Inday TrendingInday Trending
Naging Malungkutin at Sakitin ang Matandang Lalaki Magmula nang Huminto sa Pagdalaw ang Kaniyang mga Apo; Kailan Kaya Nila Siya Dadalawin?

Naging Malungkutin at Sakitin ang Matandang Lalaki Magmula nang Huminto sa Pagdalaw ang Kaniyang mga Apo; Kailan Kaya Nila Siya Dadalawin?

Noon pa man ay malapit na ang loob ni Mang Tony sa mga bata, nang siya ay magkaroon ng mga apo ay palagi siyang nagboboluntaryong alagaan sila kapag may lakad ang kaniyang mga anak.

“Pa, pwede po bang pakitingnan muna si Kier? May pasok kasi kami pareho bukas ng misis ko.” Tanong ng kaniyang anak sa telepono.

“Aba’y oo naman, ihatid mo siya dito bukas bago kayo pumasok sa trabaho.” Magiliw niyang sagot.

Madalas din siyang puntahan ng kaniya pang dalawang apo na sina Phil at Paola. Pag darating ang hapon ay inaasahan niya na ang mga apo sa kaniyang bahay, doon sila madalas kumain ng merienda at masayang nagpapalipas ng oras pagkatapos ng eskwela.

“Uy, nandito pala ngayon si Kier.” Wika ni Paola.

“Oo Paola, isama niyo siya sa paglalaro pero ‘wag kayong magtakbuhan sa kalsada ha.” Wika ni Tony.

“Opo, lolo!” Sagot ng tatlong bata.

Sa di inaasahang pagkakataon ay nadapa at nagkaroon ng bukol si Kier. Dahilan upang hindi na muling paalagaan ito sa kaniyang lolo.

Unti-unti na ring naging abala sina Phil at Paola sa eskwela, madalang na silang makadaan sa kaniyang bahay dahil kadalasan ay ginagabi na sila.

“Phil, hindi mo ba kasama si Paola ngayon?” Tanong niya nang dumating na nag-iisa ang apo.

“Hindi po lolo eh, may praktis daw po kasi sila para sa isang proyekto.” Sagot nito.

Sinaluhan siya ni Phil sa merienda ngunit hindi rin ito nagtagal at agad ding umuwi. Dahil siguro naiinip ito sapagkat walang makalaro na ibang bata.

Lumipas pa ang panahon at tuluyan na ngang hindi nakadalaw sa kaniya ang mga apo. Si Paola at Phil ay nasa hayskul na samantalang ang bunsong apo na si Kier ay hatid-sundo ng kaniyang ina kaya’t diretso itong umuuwi sa bahay nila. May inupahan na rin ang mag-asawang malayong kamag-anak na nagbabantay dito tuwing sila’y papasok ng opisina.

Labis ang lungkot at pangungulila ni Mang Tony ngunit ayaw naman nitong obligahin ang mga anak na siya’y puntahan.

“Mukang ang bibilis lumaki ng mga apo ko ah, hindi na nila ako nadadalaw samantalang noon ay araw-araw pa kaming nagme-merienda dito sa aking balkonahe. Sabagay, kinakalawang na ang mga buto ko’t hindi na ‘ko kasing liksi ng dati para makapagbantay maigi ng apo.” Wika niya sa sarili.

Dahil sa kaniyang pagtanda ay unti-unti na ring nakakaramdam si Tony ng mga sakit sa kaniyang katawan, madalas na siyang may ubo at nanghihina. Ngunit wala namang nakakapag-alaga sa kaniya dahil abala sila sa kanilang mga buhay. Minsan siyang dinalaw ni Paola at nagulat ito sa estado ng kaniyang buhay.

“Lolo, sorry po, hindi ko kayo nabibisita kaya hindi ko alam na nagkakasakit na pala kayo.” Wika nito.

“Ano ka ba apo, wala ka namang kasalanan, ang mahalaga ay pagbutihin mo ang pag-aaral mo.” Bilin niya.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay ipinaalam ni Paola sa kaniyang mga magulang at tiyuhin ang lagay ng kanilang ama at agad naman nila itong pinuntahan.

“Pa, bakit naman po hindi kayo nagsasabi? Malubha na ang ubo ninyo, dapat ay mapatingnan kayo sa doktor.” Wika ng isa niyang anak.

“Ay wag niyo akong alalahanin, malakas pa ang papa niyo.” Sagot niya habang umuubo.

“Pa, ‘wag nang matigas ang ulo ha, napagkasunduan namin na doon ka muna sa amin nina Paola titira, para mabantayan ka rin namin.”

Hindi na nakapalag si Tony sa kaniyang mga anak at sumama na sa tahanan ng isa sa kanila. Masaya siyang sinalubong ni Paola na kasalukuyang gumagawa ng takdang aralin. Sa paninirahan niya doon ay unti-unti ngang bumuti ang kaniyang pakiramdam.

“Lolo, yung gamot niyo po wag ninyong kalimutan.” Bilin ni Paola bago pumasok sa eskwela.

“Ikaw talaga apo, hindi pa ulyanin ang lolo, hala mag-ingat ka sa pagpasok.” Wika niya.

Pinagpasiyahan ng kaniyang mga anak na doon na siya mamalagi dahil mas makakabuti na rin ito sa kaniyang kalusugan. Naipagluluto nila siya ng masusustansyang pagkain at naibibigay ang tamang mga gamot para sa kaniya.

Simula noon ay madalas na rin siyang dalawin ni Phil at ng pamilya ng apong si Kier, nakita kasi ng kaniyang mga anak ang kagalakan ng matanda sa tuwing kapiling ang mga bata.

“Kainan na, lolo. Tara na po! Nandito na sina Kier, maari na tayong mananghalian!” Masayang paanyaya ni Paola.

Sa isang hapagkainan ay masayang kumakain ang kaniyang malaking pamilya. Nakangiting pinapanood ni Tony ang kaniyang mga anak at apo, laking pasasalamat niya na kahit may sarili na silang mga buhay ay hindi naman siya pinabayaan ng mga ito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement