Inday TrendingInday Trending
Palaging Nilalait ng Hambog na Babae ang Kaniyang mga Kaopisina; Kinarma siya nang  Dapuan ng Napakaraming Tigyawat sa Mukha

Palaging Nilalait ng Hambog na Babae ang Kaniyang mga Kaopisina; Kinarma siya nang Dapuan ng Napakaraming Tigyawat sa Mukha

Labis ang kumpiyansa ni Acel sa kaniyang sarili dahil sa angking ganda at talino, yun nga lang ay hindi na niya namamalayan na masyado na siyang nagiging matapobre at mapanlait sa kaniyang mga katrabaho.

“Jory, bakit ganyan ang balat mo? Parang may kaliskis.” Pangaasar niya.

“Ah may skin allergy kasi ako, Acel.” Paliwanag nito.

“Naku, buti wala akong ganyan at napakakinis ng kutis ko.”

Hindi lang si Jory ang madalas niyang mapansin kundi pati na rin si Erica, Raven at Lisa. Ilan sa kaniyang mga katrabaho na labis na ring naiinis sa kaniyang ugali.

“Nasosobrahan na yata si Acel sa pagiging mapanglait, tawagin ba naman akong baboy no’ng isang araw.” Wika ni Erica.

“Ako nga tinawag naman niyang jologs, ang pangit ko daw pumorma.” Sagot ni Raven.

“Ako binansagan niyang reyna ng mga palaka, kasi ang pangit daw ng boses ko. Akala mo kung sinong perpekto.” Sagot ni Lisa.

Bagaman masama ang ugali ay marami pa ring nagkakandarapang mga lalaki kay Acel sa kanilang opisina, ngunit ni isa sa mga ito ay wala siyang pinatulan, bagkus ay puro panlalait ang natanggap nila.

“Di ako pumapatol sa office clerk lang.” Sagot niya sa isang manliligaw.

“Ah ganun ba, sige Acel pasensya na.”

Hindi rin maganda ang kaniyang pakikitungo sa mga janitor ng kanilang opisina. Marami man ang nagrereklamo sa kaniyang mapanghusgang ugali ay hindi naman siya mapatalsik sa opisina dahil di hamak na mayroon naman siyang ibubuga pagdating sa pagtatrabaho.

“Acel, marami akong natatanggap na reports tungkol sa ugali mo. I want you to please observe right manners when you are inside the office.” Wika ng kaniyang manager.

“Sir, hindi naman po totoo iyan, marami lang talagang naiinggit at nagagalit sa’kin dito, lalo na yung mga babaeng hindi biniyayaan ng ganda at yung mga lalaking binasted ko.” Pagpapaliwanag niya.

Isang araw ay nagising na lamang siya na may tumubo ng malaking tigyawat sa kaniyang muka. Ilang oras niya itong paulit ulit na tinitingnan sa salamin, masusugatan na ang kaniyang magandang mukha.

“Hala ano ba to, hindi pwede, papangit ako niyan.” Wika niya sa sarili.

Tinakpan niya ito ng make-up upang hindi mahalata, ngunit dahil sa kaniyang ginawa ay lalong lumala ang kaniyang tigyawat, kinabukasan ay namamaga na ito at di niya napigilang tirisin.

Sa paglipas ng mga araw ay dumami ng dumami ang tigyawat sa kaniyang muka at nahirapan na siyang itago pa ito.

“Acel, bakit ganyan na yung mukha mo, anong nangyari?” Tanong ni Lisa.

“Ah wala ito, baka sa puyat lang.”

Nangingiting tumalikod si Lisa at bumulong sa kaniyang sarili. “Buti nga sa’yo.”

Di nga nagtagal ay napuno na ng tigyawat ang kaniyang mukha at hindi na niya malaman kung paano pa siya lalabas ng bahay. Nawala ang mataas niyang kompiyansa sa sarili at palagi na siyang nakatungo tuwing naglalakad.

“Ayan karma niya na yan, napakayabang kasi.” Wika ni Raven.

“Alam niya na ngayon ang pakiramdam ng magkaroon ng kapintasan.” Dagdag pa ni Erica.

Siya na ngayon ang pinagtitinginan at pinagtatawanan sa kanilang opisina, wala na ni isa sa kanila ang nais na lumapit at makipagkaibigan sa kaniya dahil sa kaniyang kahambugan, kung sana ay naging mabuti ang pakikitungo niya sa kanila ay hindi siguro siya pinagtatawanan ngayon.

“Dok, ano gagaling po ba ‘tong mukha ko? Pakiramdam ko ay mukha na akong longganisa.” Tanong niya sa dermatologist.

“Oo naman, kaya lang ay mahaba-habang proseso ito, hindi basta-basta ang gastos, at may katagalan ang resulta.”

Palagian na siyang dumadalaw sa derma para sa kaniyang mga check up at facial sessions. Naisipan na rin niyang humingi ng tawad sa mga kaopisina upang mabawasan na ang galit nila sa kaniya.

“Pasensya na kayo ha, ngayon ay napagtanto ko na kung ano ang nararamdaman niyo noon.” Wika niya.

“Ikaw naman kasi Acel, habang tumatagal ay nagiging hambog ka lalo.” Sagot ni Erica.

“Oo nga, lahat na lamang ng kapintasan namin ay pinagtatawanan mo pa.” Wika pa ni Raven. Naroon din sina Lisa at Jory at ilan sa mga lalaking kaniyang binasted.

“Pangako hindi ko na uulitin, magiging maingat na ako sa aking mga pananalita, patawarin niyo na ako.”

Madali naman siyang pinatawad ng mga ito dahil ipinakita niya ang kaniyang bukal sa loob na pagsisisi. Naging malapit ang loob niya sa mga kaopisina at naging mas masaya ang kaniyang pagtatrabaho dahil nagkaroon na siya ng mga kaibigan.

Sa pagtagal ay gumaling ang kaniyang mga sugat sa mukha at bumalik sa dati nitong ganda, ngunit ang dating Acel na mahadera’t pintasera ay hindi na muling babalik pa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement