Inday TrendingInday Trending
Pilit na Inabot ng Babae ang Kaniyang Pangarap na maging Stewardess kahit na Napakaraming tao ang Hindi Naniniwala sa Kaniyang Abilidad

Pilit na Inabot ng Babae ang Kaniyang Pangarap na maging Stewardess kahit na Napakaraming tao ang Hindi Naniniwala sa Kaniyang Abilidad

Bata pa lamang ay pangarap na ni Eve ang maging isang flight attendant, nais niyang makalipad at maikot ang mundo habang nagtatrabaho. Ngunit dahil sa hindi siya katangkaran ay madalas siyang pagtawanan ng mga tao at ilan sa mga ito’y mga kaibigan niya pa.

“Paano ka magiging flight attendant niyan, Eve? Eh matangkad pa nga sayo ang bunso mong kapatid.” Wika ng kaniyang tiyahin.

“Oo nga naman pinsan, wag masyadong mataas ang pangarap lalo na kung mababa naman ang height mo.” Sagot pa ng isang anak nito.

“Yung abot kamay na pangarap lang Eve, p’wede na yon.” Sabay tawa ng mag-iina.

Anuman ang sabihin ng ibang tao ay hindi naman nagpapaapekto si Eve, alam niyang sa sipag at tiyaga ay makukuha niya ang pangarap lalo pa’t suportado siya ng kaniyang mg magulang.

“Anak, ‘wag kang nakikinig sa sinasabi ng iba. May mga ganyan talagang tao, palibhasa walang mga pangarap.”

“Hindi naman ako nagpapaapekto sa kanila ma, magiging stewardess ako.” Wika niya.

Sa pagtungtong niya ng kolehiyo ay kumuha na siya ng kursong Tourism, kailangan niya muna kasing makapagtapos ng apat na taon sa kolehiyo bago siya sumabak sa mga training. Sa loob ng apat na taong iyon ay marami pa ring sumubok sa kaniyang tatag.

“Ikaw naman kasi Eve, bakit nag tourism ka pa, wala ka namang mapapala diyan, sigurado ka bang matatanggap ka ng airline sa height mong ‘yan?” Wika ng isa nilang kamag-anak.

“Oo naman, magaling ako kahit maliit ako, tsaka kaya nga may mga takong na ang sapatos ngayon eh, para sa mga kagaya ko.”

Nang makatapos siya sa kolehiyo ay inumpisahan niya naman ang paghahanap ng mga training centers para sa mga nagnanais na maging flight attendant, ngunit sa umpisa ay naging mailap ito sa kaniya.

“I’m sorry miss, pero kulang kasi ang iyong height, hindi ka namin pwedeng tanggapin dito.” Wika ng babae.

“Ano po? Kaya ko naman po magtakong pa ng mataas, sige naman na po.” Pakiusap niya, ngunit hindi pa rin siya pinayagan na makapasok.

Pag-uwi ay napansin ng kaniyang ina ang kalungkutan ni Eve, agad siya nitong kinausap upang palakasin ang kaniyang loob.

“Anak, hulaan ko, hindi ka na naman nila tinaggap?” Wika nito.

“Opo ma, maliit daw po ako masyado eh, siguro tama nga sila, masyado akong ambisyosa.” Sagot niya.

“Ano ka ba Eve, hindi kita pinalaking talunan, walang pangarap ang madaling makamit, lahat yan pinaghihirapan, kung ngayon pa lang ay susuko ka na, wala ka talagang mararating.”

Napangiti si Eve sa mga payo ng ina at muling nabuhayan ng loob, naghanap siya sa internet ng iba pang mga training centers at sa kabutihang palad ay natanggap na siya sa isa sa mga ito.

“Maaaaaa! Yes, natanggap na ako! Maguumpisa na ang training ko bukas!” Masaya niyang balita.

“Congrats anak, sabi ko sayo eh huwag kang susuko.” Wika nito.

Tuloy-tuloy na nga ang naging training ni Eve at nang makatapos dito ay agad siyang naghanap ng airline na mapapasukan. Kahit malayo-layo na ang kaniyang narating ay di pa rin talaga nawawala ang mga taong pilit na humihila sa kaniya pababa.

“Nagsasayang ka lang ng pera diyan sa anak mong iyan, kahit anong training pa ang gawin ni Eve ay wala namang tatanggap sa airline diyan.” Wika ng kaniyang tiyahin sa kaniyang ina.

“Malakas naman ang loob ng batang iyon, naniniwala akong kakayanin niya.” Sagot ng ina.

Dahil sa pagpupursige at angking galing ni Eve ay ang training center na mismo ang kusang nagrekomenda sa kaniya sa mga airline companies, mas madali kasing matatanggap ang mga aplikanteng mayroong rekomendasyon kaysa sa wala. Isang araw ay nakatanggap ng e-mail si Eve na nagpalundag sa kaniyang puso.

“We are glad to inform you that South Wing Airlines has accepted your application and that you have passed our initial screening…”

Ito pa lamang ang kaniyang nababasa ay nagtatalon na si Eve sa sobrang saya. Ibinalita niya ito sa kaniyang pamilya at sobrang saya din nila para sa kaniya. Pinuntahan niya na ang mga naka iskedyul na interview at agad din siyang pumasa.

Natanggap si Eve bulang isang ganap na flight attendant at buong puso niyang pinasalamatan ang kaniyang pamilya sa walang sawa nilang pagsuporta sa kaniyang mga pangarap.

Samantalang bigla namang nanahimik ang mga taong dati ay walang kabilib-bilib sa kaniyang abilidad.

Ang taong marunong magsumikap at may pagpupursigi ay mapagtatagumpayan at maabot ang kaniyang mga pangarap, marami man ang humadlang ay hindi ito magiging sagabal sa taong nangangarap.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement