Inday TrendingInday Trending
Dahil Umasenso na ay Hindi na Kilala ng Babaeng Ito ang Kapitbahay na Nag-alaga sa Kanya Noon, sa Panahon ng Pangangailangan ay Ito pa rin Pala ang Tutulong sa Kanila

Dahil Umasenso na ay Hindi na Kilala ng Babaeng Ito ang Kapitbahay na Nag-alaga sa Kanya Noon, sa Panahon ng Pangangailangan ay Ito pa rin Pala ang Tutulong sa Kanila

Si Jonabelle ay pinanganak na mahirap at palaging wala ang ina sa bahay. Factory worker kasi ito, samantalang ang ama ay namatay sa disgrasya sa parehong kumpanya. Kaya naman, bilang single mother, palagi siyang hinahabilin nito sa kanilang kapitbahay na si Aling Ising.

Malapit ang loob ng matanda sa batang si Jonabelle dahil wala naman itong sariling pamilya at nakatira nang malayo sa kamag-anak. Ngunit habang lumalaki siya ay lumalayo ang loob niya sa matanda. Dahil bukod sa nahihiya na siya dito ay napapadalas na rin ang paglabas niya ng bahay.

Sa kabila ng kahirapan ay pinilit ni Aling Jonalyn, ina ni Jonabelle na makapagtapos siya. Madalas rin nilang takbuhan ang kapitbahay na si Aling Ising sa oras ng kagipitan.

“Maraming salamat, Aling Ising. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sayo.”

Tinapik nang marahan ng matanda ang kanyang ina, “Ano ka ba? Wala ‘yun. Sino-sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo rin lang.”

“Salamat talaga, napakabuti niyo. Hindi ko malilimutan hanggang kamatayan ko ang kabaitan niyo sa aming mag-ina.”

Hanggang sa makapagtapos ng pag-aaral si Jonabelle at makapagtrabaho. Unti-unti siyang nakaipon upang makabayad sa lahat ng utang nila. Dahil matalino sa pera ay nakapagpatayo na rin ng sariling negosyo ang dalaga. Itinira niya na rin sa subdivision ang kanyang ina.

Sa kumpanyang pinapasukan niya ay bigla siyang may nakabanggang matanda, “Aray! Tumingin ka naman sa dinaraanan mo!”

Inis niyang turan sa janitress.Siguro’y bago lang ito,sa isip-isip niya pa.

“Jonabelle?” nagulat siya nang tawagin ng matanda sa pangalan niya.

Tinignan niya ang ID at nakitang nakatalikod naman ang pangalan niya, “Sino ka?”

“Ako ‘to! Si Aling Ising, ‘yung nag-alaga sayo. Miss na miss na kitang bata ka!” niyakap siya nito na agad naman niyang nilayuan agad.

“Uy, Miss Jona malapit ka pala sa mga janitor dito ah!” pangangantiyaw pa ng kapwa niya manager.

Marahas niyang nilayo ang matanda sa kanya, “Hindi ko siya kilala!”

Mataray siyang umalis na kinalungkot naman ng matanda. Hindi niya akalaing ganito na ang batang madalas niyang alagaan noon.

Ilang araw ang lumipas ay nagulat si Jonabelle nang mabalitaang naospital daw ang kanyang ina. Agad-agad niyang pinuntahan ito sa ospital.

“Kamusta po ang nanay ko?” tanong niya sa doktor nito.

“Okay na siya Miss. Pasalamat nalang tayo sa mabuting taong nag-donate ng dugo agad sa kanya.”

“Po? Sino po?”

“Naroon siya sa tabi ng bed ng nanay mo.”

Agad niyang pinuntahan ang taong sinabi nitong nagligtas sa buhay ng nanay niya. Ngunit laking-gulat niya nang makitang si Aling Ising ito.

Humingi siya ng tawad dito na agad namang tinanggap ng matanda. Simula noon ay natuto na siyang magpakumbaba at buong-pagmamalaki nang pinakilala ang matanda sa mga kasamahan bilang mabuting taong tumulong sa kanila mula noon hanggang ngayon.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda.

Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Advertisement