
Napakamaldita at Napakahilig Mang-away ng Batang Ito; Ngunit Katuwiran ng Ina Nito’y Away Bata lang Naman ‘Yon
Isang malakas na pagpalahaw ng isang batang babae ang biglang gumulantang sa nagpapahingang mga nanay sa gilid ng isang playground. Agad na nagsitakbuhan ang mga ito sa takot na ang kanilang anak ang umiiyak nang ganoon kalakas.
“Sarah, bakit ka umiiyak, anak?” kunot-noong tanong ng nag-aalalang si Yza sa anak na si Sarah. Ngunit hindi naman makasagot ang anak niya dahil sa sobrang paghikbi. Habag na habag ito at tila nasaktan sa ‘di malamang dahilan.
Mabuti na lamang at lumapit ang isang bata at ito ang nagsabi ng dahilan ng pag-iyak ni Sarah. “Ikaw po ang mama ni Sarah? Pinukpok po siya ni Lorra sa ulo, e!” sumbong nito sabay turo sa batang nakapamaywang sa ʼdi kalayuan habang nakataas ang kilay at nakatingin kay Sarah.
Anak ito ng kumare niyang si Lorraine. Kilalang maldita si Lorra kahit sa school na pinapasukan ng mga ito, sa edad pa lamang na pitong taon. Nanunulak, namamato, nangungurot, namumukpok ng mga bagay sa ulo ng kapwa bata at kalaro niya, ngunit sa tuwing may magrereklamo, ang palagi na lamang katuwiran ni Lorraine ay:
“Naku, hayaan mo na. Away bata lang naman ʼyan! Huwag mong masiyadong bini-baby ʼyang anak mo, mars. Sige ka, lalaking lampa ʼyan.”
Ngunit sa pagkakataong ito ay tila hindi na mapapalampas ni Yza ang nangyari. Nakita niya kasing may maliit sugat ang bahagi ng ulo ng anak niyang si Sarah kung saan ito pinukpok ng malditang batang si Lorra ag dumudugo iyon!
“Lorraine, pagsabihan mo naman ʼyang anak mo! Napakamaldita nʼyan, ah! Hindi mo ba kayang supilin ʼyang pagiging salbahe niya? Nakita mo, oh, nakakasakit na. Paano kung malala ang naging pinsala sa anak ko dahil diyan sa kamalditahan ng anak mo?” may panggagalaiting hiyaw na ni Yza sa kaniyang kumare. Hindi na siya nakapagtimpi. Ilang beses nang inaway ng malditang si Lorra ang mga anak niya. Ngayon ay si Sarah naman ang napagdiskitahan nito, na kung iisipin ay dalawang taong ʼdi hamak na mas bata sa kaniya! Talagang nanggigigil na si Yza sa ugali ng anak na ito ng kaniyang kumare.
“Ang iyakin nʼyo namang mag-ina, mars! Kaunting sugat lang, nanggagalaiti ka na? Away bata lamang ʼyan. Hindi naman kakayanin ng Lorra ko na manakit nang mas grabe sa ganiyan. Kung ako sa ʼyo, turuan mong maging matapang ʼyang si Sarah. Gusto mo bang lumaking lampa ʼyang anak mo?” heto na naman ang baluktot na pangangatuwiran ni Lorraine. Lalo namang nanggalaiti si Yza sa sinabing iyon ng kaniyang kumare!
“E kung ikaw kaya ang sugatan ko, tingnan ko kung matutuwa ka!”
At nagsimula na ang rambulan ng dalawang ina. Nagpang-abot sila at kapwa hinihila ang buhok ng isaʼt isa sa harapan ng kanilang mga anak! Awat-awat naman sila ng iba pang mga nanay na naroon din sa playground.
Nasa ganoon silang sitwasyon at wala nang nakapapansin pa sa ginagawa ng iba pang mga bata sa kanilang paligid. Hindi nila alam na nakalapit na palang muli si Lorra kay Sarah.
“Inaaway ng mommy mo ang mommy ko! Mga bad kayo! Lampa!” sigaw ni Lorra kay Sarah na noon ay hindi pa rin naaawat sa paghikbi. Walang anu-ano ay biglang itinulak ni Lorra si Sarah na naging dahilan upang mahulog ito sa kinatatayuang bato at bumagsak sa sementadong parte ng palaruan!
Nagulat ang lahat nang biglang sumigaw ang isa sa mga nanay nang makitang humandusay ang walang malay na si Sarah sa sahig!
“Anak!” tarantang napahiyaw si Yza. Agad nilang isinugod ang kaniyang anak sa ospital.
Samantalang si Lorraine ay tila na-estatwa sa kaniyang kinatatayuan at hindi inaasahan ang nangyari. Nakadisgrasya ang kaniyang anak dahil sa kamalditahan nito!
Bigla siyang natauhan. Ilang beses na ba siyang nakipag-away sa mga kapwa niya ina para lang ipagtanggol ang anak niya kahit na ito naman ang mali? Kahit kailan ay hindi niya pinagsabihan ang anak na hindi tama ang ginagawa nito dahil sa pag-aakalang baka lumaki lamang din itong lampa tulad ng iba.
Hindi niya akalaing siya na pala ang mismong nagtuturo sa anak upang maging masama ang ugali nito! Malaki ang pagkukulang ni Lorraine sa parteng iyon ng pagpapalaki niya sa bata.
Mabuti na lamang at naagapan ang natamo ni Sarah at hindi ito nagkaroon ng matinding pinsala dahil sa nangyari. Tinungo ni Lorraine ang ospital na pinagdalhan dito at personal siyang humingi ng tawad kay Yza kasabay ng pag-aalok niya ng tulong pinansyal sa mga ito.
Nangako si Lorraine na simula sa araw na iyon ay hindi na niya hahayaan ang ganoong pag-uugali ng kaniyang anak. Nanghingi na rin siya ng tawad sa iba pang mga magulang ng mga batang inaway ni Lorra noon.