Inday TrendingInday Trending
Kasama ng Babaeng Ito ang Kaniyang Anak sa Pagtratrabaho Bilang Kasambahay, Hindi Niya Inaasahan ang Naging Epekto Nito sa Kaniyang Anak

Kasama ng Babaeng Ito ang Kaniyang Anak sa Pagtratrabaho Bilang Kasambahay, Hindi Niya Inaasahan ang Naging Epekto Nito sa Kaniyang Anak

Hindi nakilala ni Melai ang kaniyang mga magulang at lumaki siya sa mga taong hindi niya kaano-ano. Kaya nga noong nakapagtapos ito ng high school ay linisan niya ang kanilang lugar at namasukan na lamang bilang isang kasambahay.

Swerte naman ang dalaga na napapunta siya sa pamilya ng mga Alfonso, napakababait ng mga ito.

“Melai, ayos lang bang ikaw na lang rin ang mag-alaga sa anak namin? Dadagdagan na lamang namin ang pasahod sa iyo,” tanong ni Edna, ang amo niyang babae.

“Naku, oo naman ho! Napakahilig ko sa bata kung alam niyo lang,” sagot naman ng babae habang inaayos ang higaan ng babae,

Kakapanganak lamang noon ng kaniyang amo at dahil may edad na ito ay maraming naging komplikasyon sa kaniya at sa bata, kaya naman tutok na tutok si Melai sa sanggol na si Darwin at siya na nga halos ang nag-aruga nito. Bawat iyak at paghinga ng bata ay binantayan niya at hangang sa ito ay nag-isang taon.

“Ate, may sasabihin ho sana ako,” saad ni Melai sa kaniyang amo.

“Ate, buntis ho ako. Kaya baka umalis na lang rin ho ako at ayaw kong maging pabigat sa inyo,” dagdag pa ng babae sabay hawak niya sa kaniyang tiyan.

“E ‘di ba wala ka nang pamilya? Ayos lang naman na dito ka na tumira sa amin kasama ng asawa mo at magiging anak niyo. Kaso nga lang ay kwarto lang ang mabibigay ko sa inyo dito sa bahay saka isa pa e malapit na malapit ang loob sa’yo ni Darwin kaya mas ayos na nandito ka,” wika ni Aling Edna.

“Talaga ho ate? Maraming salamat po!” sagot naman ni Melai sabay yakap sa batang si Darwin.

Doon na ng tuluyang nanirahan ang bagong pamily ni Melai, nagsilang siya ng isang malusog na babaeng sangol na si Melanie at kasama rin nila ang tatay ng kaniyang anak na si Rodel. Malaki ang pasasalamat ni Melai sa pamilyang Alfonso dahil binigyan sila ng mas malaking kwarto kaya agad na nagpalakas ang babae at bumalik na agad sa mga gawaing bahay pati narin ang pag-aalaga nito kay Darwin.

“Mimi, buhat mo ako mimi!” saad ni Darwin na ngumiwi ang mukha para buhatin, nasa pitong taong gulang na ang bata.

“Hala ang laki-laki na ng damulag ko e nagpapabuhat pa oh! Halika nga dito!” sagot naman ng babae sabay buhat sa malusog na bata. Nakatingin lamang si Melanie sa kanila at nginitian lamang ito ni Melai.

“Mama, pwede mo ba ako karga?” tanong ni Melanie sa kaniyang ina na kakatapos lamang magpunas ng katawan at nag-aayos na ng kanilang higaan.

“Anak, sa susunod na lang ha? Pagod na si mama e, higa na lang tayo,” sagot naman ni Melai sa anak.

Hindi na umiik pa ang bata at tumabi na lamang ito sa kaniyang ina, wala ang asawa ni Melai dahil stay-in ang lalaki sa pinagtratrabuhang hardware shop at dalawang beses lamang ito sa isang buwan kung umuwi kaya naman silang dalawa lang parati sa gabi at kung minsan pa nga ay naiiwan mag-isa si Melanie sa kwarto dahil kinakailangang tabihan ng kaniyang ina si Darwin para makatulog ito.

Kinaumagahan ay abalang-abala si Melai sa pag-aasikaso ng pagpasok sa eskwela ni Darwin, hinandaan niya ito ng pagkain at inayos ang mga baon.

“Melanie! Ayusin mo na yung baon mo anak at isasabay na kita sa paghatid ko kay Darwin,” saad naman ng ale habang nilalagyan niya ng tuwalya ang likuran ng batang lalaki.

“Ma, ako rin lagyan mo ng tuwalya,” mahinang saad ni Melanie sa kaniyang ina.

“Anak, kaya mo na yan ‘di ba? Tinuruan na kita! Bilisan mo na at malalate kayo!” sigaw ng ale na aligagang aligaga na. Halos isang taon lang ang agwat ni Melanie kay Darwin at pumapasok na rin ito ngayon sa eskwela kahit pa nga salingkit lang ito sa klase dahil sa susunod na taon pa ito mag gragrade one.

Hinatid na ng ale ang mga bata at kaagad na bumalik sa bahay para naman maglinis.

“Naku naman tong si Melanie oh, naiwan pa ang notebook niya e ang dami ko pang gagawin!” sigaw ng ale sa kaniyang sarili. Tiningnan na muna niya ang laman ng notebook at nagulat siya sa nabasa.

“SANA, ISANG ARAW KARGAHIN DIN AKO NI MAMA. SANA, HALIKAN RIN AKO NI MAMA SA LEEG KATULAD NG KAY KUYA DARWIN. SANA LAGI KONG KATABI SI MAMA SA PAGTULOG AT HINDI NA NIYA AKO IWAN PA MAG-ISA. SANA, LOVE AKO NI MAMA KATULAD NG KAY DARWIN,” hindi napigilan ni Melai ang maluha at napahawak ito ng mahigpit sa kaniyang dibdib. Umiyak ng umiyak ang ale dahil hindi niya lubos akalain na iba pala ang trato niya sa kaniyang sariling anak, na iba pala ang nakikita ng bata at hindi niya man sinasadya ay alam niyang nasasaktan ang kaniyang nag-iisang anak.

Agad-agad niyang sinundo si Melanie at si Darwin, binuhat niya ang anak.

“Mama, bakit mo ako buhat? E andyan si Kuya Darwin e,” saad ni Melanie at tumulong muli ang luha ni Melai.

“Malaki na si Kuya Darwin kaya minsan na lang siyang bubuhatin ni Mimi, ‘di ba Kuya Darwin big boy ka na?” saad ni Melai sa batang lalaki at tumango lamang ito.

“E ang Melanie ko? Forever baby ni mama! Kaya kahit mag big girl na basta kaya pa ni mama ay bubuhatin kita! Ikaw ang pinakasuper duper mega love ni mama!” dagdag pa ng ale sabay ikot niya sa kaniyang anak.

Ngumiti ng malaki ang bata at labis na saya ang naramdaman niya, dahil sa unang pagkakataon ay ngayon na lamang niya nalambing ang anak. Itinrato niya itong malaking bata agad at hindi binigyang pansin katulad ng kaniyang pag-aalaga kay Darwin at alam niyang hindi na niya maibabalik pa ang nakaraan kaya ngayon babawi siya sa kaniyang anak. Babawi siya at hindi na niya muli pang hahayaan na maramdaman ng bata na may mas hihigit pagdating sa kaniyang puso.

Advertisement