Inday TrendingInday Trending
Nadiskubre ng Babae na Mayroon Siyang Malubhang Sakit, Paano na ang Lolo Niya na Mag-Isa na Rin sa Buhay?

Nadiskubre ng Babae na Mayroon Siyang Malubhang Sakit, Paano na ang Lolo Niya na Mag-Isa na Rin sa Buhay?

Mahal na mahal ni Candice ang kanyang Lolo Rigor. Sila na lang kasing dalawa ang magkasama sa buhay. Pareho nang yumao ang mga magulang niya at wala nang ibang anak ang kanyang lolo. Matagal na ring namayapa ang iba nilang kamag-anak.

Pinaghahandaan na rin niya ang nalalapit na pagpanaw ng kanyang lolo kaya kumuha siya ng memorial plan para rito.

“Hetong kulay gold. Ito ang gusto ko para kay lolo, kukunin ko na,” aniya sa ahente.

“Okay po, ihahanda ko na po,” anito.

Ang pinakamagandang ataul talaga ang pinili niya para sa matanda. Sa isip ni Candice ay mabuti nang pinaghahandaan, gusto kasi niya na kahit sa libing nito ay maganda at presentable ang lahat.

Sa pag-uulyanin ng kanyang Lolo Rigor ay masyado na itong dumedepende sa kanya.

“Apo, kunin mo nga ang salamin ko sa mata at nakalimutan ko sa kuwarto!” sigaw ng matanda.

“Opo, lolo, kukunin ko na po!”

Maya-maya ay may naalala siya na dapat gawin ng matanda.

“Lolo, nakalimutan niyo na namang inumin sa tamang oras ang gamot niyo? Huwag niyo sabihing hindi ko pinaalala sa inyo?,” tanong niya rito.

“Naku, pasensiya na apo. Nawala kasi sa isip ko, e.”

Kinaumagahan, halos mapasigaw naman siya sa ginawa ng kanyang lolo sa kama.

“Lolo, nakalimutan niyo na namang isuot ang diapers niyo, alam niyo naman na kailangan na parati niyong suot iyan bago matulog di ba? Pinaalala ko na sa inyo ito kagabi, a! May ihi tuloy itong kobre-kama!”

“Pasensya na apo, nakalimutan ko, e.”

Dahil matanda na ito ay mahaba ang kanyang pasensya sa pagiging makakalimutin ng kanyang lolo kaya ayos lang sa kanya ang mga kakulitan nito.

Isang araw, habang nasa opisina ay nakaramdam siya ng matinding hilo at siya’y biglang nawalan ng malay. Dinala siya sa ospital ng mga kasamahan niya sa trabaho.

Sa pagmulat ng kanyang mga mata ay nakita niya ang sarili na nakahiga sa isang malambot na higaan.

“Ma’am, mabuti naman po at gising na kayo?” sabi ng assistant niya na si Cory.

“Nasaan ako?” tanong niya.

“Hinimatay po kayo kanina, kaya dinala po namin kayo dito sa ospital,” anito.

Nang biglang pumasok sa silid ang doktor at kinausap siya.

“Ikaw ba si Candice Alegre?” tanong ng doktor.

“Yes, doc. May problema po ba?”

“Nakakaramdam ka ba ng pananakit ng ulo?”

“Opo, doc. Palagi. Minsan po sa sobrang kirot ay parang sasabog ang aking ulo.”

“Ayon sa resulta ng mga test mo, mayroong nakitang bukol sa iyong utak. Hindi ko pa masasabi kung tumor ito kaya kailangan na sumailalim ka sa biopsy,” paliwanag ng doktor.

Natulala si Candice. Sa isip niya ay hindi siya maaaring magkaroon ng malubhang sakit. Paano na ng lolo niya. Sino ang mag-aalalaga rito, sino na ang makakasama nito kapag nawala siya?

“Ma’am, huwag niyo po kami iiwan!” hagulgol ni Cory.

“Tse, tumigil ka nga sa kaiiyak mo. Buhay pa ako! Huwag na huwag mo itong ipagsasabi ha? Tayong dalawa lang ang nakakaalam nito. Lalong-lalong hindi maaaring malaman ng lolo ko ang kalagayan ko,” wika niya sa assistant.

“Makakaasa po kayo, Ma’am. Wala po akong pagsasabihan,” anito.

Pag-uwi niya sa bahay ay hindi siya nagpahalata sa kanyang lolo na mayroon siyang pinagdadaanan.

“Apo, bakit ngayon ka lang? Kumain ka na ba, gusto mo ipaghanda kita ng makakain?” tanong ng matanda.

“Tapos na po, lolo. Pagod po ako, gusto ko na lang pong magpahinga.”

Nagtaka ang matanda, dati ay masaya itong bumabati sa kanya kapag umuuwi galing sa trabaho, ngunit bakit umuwi itong tila mainit ang ulo at may malalim na iniisip.

