Nabuking ang Pekeng Albularyo Kahit Pa Nagawa Niyang Palakarin ang Matandang Naka-wheelchair
Mag iisang buwan nang nanloloko ng mga tao si Henry. Isa kasi siyang fake faith healer o albularyo. Sabi ng iba, basta may paniniwala naman daw ay talagang natutupad ang kahilingan, tulad nalang ng paggaling sa mga karamdaman. Pero iba ang kaso ni Henry, hindi naman kasi siya naniniwala sa Diyos. Pawang pera lang ang habol niya kaya siya nagda-drama na may angkin siyang galing. Madalas na nabibiktima niya ay mga deboto, sinasamantala niya ang paniniwala ng mga ito, pati na rin ng mga taong desperado nang gumaling sa karamdaman o iyong mga walang pampagamot sa ospital. Hindi siya dumadayo, siya ang dinadayo. Ang kanilang bahay ay ginawa niyang ‘gamutan’, kasabwat niya ang kanyang misis. Madali namang mapakalat ang tsismis na sinaniban siya ng Sto.Nino, maya maya pa ay dinagsa na siya ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar. Binibigyan niya ang mga ito ng mga ‘herbal’ kuno niyang gamot, pero ang totoo ay pinakuluan lang iyon na dahon ng bayabas na inilagay sa bote. Ang tao nga naman, uto-uto. Isang araw, puno ang bahay ni Henry sa dami ng gustong magpagamot. Init na init na ang lahat at karamihan din ay naiinis na dahil simula umaga pa lang ay nakapila na sila. “Henry, bakit naririnig namin na manloloko ka lang daw? Hindi mo naman daw napagaling ang anak ni Linda.” tanong ng isa, umugong ang bulung bulungan. Nagkatinginan naman si Henry at ang kanyang asawa, nagsimula na silang mataranta. Hindi sila pwedeng mabuking. “Kaibigan, wala akong magagawa kung yan ang nais nyong paniwalaan. Pero gusto kong malaman nyo na hindi matutuwa ang Mahal na Poon kung may duda kayo, paano hahaplusin ang mga iniinda ninyong sakit kung hindi kayo buong pusong nagtitiwala?” sagot niya. Muling nagbulungan ang mga ito, humiling ang isa na kung talagang nagpapagaling siya, sa harapan mismo ng mga ito ay bigyang lunas niya ang isang may sakit. Lumikot ang mata ni Henry, naghanap siya ng pwede niya mauto. Bahala na, babayaran niya na lang mamaya kung sino man ang makuha niya ngayon basta mapaniwala niya lang ang mga ito na di sya peke. Nahagip ng kanyang paningin ang isang matandang lalaki sa wheelchair. Agad niya itong nilapitan at ipinuwesto sa gitna. “Sa harap nyo, mga kaibigan ko. Ay pagagalingin ko ang matandang ito.” pumikit siya, butil butil ang kanyang pawis. Baka bawiin ng mga ito ang ibinayad sa kanya kanina. Maya maya pa, muli siyang nagsalita. “Sige, tumayo ka tatang.” Nakatayo ang matanda! Mangha ang lahat, maging si Henry. Tila nagkakatotoo na ang ‘powers’ niya. “Humakbang ka Tatang!” muling utos niya, at dahan dahang humakbang ang matanda. Napahawak si Henry sa kanyang dibdib, di siya makapaniwala sa nangyayari ngayon. “Lumakad ka Tatang! Sige Tatang, lakad lang!” at naglakad ang matanda ng dahan dahan. “Ngayon mga kaibigan ko, ano ang sinasabi nyong peke ako?” proud na sabi niya. Nagpalakpakan naman ang lahat maging ang kanyang misis. Humarap siya sa matanda. “Tatang, ano ang masasabi mo?” tanong niya rito. “HINDI PA RIN AKO MAKAKITA.” bulag pala ang matanda at hindi pilay. Nagalit ang mga tao at pinagsisigawan si Henry, binawi na rin ng mga ito ang binayad. Pina-barangay pa silang mag asawa. Ang manloloko kahit gaano talaga kagaling ay mabubuking pa rin, maging aral sana ito sa ating lahat, hindi dahil mahina ang kapwa kumpara sa atin ay may karapatan na tayong lamangan sila.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.