaw nito sa kaniya saka siya pinagsarhan ng pintuan.

Doon na siya labis na nanlumo. Hindi niya alam kung saan siya lalapit upang makitulog dahilan upang kahit na hiyang-hiya na siya sa katrabahong si Denis, pinuntahan niya pa rin ito sa ospital at doon nakitulog.

Umiling lang ito nang makita siyang may dala-dalang maleta’t mga gamit at agad na siyang pinahiga sa sofa ng ospital.

“Matuto ka nang mag-ipon, Rey, ang pagnonobya nama’y darating din sa’yo, huwag kang mahayok at gumastos para lang makakuha ng babae. Ang sahod natin, sobra-sobra pa sa’yo, lalo na’t wala ka namang binubuhay na pamilya katulad ko,” pangaral nito sa kaniya dahilan upang mapatungo na lang siya’t mangako sa sariling magbabagong buhay na.

Simula noong araw na ‘yon, nagsimula na siyang mag-ipon. Hindi man makasama sa mga kasiyahan ng mga katrabahong babae, ang mahalaga na para sa kaniya ay ang makabayad sa pagkakautang at utang na loob sa katrabahong nagbukas ng natutulog niyang diwa.

Advertisement