Habang tumagatal ay napapansin ng kanyang lolo na nag-iiba ang kanyang ugali. Pakiramdam ng matanda ay pinapabayaan na siya ng kanyang apo. Hindi na kasi pinaaaala ni Candice ang mga dapat gawin ni Lolo Rigor gaya ng pag-inom ng gamot sa tamang oras at paglalagay ng diapers bago matulog. Isang umaga habang nagliligpit sa kuwarto ng kanyang apo ay may nakita ang matanda sa ibabaw ng magulong kama nito.

“M-memorial plan? Bakit ako kinuha ni Candice ng ganito, gusto na ba niya akong mawala?” bulong nito sa sarili.

Sa sama ng loob ay kinompronta ng matanda ang apo sa natuklasan. Pagdating nito galing sa trabaho ay agad niya itong hinarap.

“Apo, magtapat ka nga sa akin. Gusto mo na ba akong mawala, ha?”

Nagulat si Candice sa tanong ng kanyang lolo.

“Ho, a-ano pong ibig niyong sabihin, lolo?” nagtataka nitong tanong.

“Bakit kinuha mo ako ng memorial plan? Gusto mo na bang mawala ang lolo mo para wala ka nang paaalalahanan, para wala ka nang iniintindi?” masama ang loob na wika ng matanda habang inilahad sa kanya ang papel na nakuha nito sa kuwarto niya.

Napahagulgol na si Candice sa kanyang kinatatayuan. Gusto niyang magpaliwanag sa lolo niya ngunit hindi niya malaman kung ano ang sasabihin hanggang sa hindi niya namalayan na bigla na lang siyang nawalan ng malay.

Pagmulat ng kanyang mga mata ay nakita na naman niya ang sarili sa ospital at ang umiiyak na si Lolo Rigor na nasa tabi niya.

“Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol sa sakit mo, apo?” iyak ng matanda.

“Patawarin niyo po ako. Inilihim ko sa inyo kasi ayoko na kayong bigyan pa ng problema. Iyon pong pagbabalewala ko sa inyo, gusto ko pong masanay na kayo na huwag dumepende sa akin para kapag nawala ako ay kayanin niyo pong mag-isa. Tungkol naman po sa memorial plan, gusto ko po ay nakahanda na lahat at wala nang iintindihin pa. Sana ay maunawaan niyo po ako at huwag niyo masamain, lolo,” aniya.

“Problema? Para sa akin hindi ka problema, apo! Nauunawaan kita, pero sana sinabi mo sa akin para nadamayan kita. Mula ngayon ang lolo mo na ang bahala sa iyo, apo. Huwag kang kokontra, ha! Hayaan mong ako naman ang mag-alaga sa iyo,” mangiyak-ngiyak pa ring sabi nito.

“Huwag po kayong mag-alala, lolo anuman ang maging resulta ng biopsy, lalaban ako, lalaban ako para sa iyo.”

Mula nang malaman ni Lolo Rigor ang kalagayan niya ay hindi siya nito iniwan kahit na sandali. Palagi itong nasa tabi niya umaga hanggang gabi. Inalagaan siya ng matanda sa abot ng makakaya nito.

Isang araw, dumating na ang pinakaaantay nilang resulta ng biopsy.

“O, handa na ba kayong malaman ang resulta?” seryosong tanong ng doktor.

“Opo, doc, nakahanda na po ako.” ani Candice sa matatag na boses.

“Apo ko, huwag naman po sana,” maluha-luhang wika ni Lolo Rigor.

Nang buksan ng doktor ang envelope na naglalaman ng resulta ay nagulat ito sa nakita.

“It’s impossible!” manghang sabi nito.

“Bakit, ano ang resulta doc?” tanong ni Candice.

“N-negative ang resulta. Wala kang bukol sa utak at wala ring sintomas ng anumang malalang karamdaman. Pero bakit base dun sa unang test ko sa iyo ay mayroong kang bukol?”

Ipinatawag ng doktor ang nurse na nagbigay sa kanya ng naunang resulta. Mas lalo itong nabigla sa sinabi ng nurse.

“Doc, mali po iyong nabasa niyong resulta, hindi po iyon para kay Ms. Candice Alegre. Sa ibang pasyente po ang nakuha niyo. Ang totoong resulta po ay negative, wala pong sakit si Ms. Alegre. Nahilo lang po siya noon dahil mataas po ang kanyang presyon!” sabi ng babae.

“Ano, ibig sabihin wala talagang malubhang sakit ang apo ko?” gulat na tanong ni Lolo Rigor.

“Sorry po, nagkamali po pala ang resulta. Opo, wala pong malubhang sakit si Ms. Alegre kaya wala na po kayong dapat ikabahala.”

“Doc naman, e pinakaba mo naman ako, iyon naman pala ay wala akong bukol!” sabi ni Candice.

“Pasensya na talaga, Ms. Alegre,” wika ng doktor habang nagkakamot ng ulo.

Masayang-masaya si Candice dahil binigyan pa siya ng Diyos ng pagkakataong makasama ang pinakamamahal niyang lolo. Napagtanto niya na mahalaga rin pala na nagpapa-second opinion sa ibang doktor para hindi maranasan ang pagkakamali ng doktor na tumingin sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement