
Tila Wala nang Pag-asang Mabuo ang Samahan ng Dating Magkakaibigan; Lalo na Nang Malagasan Sila ng Isa
Si Gino, Jase at Drake ay magkakaibigan mula pa pagkabata. Palagi silang nagkakasundo sa lahat ng bagay o ano pa man. Utol ang kanilang naging tawagan na hanggang paglaki ay nakasanayan na nilang magkakaibigan, bilang parang magkakapatid naman na ang kanilang turingan.
Madalas magkakasama ang tatlo at sanggang dikit ang mga ito hanggang makatapos sila ng high school. Maging pagpasok sa college ay iisang course at school ang pinili nila. Walang hiwalayan ang motto nilang magkakaibigan.
Nagsimula ang pasukan. Mas marami silang kinaharap na pagsubok at talagang sinubok ang kanilang pagkakaibigan. Nagiging pala-absent si Gino dahil sa sakit nito samantalang naging basagulero si Jase at tanging si Drake ang umaawat dito.
Nagbago ang kanilang turingan. Hindi na sila halos magtagpo-tagpo dahil dinala na sa hospital si Gino upang i-chemo. Dinadalaw ito ni Jase at Drake ngunit paminsan-minsan lang dahil nalulong si Jase sa sugal at pakikipag-basag-ulo. Si Drake ang naging tutok sa pag-aaral.
Minsan ay nagkagalit nang sobra si Drake at Jase. Pinuntahan ni Drake ang isa pang kaibigang si Gino upang maglabas ng sama ng loob ngunit hindi na rin ito halos makapagsalita at kita ang hirap na pinagdaraanan.
“Bilisan mong magpagaling, utol, kailangan ka namin.” Yumuyugyog ang mga balikat ni Drake habang sinasabi iyon kay Gino.
“Magpagaling ka,” muli pang saad ni Drake. Nginitian siya ni Gino na ikinagulat ni Drake dahil hindi niya inaasahan ang pagmulat nito.
Mas napaiyak si Drake sa huling sinabi ni Gino sa kaniya.
“P-pagbabatiin ko kayo.” Hirap na hirap itong magsalita. Maya-maya ay nalagutan ng hininga si Gino na ikinabigla ni Drake.
Pinalabas siya ng mga nurse sa silid upang gamutin si Gino ngunit huli na ang lahat. Napaupo si Drake at doon humagulhol nang lubos.
Huling araw ng lamay. Hindi nagpunta si Jase at tanging si Drake lang ang araw-araw na naroon at dumadalaw. Napapailing si Drake na isiping sira na ang pinagsamahan nilang tatlo.
Lumabas si Drake upang magpahangin saglit. Maya-maya ay biglang sumugod sa kaniya si Jase at galit na galit.
“Anong kalokohan ito?” malakas ang baritonong boses ni Jase at nakaagaw ng pansin. Itinataas nito ang kamay na may hawak na cellphone.
Nanlalaki naman ang mata ni Drake nang makita ang mga text at chat ni Gino kay Jase. Maraming-maraming texts at chat messages patungkol sa hiling nitong pagbabati ng dalawa niyang utol.
Kinilabutan si Drake. Ang mga messages na iyon ay katatanggap lamang ni Jase. Paanong mangyayari iyon, gayong nakaratay na sa kaniyang huling himlayan ngayon si Gino?
“W-Wala akong alam, Utol. H-Hindi ko nahahawakan ang cellphone ni Gino!” gilalas na saad ni Drake.
“Kung hindi ikaw ay sino?” galit pa ring tanong ni Jase.
“Ako!” Napalingon ang magkaibigan sa bagong dating na babae. Maganda ito at mukhang kaedad lang nila… Ngunit ang mas nakakagulat ay kamukhang kamukha ito ni Gino!
“Sa loob tayo mag-usap.” Niyaya ng babae ang dalawa at naupo sa pinakaunahang helera ng upuan.
Nagsimulang mag-kwento ang babae. Nakatingin silang lahat sa ataul ni Gino.
“Nang maghiwalay ang mga magulang namin ay kinuha ako ng aming ama at dinala sa ibang bansa. Naiwan si Gino kay Mommy. Simula pagkabata, hindi ako kilala ni Gino pero bago siya ipasok sa hospital ay nagkita kami. He asked me a favor, bantayan ko raw kayo. Na gawin ko ang lahat para maayos kayo dahil mahal na mahal niya kayo para magkabati kayo. Kaya hindi ko maaatim na magkasakitan kayo. He treasured you the most at kung makikita niya kayo, sobra siyang masasaktan.” Napapahid ng luha ang kakambal ni Gino. Tahimik namang lumuluha ang dalawa.
“Salamat, utol. Hanggang sa huling hininga mo kami pa rin ang iniisip mo.” Niyapos ni Jase si Drake na sobra na ang pag-iyak. Naging malungkot ang paligid at puro panaghoy ang maririnig.
Kinabukasan ay inilibing si Gino. Inalayan ng bulaklak at dasal ng mga mahal sa buhay. Maya-maya ay nagsi-alisan na ang mga tao at tanging ang tatlo na lang ang natira.
“Ako si Gielyn, Gina for short.” Iniabot ni Gina ang kamay nang maalalang hindi siya nakapagpakilala sa dalawa.
Tinanggap ito ng dalawa at nagpakilala rin.
“Simula ngayon, ako na ang utol ninyo. Hindi ko papalitan si Gino, kundi magsisilbi akong kaniyang alaala. Gusto niya kasing manatili kayong magkaibigan tulad ng dati,” magiliw nitong saad dahil ito ang huling hiling ni Gino bago mawala.
Sa huli ay nanaig pa rin ang wagas na pagkakaibigan nina Drake at Jase, dahil na rin kay Gino na mawala man sa mundo ay mananatiling buhay sa kanilang mga puso at alaala.